Dinggin at huwag pabayaan
Kawikaan 1:8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:9 Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.
Matapos sabihing ang takot sa Diyos ang pundasyon ng karunungan, sinundan ito ni Solomon ng dalawang utos na dapat sundin ng kabataan. Ang dalawang utos na ito ay 1) Dinggin ang turo ng ama; at 2) Huwag pabayaan ang kautusan ng iyong ina. Ang ama at ina ay madalas na gamitin ng Diyos bilang ahente ng karunungan. Samakatuwid bahagi ng pagkatakot sa Diyos ang sumunod sa mga ahenteng Kaniyang ginagamit upang turuan ang kabataan.
"Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina." Kausap ni Solomon ang kaniyang anak, marahil si Rehoboam. Sinisikap niyang
ituro ang kahalagahan ng pagsunod sa mga magulang. Ang salitang "dinggin" ay nangangahulugan ng pakikinig na may intensiyong sumunod. Hindi ito tumutukoy sa estimulasyon ng tainga kung saan pagkapasok sa isang butas ay lalabas sa kabila kundi ang pakikinig na may intensiyong unawain at sundin. Walang pakinabang ang turo na hindi balak sundin. "Huwag mong pabayaan" ay nangangailangan ng pagbibigag pagpapahalaga sa kautusan o mga pananalita ng ina. Ang mga ama at ina ay mga institusyong tinayo ng Diyos upang sanayin ang mga kabataan sa karunungan.
"Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg." Ano ang resulta ng pakikinig at pagpapahalaga sa mga turo at kautusan ng ama at ina? Ang mga aral at kautusan kapag dininig at pinahalagahan ay magiging bisibleng tanda ng biyaya at karunungan. Kinumpara ang mga ito sa putong at kwintas na nakaligid sa leeg. Ang putong o tali ng biyaya at kwintas sa ligid ng leeg ay mga alahas na nakikita ng lahat. Ganuon din ang resulta ng karunungan ay nakikitang biyaya at karunungan. Samakatuwid may bunga ang karunungan sa pang-araw-araw na kilos. Mayroon kang poise at tamang pagpapasya sa harap ng mga pagsubok ng buhay.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.
Comments
Post a Comment