Ang Mga Kawikaan ni Solomon
Ang mga kawikaan ay mga salitang nagsusumaryo ng karunungang madaling maalala. Sa unang siyam na kabanata na nagsisilbing prologo ng aklat, ang mga kawikaan ay binabanggit sa anak na lalaki (siyempre pati babae rin). Ang mga kawikaan ay mga salita ng karunungan, ng masusing pag-oobserba sa mga realidad ng buhay at hindi dapat tratuhing absolutong doktrina na totoo sa lahat ng bagay. Isang halimbawa ay Kawikaan 22:6. Hindi ito nangangahulugang kapag pinalaki ang bata sa daang dapat niyang lakaran, hindi siya maaaring sumuway dito. Maraming bata, kahit sa Biblia mismo, ang pinalaki ng matuwid na mga magulang ngunit paglaki ay tinalikuran ang katuwiran. Sa halip ang sinasabi ng Kawikaan, sa pangkalahatan, ang batang tinuruan sa daan ng katuwiran ay hindi lalayo rito. Mas malaki ang posibilidad na lalaki ang bata sa pananampalataya at pagpapahalaga ng magulang kung siya ay araw-araw na nakaririnig ng mga aral. Hindi inaalis ng Kawikaang malayang kalooban ng tao at hindi ito mahikang kapag nasambit ay nangyayari nang walang pagsala.
1 Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel.
Malaking bahagi ng Kawikaan ay sinulat ni Solomon. Yamang siya ang pinakamarunong na lalaki ng kaniyang kapanahunan at ayon sa Mga Hari siya ay may-akda ng tatlong libong kawikaan, 1 Hari 4:32, walang dahilan upang pagdudahan ang awtorsyip ni Solomon. May iba pang nababanggit na pangalan gaya ni Agur at Lemuel, na maaaring ibang pangalan ni Solomon o ibang tao; gayun man si Solomon ang masasabing nagtipon ng mga kawikaang ito. Maaaring si Ezekias ang pinal ma editor ng aklat, Kaw 25:1.
Ayon sa Kawikaan 4:4-9, may mga aral na binahagi si David sa kaniyang anak na si Solomon. Maaaring malaking bahagi ng Kawikaan ay mga aral ni David na naalala ni Solomon at kaniya ngayong pinapasa sa kaniyang anak. Marahil naisip niyang darating ang panahong uupo sa trono si Rehoboam at mas mabuting bata pa lang ay magkaroon siya ng karunungan. Sa pananaw na ito, may tatlong henerasyon ng pagpapasa ng turo. Nakalulungkot lang na si Solomon mismo (1 Hari 11) ay hindi natapos nang maayos ang karera ng kaniyang buhay at malinaw sa kahangalang pinakita ni Rehoboam sa paghati ng kahariang hindi niya natutuhan nang husto ang binahagi ng kaniyang ama at lolo.
Bakit tinipon ni Solomon ang mga kawikaan? Mayroon siyang ilang layon (v2-6).
1. Upang umalam ng karunungan at turo. Upang magkaroong ng kaalaman ng karunungan at turo. Sa Kawikaan ang kaalaman ay ang kasanayang mamuhay nang maayos, hindi pagmemorya ng mga abstrakto't espekulatibong kaalamang madalas na ituro sa mga paaralan. Gamit ang aral mula sa magulang, ang bata ay masining na namumuhay nang may karunungan. Alam niya kung paano isagawa at tuparin ang aral ng kaniyang magulang.
2. Upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa. Hindi lamang sapat na malaman ang turo, kailangan din itong bulayin. Ang pagbulay ay nangangahulugan ng abilidad na pagmunimunihan ang turo at makilala ito sa konkretong halimbawa.
3. Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan. Mahalaga rin ang aplikasyon sa pang-araw-araw na buhay. Ang resulta ay pantas na pag-uugali, o karunungan sa pamumuhay; katuwiran o pamumuhay na ayon sa pamantayan ng Diyos; kahatulan o tamang aplikasyon ng katuwiran sa buhay, pagiging makatarungan; at karampatan o pagiging patas.
4. Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos, kaalaman at pagbubulay sa kabataan. Ang musmos ay ang neopito sa buhay at ang kabataan ay medyo may kaalaman kaysa musmos. Hindi edad ang pinag-uusapan kundi kasangkapan ng isip at moral. Ang kawikaan ay dinesenyo upang bigyan sila ng katalinuhan, kaalaman at pagbubulay.
5. Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo. Ang pantas ay handang matuto sa lahat ng pagkakataon. Hangal ang iniisip na lagi siyang tama. Ang kawikaan ay magdaragdag ng kaalaman sa pantas na pamumuhay.
6. Upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo. Ang kawikaan ay magbibigay ng magagaling na payo o aplikasyon sa hinaharap na sitwasyon. Tanging taong may unawa ang makikinabang nito.
7. Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi. Ang mga kawikaan ay nagbibigay ng frame of reference para sa mas malalim na pagkaunawa. Kung babalewalain ang kawikaan, nasasayang ang potensiyal na maunawaan ang kahulugan ng Kawikaan, ang pantas na pananalita at ang malalabo o bugtong na mga sabi. Ilang ulit na ba tayong nakipag-usap sa iba ngunit napapakamot tayo ng ulo dahil hindi natin maunawaan ang kaniyang sinasabi? Ang nakikinig sa kawikaan ay mauunawaan ang malalalim na bagay.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.
Comments
Post a Comment