Maling gamit ng mga sitas, part 1
Filipos 4:10 Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon.11 Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan.
Sa Filipos 4:10ss magbibigay si Pablo ng dalawang pangunahing turong pinansiyal. Oo, kahit mga "ordinaryong isyu" gaya ng pinansiyal ay may sinasabi ang Biblia. Sa v10-13, tuturuan ni Pablo ang mga taga-Filipos ng sikreto ng kakuntentuhan. Sa v14-20, ituturo ni Pablo ang resiprokasyon ng Diyos sa generosidad ng mga mananampalataya. Ang kakatuwa ay makikita sa dalawang pasaheng ito ang dalawa sa pinakainaabusong sitas ng Biblia: ang Filipos 4:13 at Filipos 4:19.
Madalas gamitin ang Filipos 4:13 bilang pangkalahatang pangako sa lahat ng Cristiano na harapin ang lahat ng uri ng sitwasyon. Kung ikaw ay na kay Cristo, siya ang solusyon sa pag-aaral, sa isport, sa negosyo, atbp. Kahit hindi ka mag-aral, magagawa mong makapasa dahil ikaw ay na kay Cristo. Kung ikaw ay nasa isport, kahit hindi ka magsanay ikaw ay gagaling dahil ikaw ay na kay Cristo. Kung ikaw ay nasa negosyo, ikaw ay tutubo kahit hindi ka gumawa ng istratehikong plano o gumawa ng mahusay na produkto, dahil ikaw ay na kay Cristo. Kahit magsigarilyo at magbisyo, ikaw ay lulusog dahil ikaw ay na jay Cristo. Naging pasangkalan ang ating posisyun kay Cristo upang maging tamad at palaasa.
Sa konteksto ng Filipos, ito ay hindi justification para magkaroon ng mga bentahe nang walang paghahanda o responsabilidad na kumilos. Malinaw na ang Filipos 4:13 ay nasa konteksto ng pinansiyal na kalagayan. Ang sinasabi ni Pablo ay natuto siyang maging kontento sa anumang kalagayang pinansiyal dahil siya ay kumikilos kay Cristo. Kapag sagana, siya ay nabubuhay sa kasaganahan dahil kay Cristo. At kapag mag kasalatan, hindi siya nagrereklamo o nagpapaawa kung kani-kanino dahil siya ay kumikilos kay Cristo. Alam niya ang sikreto ng prosperidad adversidad. Hindi ito pangako na kahit ikaw ay 3'11, makakadakdak ka sa ring dahil ikaw ay na kay Cristo; o ikaw ay papasa kahit hindi ka nag-aral dahil ikaw ay na kay Cristo. Ilang tao ang nahulog sa pananampalataya dahil sa maling gamit na ito.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment