Kailangan ng mga kabataan ng halimbawa

 


Tito 2:6 Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 

Sa Tito 2, nagbigay si Pablo ng mga alituntunin sa pagkilos ng mga mananampalataya, mula sa matatandang lalaki, matatandang babae, at nakababatang lalaki at babae. Sa v6 sinabihan ni Pablo si Tito na turuan ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 

Ang kabataan ay edad kung kailan ang mga tinedyer ay mapusok at naghahanap ng kanilang pagkakakilanlan. Ito ang edad kung saan hindi na sila bata na asa lamang sa magulang ngunit hindi pa rin sila sapat na gulang upang independyenteng kumilos. Nasa edad sila na batid nilang may kakayahan silang higit sa mga bata, at dahil dito nagnanais silang mag-asal matanda. Ngunit ito rin ang edad na hindi pa sila sapat na matanda at nangangailangan ng superbisyon. Ito ang edad na naghahanap sila ng kanilang tinitingalang halimbawa o may hero worship. Ngunit ito rin ang edad na gusto nilang ipakita ang kanilang indpendensiya laban sa anumang uri ng regulasyon. Ito ang edad na sila ay mapusok at handang subukin lahat ng bagay. Ito ang edad kung saan kailangang gamitin nang may karunungan at kasiningan ang kanilang enerhiya. 

Sa isang malusog na simbahan, dapat mamuhunan ang mga lider sa kanilang mga kabataan. Dapat silang gabayan upang sila ay lumaki sa simbahan at hindi mahiwalay ng presyur ng sanlibutan (Kaw 1:10-19) mula sa simbahan. Ito ang edad na napakalakas ng peer pressure at kung hindi sila mababantayan, baka hindi na sila makabalik sa paglilingkod. 

Kailangang tutukan ng mga lider na natatanggap ng mga kabataan ang mga doktrinang magpapatibay sa identidad ng mga kabataan. Dapat nilang malaman na bilang mga Cristiano ang kanilang identidad ay na kay Cristo. Hindi nila dapat hanapin ang kanilang signipikansiya sa mga bagay ng sanlibutan. Hindi sila ang suma total ng kanilang kakayahan at kahinaan; higit sa mga ito, sila ay na kay Cristo. Lahat at kung ano si Cristo, iyan ang kanilang pagkakakilanlan. Nasa kanila ang katuwiran, kabanalan at karunungan ni Cristo. 

Kailangan silang sanayin sa paglilingkod. Sa batang edad dapat nilang matutunang maglingkod upang wala silang pagsisisihan sa kanilang pagtanda (Ecc 12:1-7). Sa murang edad magagamit nila ang kanilang mga espirituwal na kaloob upang ipaglingkod sa ikatitibay ng simbahan. Ito rin ang tamang edad upang mabuo ang karakter at katapatan sa lokal na simbahan. Ang simbahang may naglilingkod na mga kabataan ay isang pinagpalang simbahan. 

Ngunit sa isang banda, dahil ito ay edad na ang mga kabataan ay nag-aakalang kaya nilang gawin kahit ano, kailangan nila ng superbisyon. Isang malaking kamaliang ipagkatiwala sa mga kabataan ang mga serbisyong dapat matatanda ang gumagawa. Oo sila ay naglilingkod at sila ay nasa posisyun upang matutunan nila ang mga sining at agham ng pamamahala. Ngunit kulang sila sa karanasan at kailangan nilang masusing paggabay. Kailangang may matandang gumagabay sa kanila sa pagplano at pagsagawa ng proyekto, paghahanap ng pondo (sapagkat saan kukuha ng pera ang mga kabataang wala pang trabaho), sa pagpapatakbo ng mga programa at sa pagsusuri kung ito ba ay matagumpay at anong mga bagay ang maaaring higit na mapagbuti. Dahil kulang sila sa karanasan, maaaring tumanggap sila ng trabahong higit sa kanilang kakayahan at kapag nabigo silang maisagawa ito, magreresulta sa pagkawala ng tiwala sa sarili. Sa bawat hakbang ng proseso ng proyekto, dapat may isang beteranong Cristiano, na may kakayahan at karanasan, na gagabay sa kaniyang mga hakbang. Kailangan ng isang ongoing apprenticeship kung saan ang mga kabataan ay natututo sa matatanda sa sining ng paglilingkod.

Isang pabayang matanda ng simbahan ang hindi naglalaan ng oras sa kaniyang mga kabataan. Isa ring kapabayaan, at marahil ay mas malaking panganib, ang itiwala ang lahat ng bagay sa mga kabataan. Hindi madadala ng mabubuting talumpati, ng mga inspirational words, ang anumang kabiguang dala ng pagpapabaya ng gawain sa mga kabataang kulang ng karanasan. Ang ideyal ay bigyan sila ng kalayaan sa limitadong lugar, mga limitasyong pinangangasiwaan ng matatanda. Bigyan sila ng kalayaang bumuo ng program pero sa loob ng limitasyong binabantayan ng matatanda. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng produktibong outlet ang kaniyang enerhiya at pagnanais na maging matanda habang natututo siya sa matatanda. Magkakaroon sila ng limitadong tagumpay na dahan dahang lumalaki habang sila ay nagkakaroon ng karanasan at nagkakaroon ng tiwala sa sariling karanasan. 

Ang pagpasa ng lahat ng responsabilidad sa mga kabataan nang walang kaakibat na katapat na gawa sa matatanda ay isang katamaran. Ito ay pagsasakripisyo sa mga kabataan bilang mga peon sa torneo ng matatanda. Kung sila ay mabigo, mayroong escape goat ang matatanda- kasalanan ng mga bata. Kung magtagumpay, mabilis ang matatandang kumuha ng kredito kahit hindi niya kinilos kahit isang daliri upang makibuhat sa trabaho. Ang ideyal na sitwasyon ay kooperasyon sa pagitan ng matatanda at ng kabataan upang nasisigurong may kalidad ang gawa (dahil pinamamahalaan ito ng eksperiyensiyadong matanda) habang ang bata ay may pakiramdam ng akomplisimiyento (dahil siya ay kamanggagawa ng matatanda) at nadargdagan ang kasanayan at karanasan. Sa panahon ng kabiguan, hindi sosolohin ng bata ang kabiguan dahil may kapartner siyang matanda na sasalo ng kalahati ng responsabilidad. Maraming kabataan na hindi binabantayan ng matatanda ang dinurog ng inaakalang kabiguan at naging sterile na lider-kabataan. Sira ang kaniyang self-esteem at ayaw na niyang sumubok muli. 

Ang mga kabataan ay nangangailan ng gabay. Kanino nila ito kukunin kundi sa mga matatanda (Tito 2:7-8). Kapag nagkaroon na sila ng karanasan at kasanayan, saka natin sila bitawan at pakawalan sa mundong ito, handang kunin ang kanilang puwang sa hanay ng matatanda. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay