Nagmamalasakit Ngunit Walang Pagkakataon
Filipos 4:10 Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon.11 Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan.
Ang epistula sa Filipos ay isang sulat ng pagpapasalamat sa generosidad ng mga taga-Filipos kay Pablo.
"Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon." Matapos niyang ituro sa mga taga-Filipos ang sikreto ng kapayapaan at kagalakan, hinayag ni Pablo ang kaniyang personal na kagalakan sa Panginoon. Hindi niya lamang tinuro sa mga taga-Filipos na magalak sa Panginoon; siya mismo ay taglay ito.
"Na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin." Ang dahilan ng kaniyang kagalakan sa Panginoon ay ang generosidad ng mga taga-Filipos, "binuhay ang pagmamalasakit." Paano ipinakita ng mga taga-Filipos ang kanilang pagmamalasakit? Sinugo nila si Epafrodito upang magdala ng abuloy kay Pablo. Isang bagay ang magsabi ng pagmamalasakit, ibang bagay ang ipakuta ito sa gawa.
"Na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon." Kinilala ni Pablo na ito ay hindi bago sa mga taga-Filipos. Noon pa man, sa pasimula ng evangelio, Fil 1, nagpakita na ang mga taga-Filipos ng pagmamalasakit sa pagiging kasama sa evangelio. Nagkulang lang sila ng oportunidad. Marahil naputol ang pagsuporta ng mga taga-Filipos kay Pablo nang siya ay makulong nang dalawang taon sa Caesaria at dalawa pang taon sa Roma, ngunit sa huling bahagi ng pagkakulong sa Roma (inasahan niyang siya ay lalaya na- ang kaligtasan ng Fil 1), muling nabigyang pagkakataon ang mga taga-Filipos nang suguin si Epafrodito.
"Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan." Binanggit ni Pablo ang kagalakang ito hindi dahil sa kailangan. Hindi niya sila pinasasalamatan upang muli pa silang magbigay nang salapi. Mas interesado siya sa gantimpalang naghihintay sa mga taga-Filipos sa Bema.
"Sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan." Sa halip na magpokus sa kaniyang pangangailangan, binahagi ni Pablo ang kaniyang kasiyahan sa anumang personal na kalagayang pinansiyal na kaniyang kinalalagyan. Ito ang sikreto ng kakuntentuhan. Kuntento siya dahil kay Cristo.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment