Isang Kumpesyon ng Kahinaan at Karamdaman



2 Corinto 12:9 At siya'y nagsabi sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka't ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan. Kaya't bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.

Walang tao ang gugustuhing maging mahina. Isang araw ikaw ay malakas at atletiko, nagagawa ang gusto mong gawin at sa susunod na raw hirap ka kahit pagtaas ng kamay na may isang tabong tubig. Lalo na sa mga taong kagaya ko na gumugugol ng oras at gastos upang mag-ehersisyo at magpalakas, ang kahinaan ay isang duming ayaw mong hawakan. Matapos mong magsanay na magbuhat ng mabibigat na bakal, matatali ka sa higaan at hindi magawa kahit ang basikong mga kilos nang hindi nanghihina. 

Dalawang taon ang nakaraan tinamaan ako ng sakit sa baga. At nadiskubre ko ito sa pinaka hindi inaasahang pagkakataon. Kailangan kong asikasuhin ang aking medical clearance para sa aking ERF. Kumuha ako ng x-ray at urinalysis ilang bahagi ng iniisip kong napaka routine na check up. Hindi ko naisip na babaguhin nito ang aking buhay at pananaw. 

Nadiskubre ng klinika na mayroon akong tama sa baga. Pinaulit pa ako para masiguro at ang resulta ay konklusibo. Malaki at malakas ako sa labas, ngunit sa loob ang aking baga ay may sugat, salamat na lang at maliit pa lang. Ayaw akong pirmahan ng doktor malibang pumayag akong itiwala ang aking sarili sa anim na buwang gamutan. Ang unang dalawang buwan ay impiyerno para sa akin. Grabe ang reaksiyon ng aking katawan sa gamot. Nanghina ako nang husto. Nagbuhat pa ako ng barbel at nagbaras bago magpatsek-ap. Pagkainom ko ng gamot, bigla akong nanghina. 

Nagsimula akong magbilin sa aking pamilya kung sino ang dapat kausapin kung hindi ko kayanin. Binigay ko ang mga dokumentong kailangan upang mawala man ako mayroon silang matanggap na pera. Pagkagaling sa trabaho, nakahiga lang ako sa sopa. Sa trabaho nakahiga lang ako sa folding bed. Buti na lang at pandemic, walang face to face classes at nagpapasa at nagtsetsek lang kami sa messenger. Kung nagkataon, di ko tiyak kung kakayanin ko ang tumayo sa harap ng klase at magturo. 

Isa itong karanasang ayaw kong maulit. Ayaw kong maramdamang mahina. Soloista akong tao kaya tinuruan ko ang aking sariling maging malakas at kaya ang sarili. Ang alisin ang lakas na ito at pagmamapuri sa personal na kakayahan ay malaking dagok sa akin. 

Ngunit ang panahon ding ito ang nagturo sa aking ng maraming bagay. Muli nitong ginising ang aking pagmamahal sa halaman. Dahil hindi ako makabuhat ng bakal at upang malibang ang aking isipan, nagsimula akong maging plantito. Naging ehersisyo ko ang magtanim ng mga halaman at nainlab ako sa cactus. 

Ito rin ang panahong na-a-appreciate ko nang husto ang aking pamilya. Hindi nila ako iniwan at nandiyan sila upang alalayan ako. Ang misis ko ang umaalalay sa akin sa pagkilos at laging handang makinig sa aking mga himutok. Ang aking biyenan ang aking naging spiritual confidant. Lagi nilang pinalalakas ang aking loob. 

Dito ko rin na-a-appreciate ang doktrina ng resureksiyon. Sa unang pagkakataon, ang resurrection body ay hindi lamang abstrak na ideyang tataglayin ng mananampalataya sa Rapture. Ito ay bagay na aking inaasam. Ayaw ko na ng katawang ito na nagkakasakit at nanghihina. Hindi ako takot mamatay pero ang panghihina ay tortyur sa isipan. Sa unang pagkakataon ang resurrection body ay mas totoo pa sa akin kaysa katawang ito. Kailan ko ba huhubarin ang mortal na katawang ito upang masuot ang katawang hindi nasisira na iyan? 

Natuto ako ng pagtitiis. Kahit ayaw kong magsimba, sinabi ko sa sariling bumangon. Luwalhatiin mo ang Diyos sa katawang may sakit. Madali ang maglingkod kapag malakas at atletiko. Isang sakripisyo ang maglingkod sa katawang nanghihina. 

Wala sinuman sa simbahang nakaaalam maliban sa malapit na pamilya. Sa kanilang mata, ginagawa ko lang ang dati kong ginagawa. Nagtuturo, dumadayo sa ibang lugar, namamahagi ng babasahin. Pero sa likod niyan ay masakit na katawan at mas masakit na kalooban. 

Kaya pala ang matatanda ay espirituwal. Buong buhay ng isang tipikal na lalaki ay inubos sa paghahanap buhay at pagpapaasenso ng buhay. Kung minsan limot ang magsimba. At kapag matanda na, saka sila nalalapit sa Diyos. Ang pagiging mahina pala ay isang magandang motibasyon upang lumapit sa Diyos. Sa unang pagkakataon, ang isipan ay nasa mga bagay espirituwal. Hinahanap mo ang mga bagay na higit pa sa mortalidad. 

Hindi ako gusto noon pero sa paglingon ko ngayon sa karanasang ito, nagpapasalamat ako sa Diyos na hinayaan Niyang maranasan ko ang kahinaan habang bata pa. Hindi ko na kailangang tumanda at maging bed-ridden bago ko ma-appreciate ang mga espirituwal na bagay. Sa pagbalik ng aking lakas, dala ko ang apresasyong ito. Maikli ang buhay at may buhay pang darating. Ang buhay na darating ang higit na mahalaga. 

Dahil sa kahinaan, natutunan kong magtiwala sa kalakasan ng Diyos. Sa buong panahon na iyan, saksi ako sa katapatan at kalakasan ng Diyos. Dahil sa hindi ko matitiwalaan ang aking personal na lakas, kailangan kong itiwala ang aking kaligtasan sa Kaniya. Kahit ang pagbabiyahe, hatid-sundo ako ni misis. Siya ang nag-ingat sa amin sa kalsada dahil hindi ko magawa ang obligasyon kong ingatan ang aking asawa. 

Nasakdal ang kalakasan ng Diyos sa aking kahinaan. Mas nadalas ang aking pagdarasal at pag-aaral ng Kaniyang Salita. Dahil hindi ko kayang magkikilos ang Biblia at mga aklat biblikal ang aking naging karamay. Natuto rin akong umasa sa mga tao sa aking paligid. Hindi ko pala kaya ang lahat. Kailangan ko ang Diyos at kailangan ko ang aking pamilya. Kailangan ko ang ibang tao kahit sa mga routine na bagay. 

Hindi madali sa akin ang kumpesyong ito. Itinago ko ito noon dahil natatakot akong kapag nalaman ng iba ang aking kahinaan, gamitin itong pagkakataon ng aking mga kaaway (kung mayroon man) upang saktan ako at ang aking pamilya. Ikinukuwento ko ito ngayon dahil narekober na ng aking mga kamao ang tatlong-kapat ng aking lakas. 

Kahit sa trabaho, iilan lang ang nakakaalam. Kailangan kong sabihan ang aking mga superyor para mabawasan nila ang aking trabaho at huwag dagdagan pa. Hindi pumasok sa isip ko ang mag-leave. Hindi ko afford na mawalan ng sweldo. Apresasyon sa aking department head. Inalisan niya ako ng advisory at binawasan ng load. Hindi ako madaling ma-impress pero salamat Sir Otep sa pag-unawa. 

Ikinuwento ko ito ngayon dahil baka may makabasa nitong dumaraan sa panghihina at karamdaman, nasa banig ng karamdaman at hindi alam kung bakit sa dami ng tao sa mundong ito, sila pa ang tinamaan. Marahil ito ay marahang panawagan ng Diyos na nang ikaw ay malakas hindi mo Siya maalala. Ngayong nanghihina ka baka mabigyan mo Siya ng atensiyon. 

Ang Diyos ay nagmamahal at naghihintay sa iyo. Gusto Niyang magkarelasyon sa iyo kaya Siya ang nag-initiate ng relasyon. Sinugo Niya ang Bugtong Niyang Anak, na si Jesucristo, upang mamatay sa krus at bayaran ang kasalanan, hindi lamang ng mga mananampalataya kundi pati ng buong sanlibutan. Inalis ng kamatayan ni Cristo ang kasalanan bilang hadlang sa pagitan ng Diyos at tao. Walang tao ang makapagsasabing gusto niya sanang lumapit sa Diyos ngunit hindi niya magawa dahil sa kasalanan. Ang nag-iisang dahilan upang ang tao ay mapunta sa impiyerno ay ang hindi sampalatayahan si Cristo para sa buhay na walang hanggan. Ang tanging paraan upang makapunta sa Ama (Juan 14:6) ay ang manampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan, Juan 3:16; 6:47; Gawa 16:31. Marahil ito ang pagkakataon upang iyong pagnilayan ang pangangailangan mong manampalataya kay Cristo. Sumampalataya ka kay Jesus bago mahuli ang lahat. 

Marahil mananampalataya ka na hindi mo alam ang dahilan kung bakit dumaraan ka sa mga bagay na ito. Hindi ko rin alam kung bakit hinayaan ng Diyos na magkasakit ako sa baga ngunit ngayong tapos na ang lahat, nakita kong ginamit ito ng Diyos upang mawalan ako ng tiwala sa aking sarili kundi magtiwala sa Kaniya lamang. Marahil ito ang layon ng Diyos para sa iyo. Gamitin mo ang pagkakataong ito upang palalimin ang iyong relasyon sa Kaniya. Marahil tinatawag ka ng Diyos na mas lumapit sa Kaniya. Ito ang pagkakataon upang masubukan mo ang kalakasan ng Diyos sa panahon ng kahinaan. Ito ang panahon upang subukin kung Siya nga ba ay kasama natin sa ating karamdaman. Ito ang pagkakataon upang maranasan ang biyaya ng Diyos na nagpapasakdal. Ito ang pagkakataon upang maranasan ang kapangyarihang binigay sa mga nanampalataya, Ef 1:19-21, ang kapangyarihang ginamit ng Diyos upang ibangon si Cristo mula sa mga patay at inupo sa kalangitan. Ito ang tinatawag ni Pablo na kapangyarihan ng resureksiyon. 

Ang init na nagpapalambot ng karne ang nagpapatigas sa itlog. Huwag nating hayaang patigasin ng karamdaman ang ating kalooban laban sa Diyos. Sa halip, ito ang pagkakataon upang manatiling malambot sa harapan Niya, isang taong lumuluhod sa harap ng Diyos. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang lumago sa biyaya at pagkakilala sa Kaniya at sa Kaniyang biyaya. 

Kung ang blog na ito ay makatulong sa sinuman upang pagnilayan ang kanilang relasyon sa Diyos, sa Kaniya ang kapurihan at kaluwalhatian. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.




Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2