Magalak ka sa iyong mga gawa



Ecclesiastes 3:21 Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi: sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya?

Sa Ecclesiastes 3, inaawit ni Solomon ang kawalang kabuluhan ng pagkakulong sa oras. Ito ang pumipigil sa tao upang maunawaan ang gawa ng Diyos. Anuman ang kahusayan ng tao, hindi niya matatakbuhan ang kamatayan. Sa puntong ito, wala siyang pinagkaiba sa mga hayop. Pareho silang limitado sa buhay na ito. 

"Sinong nakakaalam ng diwa ng tao kung napaiilanglang, at ng diwa ng hayop kung napaiibaba sa lupa?" Gaya nang nasabi sa nakaraang blog, walang indikasyon na may opinyon si Solomon tungkol sa buhay matapos ng buhay na ito. Ang pokus ng kaniyang pagsisiyasat ay ang buhay ba ito lamang. Anumang opinyon niya patungkol sa eternidad ay hindi dapat kunin sa limitadong aklat na ito. Sa ganitong punto, masasabing agnostiko si Solomon, wala siyang opinyon sa mga bagay labas sa buhay na ito. Hindi niya itinatangging may espiritu ang tao at hindi niya itinatanggi ang realidad ng buhay matapos ang buhay na ito ngunit wala itong bigat o ambag sa kaniyang pangkasalukuyang pagsisiyasat kaya hindi siya nagbigay opinyon. Sinong nakakaalam kung magkaiba ang hantungan ng tao o ng mga hayop sa kamatayan? Sa isang tingin pareho lang ang resulta- walang buhay at walang kabuluhan. Ito ay napakanegatibong paraan ng pamumuhay.

"Kaya't aking nakita, na walang bagay na maigi, kundi ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa; sapagka't siyang kaniyang bahagi." Dahil hindi niya alam kung anong nangyayari pagkamatay, ang konklusyon niya ay magsaya habang buhay. Magalak ka sa iyong mga gawa. Hindi niya alam ang gawa ng Diyos pero malalaman niya ang kaniyang sariling gawa, kaya dito siya magpokus at magalak dito. Tandaang ang panuntunan ng pagsisiyasat ni Solomon ay gamitin ang kaniyang sariling isipan upang hanapin ang kabuluhan ng buhay. Hindi bahagi ng pagsisiyasat niya ang rebelasyon mula sa Diyos. Walang masama sa payong ito ni Solomon, ngunit ito ay neutral na paraan ng paghahanap ng kasiyahan. Hindi ito ang +H (inner happiness o panloob na kasiyahang hindi nababase sa panlabas na sirkumstansiyang tinuturo ng Biblia) na layon ng espirituwal na buhay- ang makibahagi sa kasiyahan ng Diyos. Maraming tao, kasama na ang mga mananampalataya, ang hindi lumalagpas sa ganitong pagkaunawa. 

"Sapagka't sinong magbabalik sa kaniya upang makita ang mangyayari pagkamatay niya?" Dahil walang empirikal na ebidensiyang magsasabi kung saan hahantong ang espiritu ng tao at hayop, ang payo ni Solomon ay magalak sa buhay na ito. Ibang usapan siguro kung may bumalik mula sa mga patay upang sabihin kung anong nangyari. Marahil nakalimutan niya ang pagbalik ni Samuel upang hulain ang kamatayan ni Saul. Hindi pa nangyayari ang mga pagbuhay na ginawa ni Elias at Eliseo. At higit sa lahat ang Panginoon ay hindi pa namatay at nabuhay na maguli. Marahil iba ang magiging konklusyon ni Solomon kung nalaman niya ang mga ito. O maaaring hindi dahil ayon kay Abraham si Moises ay pinangangaral sa buhay na ito. Hindi na kailangan ang anumang impormasyon mula sa mga patay. Ang hinaing ni Solomon ay ang kamatayan ang katapusan ng kabuluhan sa buhay ng mga tao. Hindi niya na mababalikan ang kaniyang mga gawa. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay