Bakit ako bumalik sa pagsasanay

 


1 Timoteo 4:8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.

Bakit nga ba bumalik ako sa pagsasanay? 

Ayon kay Pablo ang pagsasanay ng katawan ay hindi maikukumpara sa kabanalan sa lahat ng mga bagay. Mas mahalaga ang pagtuon ng pansin sa mga espirituwal na bagay ngunit hindi rin tinanggi ni Pablo na may kaunting kapakinabangan sa pagsasanay ng katawan. Ngunit ano nga ba ang mga pakinabang na aking inaasahan sa pagsasanay ng katawan. 

Gaya ng sinulat ko sa aking huling blog, dalawang taon akong hindi nakapagsanay nang magkasakit ako sa baga. Sa loob ng dalawang taong iyan, nanghina ang aking katawan, tumaas ang aking timbang at marami akong nawalang mga pisikal na kasanayan. Sa taong ito nagdesisyon akong bumalik sa pagsasanay, at sa kulang dalawang buwang pagbalik sa pagsasanay marami akong nakuhang benepisyo. Nagsimulang bumalik ang aking lakas (bagama't tatlong kapat pa lang ng dati kong lakas ang bumalik), mas gumaan ang aking pakiramdam at kilos at bagama't hindi nabawasan ang aking timbang, gumanda naman ang komposisyon ng katawan dahil nabawasan ang laki ng tiyan. 

Ang pangunahing motibasyon ko ay aking kalusugan. Galing ako sa pamilyang prone sa diabetes, asthma, cardiovascular diseases at allergies. Dahil dito prayoridad ko ang mapababa ang timbang at mapaliit ang tiyan dahil ang mga ito raw ay sukatan ng potensiyal na diabetes. Kailangan ko ring pataasin ang kapasidad ng aking baga at puso dahil sa bigat ko (opisyal akong overweight ayon sa online BMI calculators), siguradong malaking trabaho ang ginagawa ng aking puso makagalaw lang ako. Nais kong maging functional hanggang sa huling sandali alang alang sa aking pamilya at simbahan. Ayaw kong maging kargo ng aking pamilya at mababawasan ng manggagawa ang simbahan kung ako ay manghina at magkasakit. 

Soloista rin akong tao. Dahil dito kailangan ko ng lakas at atletisismo para makakilos kahit nag-iisa. May posibilidad din na maipit ako sa kaguluhan o disgrasya at puhunan ang pagkakaroon ng lakas upang makaalis sa mga sitwasyong iyan. Maraming sitwasyon ang maiiwasan kung nag-isip lang ang isang taong mamuhunan kahit kaunti sa pagpapalakas ng kanilang sarili. 

Nais ko ring maging kapable na ipagtanggol ang aking pamilya kung kinakailangan at tulungan sila sa kanilang mga gawain. Bilang ama ng tahanan, tungkulin kong maging haligi at kalasag ng aking pamilya. Paano kung masangkot sa gulo ang sinumang miyembro ng aking pamilya? O maipit sa kalamidad gaya ng baha o lindol o aksidente? Paano kung kailangang buhatin ang sinuman upang dalhin sa ospital? Kailangan nating mga ama ang sapat ng antas ng lakas at atletisismo upang magawa ang mga bagay na ito. Hindi natin kailangang maging pinakamalakas o pinakamalaki, ngunit kailangan natin ang tamang lakas at laki upang masiguro ang kaligtasan ng ating pamilya. 

Kailangan din ang lakas upang tumulong sa mga tao sa ating paligid. Tuwing bumabaha sa Gimaga, isa ako sa nagtatambak ng mga bato sa mga butas na likha ng baha. Ito ay isang uri ng paglilingkod na bukod sa nakatutulong sa komunidad ay nakakaimprob ng ating testimonyo. May reputasyon ang mga Cristiano na napakalangit na wala silang pakinabang sa lupa. Ang paglilingkod sa komunidad ay isang paraan upang mabago ang imaheng ito at maaari rin itong magbukas ng mga oportunidad upang makapagbahagi ng evangelio. 

Maraming gawain sa simbahan ang nananawagan ng lakas. Ang pagkukumpuni ng sirang bahay sambahan ay isang halimbawa. Bagama't wala akong taglay na kasanayan upang maging karpintero o mason, maaari kong ipahiram ang aking lakas sa pagbubuhat at pagpapasan, paghuhukay o pag-aabot ng mga gamit sa mga binigyan ng Diyos ng kasanayan na gumawa. Kailangan din ang stamina kapag nagbabahay-bahay upang mamigay ng mga babasahin at nagbabahagi ng evangelio. Kailangan din ang tatag ng katawan upang magampanan ang nakapapagod na trabaho ng koordinasyon ng iba't ibang ministri upang masigurong kapag Linggo, mayroong magtuturo sa mga bata at matanda, mayroong mga special numbers at ang choir ay napapraktis. 

Ipapatong pa sa lahat ng ito ang kinakailangang enerhiya sa pagtatrabaho. Dahil tayo ay bivocational, kailangan nating pagtrabahuhan ang ating pambuhay sa pamilya. Kung minsan may hinihingi sa trabaho na dagdag pa sa enerhiyang nagagamit sa bahay at simbahan. 

Kailangan din nating maglibang. Ang ilan ay nasa isport, ang iba gaya ko ay nasa paghahalaman at ang iba ay sa kung anupang larangan. Kapag natapos ang lahat ng gawaing ito, kailangan ang oras para mag-recharge, kung minsan kasama ng barkada. 

Dagdag na lang na bonus ang pagkakaroon ng (sana all) makisig na pangangatawan. Nakakadagdag ding kumpiyansa ang kaalamang nasa kundisyon ang iyong katawan. 

Ang mga ito ay ilan sa kaunting kapakinabangan ng pagsasanay ng katawan. Tandaang gaano man natin kaalaga ang katawan, ito ay ating iiwan sa punto ng kamatayan o ng Rapture. Mas kailangan nating mamuhay sa kabanalan sa lahat ng mga bagay. Ngunit mas magiging kagamit-gamit tayo sa iglesia ng Diyos kung tayo ay may lakas upang gampanan ang lahat nating gawain. 

Kung hindi pa kayo nakatitiyak ng buhay na walang hanggan, sampalatayahan ninyo si Jesus para rito. Wala ng ibinigay sa silong ng lupa na sukat nating ikaligtas maliban sa Kaniya. Ang pangako ng Biblia ay ang sinumang sumampalataya ay hindi mapapahamak kundi mayroong (ngayon mismo) buhay na walang hanggan, Juan 3:16.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.





Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2