Lahat ay aking magagawa
Filipos 4:12 Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin.
Ibabahagi ni Pablo paano maging masaya sa kahit anong kalagayang kaniyang kinalalagyan.
"Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana." Ang pagpapakababa ay tumutukoy sa mga panahon ng kasalatan (na marahil ang kaniyang pinagdadaanan sa pagkabilanggo). Kasalatan man o kasaganaan ang sikreto ay karunungan. Marami ang nag-aakalang mali ang makaranas ng kasaganahan, na tila may kabanalan sa pagiging salat ngunit sinasabi ni Pablo na dumaraan ang tao sa parehong estado, ang kailangan ay karunungang maging masaya sa parehong kalagayan. Huwag tayong mahulog sa tuksong magmataas sa panahon ng kasaganahan at huwag naman tayong mahulog sa tuksong gumawa ng masama o magreklamo laban sa Diyos sa kasalatan.
Kawikaan 30:8 Ilayo mo sa akin ang walang kabuluhan at ang mga kasinungalingan: huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man; pakanin mo ako ng pagkain na kailangan ko:9 Baka ako'y mabusog, at magkaila sa iyo, at magsabi, sino ang Panginoon? O baka ako'y maging dukha, at magnakaw ako, at gumamit ng paglapastangan sa pangalan ng aking Dios.
"Sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan." Sa isang banda nakaranas si Pablo ng kabusugan at kasaganahan; sa kabilang banda nakaranas siya ng kagutuman at kasalatan. Nagawa niyang mabuhay nang may kabanalan sa mga estadong ito dahil sa isang sikreto. At ang sikreto ay:
"Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin." Ang sikreto ni Pablo ay si Cristo. Ang "lahat ng bagay" ay tumutukoy sa iba't ibang estadong ekonomikal na hinaharap ni Pablo. Hindi ito tumutukoy sa pagpasa sa eksam o sa pagtaas ng sweldo o pagkakaroon ng kayamanan o maabot ang pangarap. Tumutukoy ang sitas na ito sa kakayahan ng mananampalatayang nananahan kay Cristo (v6-9), na kayanin ang hamon ng prosperidad at adbersidad. Ayaw kong alisan ng comfort pill ang mga Cristiano ngunit dapat nating gamitin ng maayos ang Salita ng Katotohanan (2 Tim 2:15).
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment