Mangagkaisa ng pag-iisip sa Panginoon
Filipos 4:2 Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon.3 Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.
Sa v1 sinabihan ni Pablo ang mga taga-Filipos na magsitibay sa Panginoon. Ngunit hindi sila magiging matibay sa Panginoon kung sila ay may pagkakahati. Sabi nga ng kasabihan, "Nagkakaisa, makatatayo; nahahati, babagsak."
"Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon." Sa kabanata ikalawa paulit-ulit na nanawagan si Pablo ng pagkakaisa. Hinimok niya ang mga taga-Filipos na magkaroon ng iisang kaisipan, iisang pag-ibig at iisang pag-aakala, bago niya inulit ang pagkakaroon ng iisang kaisipan. Dito nalaman na natin ang dahilan, may hating isipan sa Filipos. Dalawa sa mga babaeng manggagawa ng Filipos ay may hindi pagkakasundo at ito ay nakaaapekto sa lakad ng simbahan ayon sa pananampalataya ng evangelio (1:27). Ang pagkakaisa ng pag-iisip ay sa Panginoon. Anuman ang kanilang hindi pagkakasundo, sila ay magkapatid sa Panginoon na dahilan upang sila ay magkaisa.
"Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio." Hindi sinabi kung ano ang dahilan ng hindi nila pagkakasundo ngunit kung ikukumpara natin ito sa kabanata ikalawa, at sa katotohanang sila ay mga kamanggagawa sa evangelio, marahil ang dahilan ay hindi nila binibilang ang iba na mas maigi kaysa kanilang sarili. Marahil nagkukumparahan sila ng magagawa, at iniisip na mas mabuti siya kaysa iba. Wala sa kanila ang kaisipan ng kapakumbabaan at pagpapahinuhod na na kay Cristo nang Siya ay sumunod sa Ama hanggan sa kamatayan sa krus. Kaya hiniling niya sa hindi pinangalanang tapat na kasama na tulungan ang dalawang babaing ito na kasama sa evangelio. Hindi lamang sila ordinaryong miyembro kundi mga manggagawa. Dahil dito malaki ang impluwensiya nila sa simbahan.
"At kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay." Bukod sa dalawang babaeng ito binanggit din ni Pablo si Clemente at iba oang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay. Marahil ibig lamang banggitin ni Pablong ligtas ang kaniyang kamanggagawa o maaaring ang aklat ng buhay na ito ay listahan ng mga tapat na manggagawa at iba sa aklat ng buhay sa Pahayag 20 na listahan ng mga ligtas. Marahil may ibang aklat na naglilista ng mga naglilingkod na Cristiano.
Walang simbahan ang titibay kung walang isang kaisipan sa Panginoon. Anuman ang ating hindi pagkakasundo, hindi ito dapat makahadlang sa simbahan at dapat nating alalahanin ang kaisihan natin kay Cristo.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Comments
Post a Comment