Isang Guro

 



Ipinagdiwang ngayon sa San Rafael National High School ang mga guro. Sa araw na ito kinilala ang malaking ambag ng mga guro sa paghubog ng mga kabataan at paglago ng lipunan. Ang mga guro ang ahente ng paglilipat ng mga karunungan sa susunod na henerasyon. Nagtuturo sila ng kapakipakinabang na kasanayan at modelo ng tama at magandang pag-uugali. Kung wala ang mga guro, walang inhenyero, abugado, sundalo, doktor, abugada atbp propesyon. 

Bilang isang guro sa pampublikong paaralan, nakatataba sa puso ang pagkilalang ito. Isang araw sa isang taon, nabibigyang katarungan ang aming pagpupuyat at pagsisikap na maturuan ang aming mga estudyante. Ngunit nakalulungkot na samantalang apresyado ang puwang ng mga guro sa pampublikong paaralan, isang uri ng pagkaguro (at sa aking palagay ay mas mahalaga) ang hindi nabibigyang atensiyon. Ito ay ang pagiging guro ng Biblia.

Bilang isang indibidwal na guro pareho sa paaralan at ng Biblia, masasabi kong walang alinlangan na mas mataas ang pagtingin ng aming mga estudyante sa paaralan kaysa sa pagkilala ng mga miyembro ng simbahan. Siguro dahil kailangan ng mga estudyante ang aming mga marka o dahil siguro alam ng mga estudyante na kami ang susi upang sila ay makakolehiyo at maabot ang kanilang pangarap na trabaho. Siguro dahil ang pagiging guro ng Biblia ay isang boluntaryong trabaho, walang bayad at dahil dito walang taya ang mga Cristiano. Marahil dahil walang nakikitang rason upang mag-aral ng Biblia, magsimba ka o hindi, makakahanap ka ng trabaho, makabubuo ng pamilya at aasenso ang buhay. Dahil dito nababalewala ang mga guro ng Biblia. O marahil ito lamang ang aking karanasan at hindi totoo sa ibang guro ng Biblia. 

Sa paaralan, ang mga estudyante ay laging handang umalalay- magdala ng gamit, maglinis ng gusali, magtsek at magdistribute ng papel, magbuhat ng mga dalahin at marami pang iba. Sa simbahan, ang guro ng Biblia ang nagtuturo, naglilinis, nag-aayos ng upuan at ang mga miyembrl ay darating at aalis kung gusto nila. Madalas huli pagdating at una sa pag-uwi kaya lahat ng trabaho sa simbahan ay naiiwan sa guro. Nakalulungkot na ang oras at lakas na magagamit ng guro sa pag-aaral at paghahanda ng mga aralin ay nauubos sa ibang gawaing maaari na sanang saluhin ng ibang miyembro. 

Sa paaralan, kinukulit kami ng mga estudyante na ulitin ang aralin kapag sila ay lumiban, nanghihingi ng notes na pwedeng rebyuhin pag eksam at nagmemensahe pa para manghingi ng karagdagang gawain para maragdagan ang marka. Sa simbahan, maraming miyembro ang hindi nakikinig sa aral, nagkukwentuhan, at kapag natapos na ang obligasyon, uuwi na. Walang nagtatanong upang mabigyang linaw ang mensahe, kung may alternatibong interpretasyon, kung ano ang praktikal nitong aplikasyon sa buhay at kung paano sasagutin ang mga salungat dito. Lumalabas na mas malaki ang interest ng mga estudyante ng sekular na kaalaman kaysa dibinong kalooban ng Diyos. 

Sa paaralan, ginagalang at binabati kami ng mga estudyante. Sa simbahan, darating at aalis ang miyembro na wala man lang bati at kung ikaw ang nakalimot bumati, sila pa ang masama ang loob at hindi na babalik.

Bakit ganito? Hindi ba nauunawaan ng mga Cristianong ang aral ng Biblia ay may eternal na signipikansiya na gumagawa sa buhay na ito at sa eternidad sa kapakinabangan nanampalataya? Ang aral na natutunan ngayong Linggo ay magpapatibay sa kaluluwa upang kapag naharap sa problema at kapighatian ng buhay ay hindi siya bibigay. Ang mga leksiyon ng paaralan ay pansamantala lamang, ang katotohanan kada taon nababago ang kaalaman dahil sa mga bagong diskubre. Ang agham ngayon ay maaaring iba na sa agham bukas. Lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na nang ako ay estudyante, siyam ang planeta, kasama ang Pluto. Nang ako ay guro na, naging sampu dahil may hipotetikal na Planet X lagpas sa Pluto na maaaring dahilan sa pagbabago ng orbit ng Neptune. Ngunit ngayong guro na ako, walo na lang dahil demoted ang Pluto sa planetoid. Samakatuwid ang kaalaman ng paaralan ay temporaryo lamang. 

Ngunit nag aral ng Biblia ay hindi nagbabago. Noon at ngayon at magpakailan man ang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, hiwalay sa anumang gawa. Hindi iyan magbabago. Ang Diyos noon at ngayon ay pag-ibig, katarungan, buhay na walang hanggan at omnisyente, omnipotente at omnipresente. Hindi nagbabago ang Diyos. Ang Salita ng Diyos, noon at ngayon, ay ang kapangyarihan upang maisagawa ang kalooban ng Diyos. Ito ang nagbabago ng buhay, nagpapalakas ng pananampalataya at nagdadala ng eternal na gantimpala. Hindi iyan nagbabago. 

Ngunit sa hindi malaman na dahilan, mas pinahahalagahan ng mga Cristiano ang temporaryo kaysa eternal, ang panlupa kaysa panlangit, ang materyal kaysa espirituwal. At ang pagpapahalagang ito ay dala pati sa mga guro. Mas pinahahalagahan ang guro sa paaralan kaysa ng Biblia. At ito ay nakalulungkot para sa akin dahil ako ay pareho- guro sa paaralan at guro ng Biblia. 

Nakalulungkot sa akin na mas mataas pa ang paggalang sa akin ng mga hindi mananampalataya bilang guro sa paaralan kaysa sa paggalang ng mga mananampalataya bilang guro ng Biblia. Hindi ko ito sinulat upang humingi ng pagkilala o ng karagdagang atensiyon. Sinulat ko ito dahil hindi ko maiwasang maihambing sa araw na ito kung paano pinagdiriwang ng sanlibutan ang kaniyang mga guro kaysa ng simbahan ang kaniyang mga guro. Nakapagtataka bang maraming may kaloob ng pagtuturo ang ayaw magturo ng Biblia at maraming walang kaloob ang napipilitang magturo? 

Sana sa aking kapanahunan, makita kong mabaligtad ang pangyayaring ito. Igalang ninyo ang inyong mga sekular na guro. Pero mas igalang ninyo ang inyong mga guro ng Biblia dahil ang aming masikap na pagtuturo ang naghahayag ng kalooban ng Diyos. Hindi dahil kami ay lumilikha ng bagong rebelasyon kundi dahil aming pinapaliwanag ang nasusulat sa Biblia. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama