Magalak at gumawa nang mabuti habang nabubuhay



Ecclesiastes 3:12 Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay.13 At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.14 Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya.

Dahil sa ang tao ay nakukulong sa panahon at hindi niya marurok ang gawa ng Panginoon. Pinayo ni Solomon na magalak at gumawa nang mabuti. Walang dahilan upang magmukmok sa mga bagay na labas sa ating kontrol. Pinayo niyang tanggapin ang kapalaran at magsaya sa kaniyang gawa na bigay ng Panginoon. Walang indikasyong nag-iisip si Solomon nang labas sa ilalim nang araw. Samakatuwid ang payo niya ay magalak sa mga bagay na nasa lupa. 

"Nalalaman ko, na walang maigi sa kanila, kay sa magalak, at gumawa ng mabuti habang sila'y nabubuhay." Dahil hindi niya alam ang eternal na panukala ng Diyos, ang kaniyang payo ay nilimitahan niya sa lupa sa buhay na ito. Walang iigi sa taong nakukulong sa oras kundi magalak at gumawa nang mabuti habang nabubuhay. May magsasabing ito ay karnal na kaisipan ngunit walang masama sa payong ito. Hindi ko masasabing ito ay napakaespirituwal na payo ngunit hindi ko rin masasabing ito ay karnal. Iba ito sa kaisipan ng mga ateista na kumain, uminom at magsaya dahil bukas ay mamamatay kundi pagtanggap na yamang hindi natin malaman ang gawa ng Diyos, magpokus na lang tayo sa mabubuting gawang kaya nating gawin at magalak sa mga bagay na ating nakokontrol. 

"At ang bawa't tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios." Ang pagkain, pag-inom at kagalakan ay lehitimong mga gawa ng tao at bagama't maaaring maabuso sa hedonismo ay hindi dapat itapon. Sa halip kung ito ay nakikita na kaloob ng Panginoon, walang masama sa mga ito. Ang mga sikretong bagay ay sa Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay sa atin upang i-enjoy. Ang bigay ng Panginoon ay maaaring tumutukoy sa karapatang kumain, uminom at magalak o kaya ay sa paggawa ng mabuti. Ang punto ay pareho: hindi tayo dapat magpokus sa mga bagay na hindi natin alam (mga gawa ng Diyos) kundi sa mga bagay na Kaniyang hinayag at nasa ating kontrol (sarili nating mga gawa). Sabi nga ni Mark Twain na hindi siya nababagabag ng mga bagay sa Biblia na hindi niya alam kundi sa mga bagay na kaniyang nalalaman. 

"Nalalaman ko, na anomang ginagawa ng Dios, magiging magpakailan pa man: walang bagay na maidadagdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Dios, upang ang tao ay matakot sa harap niya." Hindi man maunawaan ni Solomon ang mga gawa ng Diyos, magagawa niyang kumain, uminom at magalak dahil nalalaman niyang anumang gawa ng Diyos ay magpakailan man o eternal. Bukod diyan alam niyang wala nang maidagdag o maaalis sa mga gawa ng Diyos; kung ganuon kailangan na lamang natin itong tanggapin at magalak sa Kaniyang kabutihan. Hindi malinaw kung ano ang ibig sabihin ni Solomon na tayo ay dapat matakot sa Diyos. Dapat tayong matakot dahil eternal ang gawa ng Diyos o dapat tayong matakot dahil hindi natin alam ang mga gawa ng Diyos. O dapat tayong matakot at magtiwala sa Diyos kahit hindi natin nauunawaan ang mga bagay. Marahil ang ikatlo ang ibig sabihin ni Solomon. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran