Isasaysay sa salin ng lahing darating



Awit 78:3 Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang.4 Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.5 Sapagka't siya'y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak:6 Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga'y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak:7 Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos:8 At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios.

Nang nakaraang Linggo, ang kapatid na Meo ay nagturo sa kahalagahan ng pagpapakumbaba at ng pagtuturo nito ng mga magulang sa mga anak. May ilang pasahe siyang nabanggit na umagaw sa aking atensiyon, kabilang na ang sitas na ito. 

Sa Awit na ito iniimbitahan ni Asaph ang mga Israelita na alalahanin ang ginawa ng Diyos para sa Kaniyang bayan, upang ang mga ito ay ibahagi sa susunod na henerasyon. Sa ganitong paraan mapapasa sa susunod na salinlahi ang pananampalataya at ang susunod na henerasyon ay makakaalam ng kabutihan ng Diyos at magpupuri sa Kaniya. 

"Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang." Nagsimula ang awit ni Asaph sa pagkilalang may mga bagay na narinig, nalaman at isinaysay sa kanila ng kanilang mga magulang.

"Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa." Ano ang mga isinaysay na ito? Ang papuri, kalakasan, at mga kagilagilalas na gawa ng Diyos. Sa natitirang bahagi ng Awit, isasaysay niya ang mga ito hanggang sa panahon ni David. Ang kagandahan dito ay anumang isinaysay sa kanila ng kanilang mga magulang ay determinado silang ibahagi sa susunod na salin lahi. Hindi nila ito ikukubli, itatago at sosolohin. Kanila itong isasaysay, ihahayag at ibabahagi. Sa ganitong paraan makikilala rin ng susunod na henerasyon ang kabutihan ng Diyos.

"Sapagka't siya'y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak." Ito ay isang utos: ang mga ito ay dapat ipabatid ng mga magulang sa kanilang mga anak. Makikita natin ang utos na ito halimbawa sa Deut 6 at 11.

"Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga'y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak." Bakit inutos ito ng Panginoon at bakit intensiyonal si Asaph na ibahagi sa kaniyang mga anak ang gawa ng Diyos? Upang ang kaniyang mga anak ay ipamana rin ito sa kanilang mga anak, sa kaniyang mga apo. Makikita natin dito ang walang patid na paglilipat ng katotohanan ng Diyos. 

"Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos." Ang kaalamang ito ay magtuturo sa kanilang umasa sa Diyos at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos. Mahirap malimutan ang palaging inuulit. At kung inuulit sa mga anak ang pag-asa sa Diyos at mga gawa ng Diyos, hindi nila ito malilimutan. Lumilikha ito ng frame of reference upang higit na mapahalagahan ang kilos ng Diyos sa kanilang mga personal na buhay. Ito rin ay motibasyon upang sumunod sa mga utos ng Diyos. Mas madaling sundin ang Diyos na iyong kilala kaysa Diyos na nababalot ng misteryo. Sa Diyos na kilala, mayroon kang track record ng katapatan at kabutihang nagsisimula sa kanunununuan. Sa misyteryosong Diyos hindi mo alam kung naririnig ng Diyos ang iyong tinig, umaasa ka ngunit walang katiyakan. 

"At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios." Sa halip na maging suwail na gaya ng mga magulang, at ito ay tumutukoy sa henerasyon ng Exodo, na bagama't nakita ang kabutihan ng Diyos ay piniling magbulung-bulungan laban sa Diyos, ang bagong henerasyon ay dapat maging masunurin at mapagpuri sa Diyos. 

Lahat ng ito ay mangyayari lamang kung walang putol na pagpapasa ng pananampalataya at pagpapahalaga. Sa kabanatang ito, mayroon tayong apat na henerasyon- ang magulang ni Asaph, si Asaph, ang kaniyang mga anak, ang mga anak ng kaniyang anak. Sa loob ng apat na salinlahi, mayroong pagbabahagi ng kabutihan ng Diyos. Mayroong tunay na legasiya ng pananampalataya. Ang resulta ay henerasyong may pagkakilala sa gawa ng Diyos ay dahil dito ay nagpupuri sa Kaniya. 

Ganito rin na tayo sa sarili nating sambahayan? Maingat at masikap ba nating pinapasa sa ating mga anak ang ating mga pananampalataya at pagpapahalaga upang ang mga ito ay kanilang maipasa sa kanilang mga anak? Hinahanda ba natin ang ating mga anak na mamuhay nang may kabanalan at hiwalay at walang mantsa sa mundong ito? O hinahayaan natin silang lumaki na kahalubilo ng sanlibutan at hindi makilalang hiwalay sa kanila? Tinuturuan ba natin silang magtiis para sa Diyos o tinuturuan natin silang sumuko sa unang kaway ng pag-uusig? Lumalaki ba silang taglay ang ating pananampalataya o iiwan nila ito sa pinakaunang pagkakataong mayroon sila, marahil ay nanghahawak lamang sa anyo ng kabanalan ngunit walang laman. Mga sakong nakatayo ngunit dahil walang laman ay itutumba ng hangin? 

Dalhin natin ang ating mga anak sa simbahan upang makarinig sila ng Salita ng Diyos. Hayaan natin silang lumaki sa ligtas na komunidad ng mga ligtas. Sa isang komunidad na malaya nilang maisapapamuhay ang kanilang Cristianismo na walang takot na sila ay pagtatawanan kundi sa halip sila ay tutulungang bumangon ilang ulit man silang madapa. Ipasa natin sa kanila ang pananampalataya at pagpapahalaga na magiging dahilan upang sila ay lumago sa anyo ni Cristo. 

Anong leksiyon ang makukuha natin kina Jotam, Acaz, Ezekias, Manases, Amon at Josias? Ang leksiyon ay ito? Malibang may nagpapatuloy na pagpapasa ng pananampalataya, ang henerasyon ay tila bolang tumatalbog mula sa kabutihan patungong kasamaan at pabalik-balik. Ang nais natin ay lumikha ng henerasyong tapat at sumasamba at magagawa lamang ito kung tayo ay intensiyonal sa ating pananampalataya at sa pagpasa nito sa susunod na salinlahi. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.




Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2