Isang Testimonyo sa Pagtugon ng Diyos sa Aming Mga Pangangailangan



Mateo 6:33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

Sinulat ko ang blog na ito upang magbigay ng kaaliwan at lakas ng loob sa mga kapatid na dumaraan sa mga pagsubok pinansiyal. Alam kong hindi madali ang buhay sa ating ekonomiya ngunit alam ko ring ang Diyos ay nakaupo sa trono na nangakong hindi tayo iiwan o pababayaan. Gusto kong ipahayag sa lahat kung gaano kabait ang Diyos sa aming pamilya at tinutugunan ang aming pangangailangan. Kung mayroon mang nais magmapuri, ito ay sa pagmamapuri na kilala ko ang Diyos at Siya ay nagbibigay ng mabubuting bagay sa Kaniyang mga anak na lumalapit sa Kaniya. 

Lilinawin kong hindi kami mayaman. Karamihan sa mga araw, sapat lamang ang aking kinikita bilang guro upang tugunan ang pangangailangan ng aking pamilya, tulungan ang aking mga biyenan at suportahan ang simbahan. May mga pagkakataong nagkukulang at kami ay nangungutang ngunit sa awa ng Diyos, nababayaran naman namin ang mga utang. At kahit papaano nakahuhulog ng insurance, nakapagtatabi ng kaunti at paminsan minsan ay may panlibre sa sarili. 

Ang aking testimonyo ay sisimulan ko sa pasimula ng aming pag-aasawahan. Hindi kami nagsimula sa magandang simula at napakahirap ng aming buhay. May pagkakataong ang isang pirasong talong ay aming niluluto bilang ulam sa tanghalian at hapunan. Ensalada sa tanghali at hambura sa gabi. Buntis pa noon ang aking misis sa aming panganay at tanggap naming ang aming paghihirap ay resulta ng aming mga maling desisyon sa buhay. Ngunit sa loob ng mga taong ako ay nagtatapos ng ikaapat na taon ng kolehiyo at buntis pa ang aking misis, hindi ko maalalang nalipasan naming kumain. Kahit gaano kakaunti at kasimple ang pagkain, hindi kami pinabayaan ng Diyos. 

Sa maaga pa lamang natanim sa aking isipan ang ugnayan sa paghahanap sa Diyos at sa Kaniyang probisyon. Isa ako noong taper at regular na sumusulat ng materyales mula sa ministri ni Thieme. Isang lagi kong napapansin ay sa tuwing darating ang materyales ni Thieme, sa araw na iyan o sa susunod na araw, may dumarating na pera. Maaaring sa iba ito ay nagkataon lamang, ngunit para sa akin ito ay paalalang hangga't kami ay nag-aaral ng doktrina, ang Kaniyang probisyon ay hindi mapuputol, Mat 6:33. Tinulungan Niya kaming makasal, makaanak si Lerna, maka-exam at makapasa kahit wala akong trabaho at namatay ang aking inang tumutulong sa amin bago ako makatapos at bago makapanganak si misis. Tinulungan ako ng aking tiyain at kapatid ngunit kalaunan pareho rin itong naputol dahil sila rin ay maraming pinagkakagastusan sa kanilang sariling mga buhay. Ngunit ang Diyos ay nanatiling tapat sa pagtugon sa aming pangangailangan. 

Sa pagpasok ko sa pagtuturo, nagi akong locally funded teacher. Wala kaming sweldo kundi tumatanggap lamang ng honorarium mula sa eskwelahan at sa probinsiya. Ang una kong sahod ay isanlibong piso sa isang taong pagtuturo. Tinanggap ko yun dahil ang isip ko ay magkaroon lamang ng teaching experience para sa ranking. 

Nang maregular na ako medyo gumanda ang aming buhay. Nakapagbayad ng mga utang at gumanda ang kain. Ngunit dahil sa kawalan ng karunungan, naiskam kami na naging dahilan upang muli kaming makaranas ng pinansiyal na problema. Pagpalain ang aking misis, nagdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa upang tulungan kaming bumangon. Iningatan ng Diyos ang aking asawa sa kaniyang pakikipagsapalaran nang halos limang taon at ligtas siyang binalik sa amin. Nakapaayos kami ng bahay, nakapakabit ng linya ng tubig at nakabili ng LPG. Naipagpatuloy ko ang aking master's degree at kung paano ko napagsabay ang pagpapalaki sa aking mga anak, ang pagtuturo sa noon ay apat na simbahan, pagtuturo sa eskwelahan at pagtatapos ng master's degree ay isang kumpesyong aking ibabahagi sa ibang blog. Salamat sa aking misis, nakapagsimula kami ng pagbababuyan at pagtatanim ng kalamansi. Napakabait talaga ng Diyos sa amin. 

Sa puntong ito, sinimulan naming suportahan ang aking mga biyenan. Mababait sila at lagi kong sinasabi sila ang aking mga espirituwal na bayani kaya bukas ako sa pagsuporta sa kanila. Nagsimula na rin kaming magsuporta sa ilang proyekto ng simbahan. May mga buwang mas malaki pa ang binibigay namin sa simbahan kaysa sa aming personal na gastos sa pagkain. Pero ang laging sabi ng aking misis, ayaw niyang kaligtaan ang pag-aabuloy dahil ito ay paraan ng pagbabalik sa Diyos ng mga biyayang galing sa Kaniya. Mas tapat ang aking misis kaysa akin sa pag-aabuloy. 

Dahil sa laki ng aming buwanang gastos, may mga buwang kami ay kapos at kailangang mangutang. Sa kabila noon matapat ang Diyos sa pagbigay ng aming pangangailangan, pagtulong kina nanay at tatay, at pagpondo sa simbahan. May utang man, nababayaran naman kahit paano at nakapagpaayos muli nang paunti-unti ng bahay. Iniwasan na namin ang mga get rich quick schemes na naging dahilan upang masira ang aming pinansiyal na estado. 

Maraming pagkakataon na ako ay nasa huling daan ng aking atm at may deadline ng bayarin. Sa tamang oras, biglang darating ang sweldo at naiwasan ang mga kompromiso. 

Dalawang kamakailan na halimbawa ang pumasok sa aking isipan. Nitong Pebrero lamang, nangailangan kami ng pera pambili ng pagkain ng baboy. Hindi ko alam kung saan lalapit. Sa hindi inaasahang pagkakataon, si Pag-ibig ay nag-text sa akin noong Pebrero 23, 2024 para sabihing may overpayment akong Php 13, 043.50 sa aking loans at maaari kong kunin. Kailan naganap ang overpayment na ito? Noon pang August 3, 2017! Sinong mag-aakala na sa araw na kailangan ko ng pera saka naman kumontak si Pag-ibig na mayroong akong hindi inaasahang pera. Sa iba ito ay nagkataon lamang ngunit sa akin ito ay patotoong may Diyos na nagbabantay sa Kaniyang mga anak. Alam ng Diyos na kailangan ko ng pera kaya sa loob ng pitong taon tinago ng Diyos upang sa tamang araw ay may magamit akong perang pambili ng pagkain ng baboy. Hindi ba at ito ay patunay na ang Diyos ay kumikilos at involved sa buhay ng Kaniyang mga anak? 

Ang isa pang halimbawa ay nito lamang Setyembre 3. Muli kailangan na naman namin ng pera. Si misis ay nagtatanim ng papaya nang makita niya ang isang malaking pusang may lahing Persian big bone. Ang tanging alam niyang may-ari ng ganitong pusa ay ang kapitbahay namin sa kanto. Hinuli niya ang pusa upang iuwi sa may-ari. Hindi niya alam na ito pala ay apat nang araw na nawawala at may patong na gantimpala sa ulo. Nakuha niya ang gantimpala at nakabili kami ng bigas. Sinong magsasabing hindi ito kamay ng Diyos na dinala ang pusa sa tamang oras upang may pambili kami ng bigas? 

Marami pang halimbawang kagaya nito sa aming buhay. Hindi inaasahang dagdag sweldo at bonus. Mga kaibigang bukas ang kamay magpautang. Mga hindi inaasahang pera. 

Marami ang magsasabing ito ay nagkataon lamang. Ngunit sa ikatlong pagkakataon walang makakakumbinse sa aking ito ay pagkakataon lamang. Sa aking paningin ito ay patunay na ang Diyos ay laging nag-iingat sa Kaniyang mga anak. Walang makakakuha sa akin ng kaaliwang ito. 

Sana may makabasa nitong magkaroon ng emcouragement sa kabaitan ng Diyos. Kung nagawa Niyang ibigay ang Kaniyang Anak na mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan, hindi na Niya magagawang ibigay ang ating mga pangangailangan ngayong hindi na Niya kailangang isakripisyo ang Kaniyang Anak? Kung hindi pa kayo nanampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, gamitin ninyo itong pagkakataon upang sumampalataya sa Kaniya. Ang Kaniyang pangako ay ang sinumang sumampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.




Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2