Bigyan Natin Sila ng Halimbawa

 


Alam kong bilang magulang tayo ay nahaharap sa napakaraming obligasyon na minsan hindi na natin alam ang uunahin. Nalulunod tayo sa napakaraming umaagaw sa ating atensiyon na ang tanging paraan upang hindi lumubog ang ating barko ay iprayoridad ang ating araw-araw na buhay. Nakalulungkot na ang isa sa mga unang tinatapon upang huwag lumubog ay ang oras para sa simbahan. 

Ang sabi ni Cristo, "Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo." Mateo 6:33. Sa timbangan ng pagpapahalaga ni Cristo, mas mataas ang posisyun ng espirituwal na bagay kaysa materyal na bagay. Hindi Niya sinasabing hindi mahalaga ang materyal na bagay. Ang sinasabi Niya ay unahin ang paghahanap sa kaharian ng Diyos (na literal na inaalok sa mga Judio sa una Niyang pagparito) at ang Kaniyang katuwiran (na nasasalamin sa Sermon sa Bundok) at ang lahat ng mga ito (ang pagkain at damit na nauna na Niyang binanggit) ay idadagdag na lamang. Kung tinanggap ng mga Judio si Cristo bilang Mesiyas, naitayo na sana ang Kaharian ng Diyos na may kabisera sa Jerusalem at mararanasan sana ng mga Judio (at sa ekstensiyon, ang buong mundo) ang hindi mailalarawang prosperidad. 

Sa lenggwahe natin, unahin ang mga espirituwal na bagay. Kilalanin muna ang pangangailangang ng espiritu at ang pangangailangan ng katawan ay tutugunan. Sumampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan. Ito ang prayoridad dahil walang temporal na prosperidad na tatapat sa kaluwalhatian ng eternidad. Matapos nito, kilalanin ang pangangailangang lumago sa biyaya at pagkilala kay Cristo. Habang lumalalim ang ugnayan kay Cristo, tumataas din ang posibilidad ng walang hanggang gantimpala sa Bema. Hindi ba't itk ang ultimate na investments? Investments na may interes sa buhay na ito at sa eternidad? Ang pangako ng Diyos, sa sinumang naghahanap ng kaharian at katuwiran, ang kaniyang pangangailangan ay idaragdag na lang. Hindi sinabing ibibigay ang lahat ng luho o lahat ng nais, kundi lahat ng kailangan ng katawan upang hindi mahadlangan ang mga Cristianong abutin ang kawangisan ni Cristo. 

Ngunit baligtad ang ating ginagawa. Inuuna natin ang materyal bago ang temporal. Inuuna natin ang temporal bago ang eternal. Hindi natin magawang lumiban kahit malakas ang ulan dahil sayang ang sweldo o kita o marka. Ngunit kaunting ambon lamang at babay na sa pagsimba. Napakadali nating ipagpalit ang relasyon sa Diyos para sa relasyon sa tao. 

Nasaan ba ang ating prayoridad? Hindi nating mapaglilingkurang sabay ang Diyos at ang salapi. Hindi tayo maaaring maging kaibigan ng Diyos habang kaibigan ng sanlibutan. Pangangalunya ang tawag dito ni Santiago. Magnilay tayo sa ating sarili upang maaayos natin kung ano ang mahalaga sa ating mga buhay. Gusto nating lahat na mag-iwan ng bakas sa buhay. Piliing nating mag-iwan ng magandang halimbawa sa ating mga anak. Dahil sa ayaw at gusto natin, ang bawat desisyon at kilos na ating ginagawa ay nag-iiwan ng marka sa ating mga anak.

Anong halimbawa ang ating ibinibigay sa ating mga anak. Makikita kaya nila sa ating mga buhay ang pagpapahalaga sa mga espirituwal na bagay? Kung suriin nila ang ating buhay, makita kaya nila ang pag-una sa kaharian at katuwiran ng Diyos bago abg pagkain at damit? O nakikita nila kung paano natin binabalewala at pinagpapalit ang mga espirituwal na bagay kapalit ng mga bagay na susunugin pagdating ng panahon (2 Pedro 3)? 

Kaya hindi na nagsisimba ang ating mga anak- opsiyonal sa atin kaya hindi mahalaga sa kanila. Dumurugo ang aking puso kapag naaalala ko ang mga young people na hindi na sumasamba. Anong nangyari? Ang dating puno na bahay sambahan ay bihira nang malamnan ng mga kabataan. Gising mga magulang! Isipin natin ang kanilang espirituwal na kinabukasan! Bigyan natin sila ng halimbawa na pwede nilang gayahin at mag-iinteres ng mga eternal na interes. Ito ang pinakamahusay na investments na maaari nating maituro sa kanila. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2