Ang takot sa Panginoon
Kawikaan 1:7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
Matapos ibahagi ang layon ni Solomon sa pagkatha, pag-edit at pagtipon ng mga Kawikaan, sa v7 ibinigay ni Solomon ang pundasyon ng karunungan. Hindi ito ang taas ng IQ o kung anong seminaryo ang tinapusan kundi isang bagay na kahit sinong ordinaryong mananampalataya ay magagawa- ang pagkatakot sa Diyos. Nangangahulugan itong kahit sinong mananampalataya ay maaaring maging.aalam at marunong, hindi lamang ang iilang tapos sa seminaryo o may mataas na IQ.
Ano ba ang pagkatakot sa Diyos. Ito ay ang paggalang at pagkamangha sa kung sino at ano ang Diyos. Samakatuwid ang takot sa Panginoon ay humanahanga at namamangha at gumagalang sa Diyos. Yamang siya ay gumagalang sa Diyos, sinusunod niya ang Salita ng Diyos at sa ganitong paraan nalilipat sa Kaniya ang karunungan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang pananaw at saloobin ng Diyos sa iba't ibang paksa ay nagiging pananaw at saloobin niya. Sa ganitong paraan siya ay nagpapakita ng karunungan ng tao.
Ngunit sa tingin ko may aspeto ng takot ng Diyos na hindi nabibigyang pansin at ito ay ang literal na takot sa Diyos. Ang taong takot sa Diyos ay hindi gagawa ng mga bagay na labag sa kalooban ng Diyos dahil ang mga ito ay may konsekwensiya at katapat na disiplina. Kung takot ang tao sa Diyos, halimbawa, hindi siya mangangalunya dahil alam niyang ito ay may kaakibat na disiplina mula sa Diyos. Hindi siya magnanakaw kahit walang nakikita dahil alam niyang makalusot man siya sa hustisya ng batas, hindi siya makalulusot sa hustisya ng Diyos. Ang takot na ito ay malusog na katakutan dahil ito ay nagtutulak sa taong sumunod sa kalooban ng Diyos at magtamo ng karunungan. Hindi ito ang takot na lumilikha ng pagkamuhi dahil sa iniisip na pagmamalabis sa kapangyarihan ng Diyos kundi takot na nagsasabing ikaw ang Diyos na dapat masunod dahil alam Mo kung ano ang makabubuti sa akin.
Ang pagkatakot sa Diyos ang pasimula ng kaalaman o karunungan. Hindi mahalaga kung saang seminaryo ka galing o kung gaano man kataas ang iyong IQ. Kung hindi ka takot sa Diyos, wala kang pag-asa na matuto o magkaroon ng tunay na kaalaman. Maaaring maalam ka sa bagay sa buhay na ito ngunit dahil sa hinahamak mo ang karunungan ng Diyos, ikaw ay walang tunay na karunungan, samakatuwid ay mangmang. Ilang matatalinong tao ang kilala ninyong nagpakamatay dahil hindi maharap ang problema ng buhay? Gaano man sila karunungan sa sekular na kaalaman, wala silang kaalaman sa espirituwal na bagay.
Ang tawag ng Biblia sa paghamak sa karunungang ito ay kamangmangan. Taliwas ito sa saloobin ng mga hindi mananampalatayang iniisip na parte ng pagiging marunong ang itanggi ang Salita ng Diyos. Ilang eskeptiko at ateista ang direktang kinakalaban ang Biblia ngunit ni hindi mapatakbo ang kaniyang pamilya? Wala kasing tunay na kaalaman kung paano magkaroon mg malusog na kaugnayan sa Diyos at sa tao.
Magkaroon nawa tayo ng takot sa Diyos upang mayroon tayong pundasyon ng kaalaman sa ating buhay. Huwag tayong maging mangmang.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.
Comments
Post a Comment