Bakit Kailangan Nating Basahin ang Lumang Tipan

 


Sa dispensasyon ng biyaya mayroon tayong mga rebelasyong hindi masumpungan sa Lumang Tipan at gabay sa ating espirituwal na buhay. Ganuon din, malaking bahagi ng Lumang Tipan, gaya ng Kautusan ni Moises, ay hindi nakakasakop sa atin. Kung ganuon, bakit kailangang basahin ng mga Cristiano ang Lumang Tipan? Narito ang ilang dahilan. 

1. Ang Lumang Tipan ang Kasulatan ni Jesus at ng mga apostol. Sa aking NASB, 52 na beses ginamit ang Kasulatan at mga Kasulatan at sa lahat ng pagkakataon ito ay tumutukoy sa Lumang Tipan. Dahil sa hindi pa nasusulat (o nasa proseso pa lang ng pagsusulat ang mga aklat ng Bagong Tipan), bawat gamit ng Kasulatan sa Bagong Tipan ay patungkol sa Lumang Tipan. Ito ang Kasulatang natupad sa buhay ni Cristo (Lu 4:21); ang Kasulatang pinaliwanag ni Cristo (Lu 24:32,45) at Kasulatang nagbibigay ng karunungan sa kaligtasan kay Cristo (2 Tim 3:15). Ito ang Kasulatang kinasihan ng Espiritu (2 Tim 3:16-17) at Kasulatang masikap na siniyasat ng mga taga-Berea sa Gawa 17:11. Kung ito ay Kasulatan sa Panginoong Jesus, ito ay Kasulatan para sa atin. 

2. Maraming doktrina ang hindi mauunawaan kung wala ang Lumang Tipan. Sino ang gumawa ng sanlibutan at ng tao? Bagama't ang mga ito ay binanggit sa Bagong Tipan, ang detalye ay nasa Lumang Tipan. Bakit makasalanan ang tao? Sino si Satanas? Bakit kailangan ng kaligtasan? Sino ang nagpasimula ng pag-aasawa at ng pamahalaan? Maraming doktrinang masusumpungan sa Bagong Tipan ay nagsimula sa Lumang Tipan. Madalas ngang ikumpara ang Biblia bilang estasyon ng tren na nanggagaling sa Lumang Tipan at makakasumpong ng katapusan sa Lumang Tipan.

3. Ito ay nagbibigay ng halimbawang dapat nating matutunan. Sa 1 Cor 9:10 at 1 Tim 5:8, pinakita ni Pablo na nagmamalasakit ang Diyos sa mga manggagawa sa pagsulat ng Deuteronomio 25:4. Sa 1 Cor 10:6-11, may mga nangyari sa Lumang Tipan na nagbibigay sa atin ng halimbawang dapat at hindi dapat gawin at gayahin. Sa Roma 15:4, sabi ni Pablo,

Roma 15:4 Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.

Ang Lumang Tipan ay sinulat para sa ikatututo natin at upang magkaroon ng pag-asa "sa pamamagitan ng pagtitiis at pag-aliw ng mga Kasulatan." Ang Kasulatan ay walang iba kundi ang Lumang Tipan. Sa 1 Ped 1:10-12, ang mga propeta ay sumulat para sa mga mananampalataya ng Bagong Tipan. Ito ang tiyak na hula ng 2 Ped 1:19-21. 

4. Ang Lumang Tipan ay nagbibigay ng detalye sa una at ikalawang pagdating ni Jesus, at ng kaharian. Hindi natin mauunawaan kung paano kumikilos ang Diyos sa ating mga buhay at panahon kung hindi natin maunawaan ang planong Kaniyang ibinubuklat na nakasulat sa Lumang Tipan. 

5. Ang Lumang Tipan ay nagtuturo tungkol sa mga Judio at Gentil at kung paanong mula sa dalawang grupong ito ng mga tao, lumikha anh Diyos ng isang bagong tao- ang Simbahan. Hindi natin mauunawaan ang kaibahan mg kilos ng Diyos sa simbahan sa ating panahon kung hindi natin maunawaan ang Lumang Tipan. 

Ang mga ito ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit hindi natin mapababayaan ang Lumang Tipan. Bagama't tayo ay hindi sakop ng malaking bahagi ng Lumang Tipan, partikular na ang Kautusan ni Moises, hindi ito nangangahulugang ang Lumang Tipan ay hindi na Kasulatan. Hindi man tayo sakop ng Kautusan Moises, ang turo ng Lumang Tipan sa kalikasan at personalidad ng Diyos, halimbawa, ay totoo sa Luma at Bagong Tipan sapagkat ang Diyos ng Luma ay Diyos ng Bago. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay