Mga Hamon ng Lumalagong Kongregasyon
Masakit sa mata ni Satanas ang lumalagong kongregasyon. Hindi ko tinutukoy ang paglago sa bilang, bagama't walang manggagawa ang tatanggi nito, kundi ang paglalim ng relasyon kay Cristo. Asahang hahadlangan ni Satanas ang mga simbahang ito, 1 Tes 2:18; Gawa 5:3. Tuso si Satanas at mapanlinlang kaya kung minsan hindi natin nakikita ang kaniyang kamay sa likod ng mga bagay, 2 Cor 11:3, 13-15. Kailangan nating maging matibay sapagkat hindi bulag ang Diyos upang hindi makita ang ating pagpapagal, 1 Cor 15:58. Basahin ang Pah 2-3 kung saan makikita ang Panginoong nagmamasid, sumusuri at gumagantimpala sa mga simbahan.
Ang mahalagang bagay ay huwag nating kalimutan ang ating gawain. Tatlong bagay ang iniwan ni Cristo sa Kaniyang simbahan. Una ay ibahagi ang Mensahe ng Buhay sa lahat ng tao upang malaman nila ang pangako ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang, Mat 28:19-20; Juan 3:16. Ikalawa ay ang turuan ang mga mananampalatayang lumago sa biyaya at sa pagkaalam sa Panginoong Jesucristo, Ef 4:11-13; Rom 8:29. Ang layon ay ang maging kahawig ng Anak. Bukod diyan tinawag din tayo upang magpakita ng pag-ibig sa mga kapatid. Ang ating serye na, "One Another Passages" ay patungkol sa pagpapakita ng pag-ibig sa iba't ibang anyo sa mga kapatid. Ang 2 Cor 9:6-8 na madalas basahin sa pag-aabuloy ay sa orihinal pagpapakita ng pag-ibig sa mga kapatid na naghihirap sa Jerusalem. Ang ating pag-ibig sa kapatid ay larawan ng pag-ibig natin sa Ama, 1 Juan 3:16-18; San 2:14-17. Alam kong hindi madali ang tatlong ito pero bilang isang kongregasyon, sisikapin nating tuparin ang misyong iniwan ni Cristo.
Isa ring hamon ang katotohanang kasabay ng paglago ay ang pagtitipon ng iba't ibang taong may kaniya-kaniyang personalidad, kahinaan at kasalanan. Maaaring magresulta ito sa hindi pagkakasundo gaya nang nakita sa Corinto (1 Cor 1) at sa Filipos (Fil 4). Mahalaga ang pagkakaroon ng iisang kaisipan at kapakumbabaan, ang pagpapalagay na mas mabuti ang iba kaysa sa sarili at paglilingkod na may pag-ibig. Dapat tayong maging makatarungan sa ating mga kilod at huwag palakihin ang mga bagay, 1 Ped 4:8; Kaw 19:11. Huwag nating hayaang kainin tayo ng kapaitan na lalason sa ating mga buhay at sa buhay ng mga tao sa ating paligid, Heb 12:14-15.
Kailangan din nating maging mapagpasalamat. Minsan ang paglago ay nagiging dahilan upang tayo ay maging palalo at nalilimutan natin kung saan tayo magsimula. Ang lumalagong simbahan ay nananatili sa ilalim ng krus ni Cristo dahil sa sandaling pumasok sa ating isipan na ang lahat ay nangyari dahil sa ating kahusayan, hindi nalalayo ang pagbagsak, San 4:6; Kaw 16:18. Ang pagkilala sa kilos ng Diyos sa ating mga buhay ay magtuturo sa ating maging mapagpasalamat. Sa Aklat ng Colosas, makaanim na beses na nabanggit ang iba't ibang anyo ng pasasalamat sa Ama, kay Cristo at sa lahat ng mga bagay. Dalangin kong makilala ang ating simbahan bilang mapagpasalamat na simbahan.
Marami tayong pwedeng ipagpasalamat. Ang ating kaligtasan at mga espirituwal na pagpapala, ang mga probisyon ng Diyos para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan, ang pagkakaroon ng marangal na trabahong susuporta sa pangangailangan ng pamilya, ang ating mga kaibigan at kapamilyang daramay sa ating kasawian, ang kalayaang sumamba sa lokal na simbahan... Lahat ng mga ito ay biyaya ng Diyos na marapat nating tanggapin nang may pagpapasalamat.
Hamon din kung paano imomobilisa ang mga miyembro ng simbahan upang maglingkod. Sa loob ng mahabang panahon, ang mga miyembro ay naging pasibong tagapakinig ng monologo ng isang klerigo. Panahon na upang turuan ang ating mga miyembro na gamitin ang kanilang espirituwal na kaloob upang ipaglingkod, 1 Ped 4:10-11. Hindi dapat manatili sa kamay ng isa o iilang tao ang paglilingkod kundi bawat bahagi ng katawan ayon sa kaloob na kaniyang tinanggap ay dapat na gumawa para sa ikatitibay ng simbahan.
Maraming hamon ang hinaharap ng isang lumalagong simbahan: makalimutan ang orihinal na misyon, sigalot dahil sa naglalabang personalidad, kawalan ng pagpapasalamat at pasibong miyembro ngunit sa biyaya ng Diyos at kapangyarihan ng Espiritu Santo, mahaharap ito at mapagtatagumpayan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment