Pagdamay sa Kapighatian



Filipos 4:14 Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.15 At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang;16 Sapagka't sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

Bagama't kuntento si Pablo sa kaniyang kinalalagyan, kinilala niyang malaking bagay ang patuloy na pagsuporta ng mga taga-Filipos sa kaniyang ministri. Ang sulat na ito ay isang sulat ng pasasalamat sa kanilang patuloy na generosidad.

"Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian." Tanggap ni Pablo na siya ay nasa siklo ngayon ng kapighatian (hindi ng kasaganahan) at kinilala niyang mabuti ang gawa ng mga taga-Filipos sa pakikiramay sa kaniya. Ang porma ng kanilang "pakikiramay" ay sa pagsugo kay Epafrodito na magdala ng pinansiyal na ayuda kay Pablo sa Roma. 

"At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio." Hindi ito minsanan lamang. Sa nakaraan ang mga taga-Filipos ay sumusuporta sa kaniyang ministri. Ang "pasimulan ang evangelio" ay tumutukoy sa kanilang pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, Fil 1:5-6. Ang bawat baryang ating inaabuloy ay makatutulong upang mapalaganap ang evangelio. Sa sandaling magtikom ng kamay ang mga Cristiano, ito ay hadlang sa pagbabahagi ng mabuting balita. 

"Nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang." Sa dami ng mga simbahang naitatag nang panahon na iyon, ang simbahan sa Filipos ang tanging simbahang sumuporta kay Pablo. 

"Sapagka't sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan." Bilang patunay ng kanilang pagsuporta, dalawang beses silang nagpadala nang si Pablo ay nagmiministri sa Tesalonica. Malayang nakapagtrabaho si Pablo dahil sa ayuda ng mga taga-Filipos. Bagama't nagtrabaho si Pablo, 1 Tes 2:9, upang masustentuhan ang kaniyang pangangailangan at ang pangangailangan ng kaniyang mga kasama, Gawa 20:34-35, ang pagpadala ng mga taga-Filipos ay malaking tulong kay Pablo. Ito ay pakikisama sa evangelio. Bukod sa pagtugon sa pisikal na pangangailangan ni Pablo, ito rin ay pandagdag sa emosyonal na suporta- hindi siya nag-iisa dahil may kasama siya sa pagpapalaganap ng evangelio. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama