Kapighatian at Kaaliwan


Ecclesiastes 4:1 Nang magkagayo'y pumihit ako, at aking nakita ang lahat na kapighatian na nagawa sa ilalim ng araw: at, narito, ang mga luha ng mga yaon, na napipighati, at wala silang mangaaliw: at sa siping ng mga mamimighati sa kanila ay may kapangyarihan, nguni't wala silang mangaaliw.

Dahil sa wala siyang masumpungang kasiyahan sa pilosopiya, nagpokus naman si Solomon sa agham panlipunan. Napansin niya ang kapighatiang nararanasan ng lahat ng tao. Dahil hindi siya tagumpay bilang pilosopo ng oras, baka magtagumpay siya bilang pilosopong panlipunan.

"Nang magkagayo'y pumihit ako, at aking nakita ang lahat na kapighatian na nagawa sa ilalim ng araw." Kapighatian. Paboritong paksa ng mga social scientists at philosophers. Oppressed l, oppressor at oppression: ang trinidad ng agham panlipunan. Gagawin niyang paksa ang lahat ng kapighatian na nagawa sa ilalim ng lupa. Titingnan niya ang inggit na naghahari sa mga tao, ang workaholismo, ang operasyong dala ng nasa kapangyarihan at ang pabago-bagong isipan ng madla (fickle-minded).

"At, narito, ang mga luha ng mga yaon, na napipighati, at wala silang mangaaliw." Nakita niya ang mga napipighati, mga taong nasa laylayan at walang kapangyarihan. Ang baon nila ay luha at walang umaaliw. Kung sino pa ang higit na nagangailangan ng kaaliwan, sila pa ang nababalot ng luha. Marahil nauunawaan ninyo ang bagay na ito. May kakilala kayong namimighati; marahil kayo mismo ay nasa kapighatian.

"At sa siping ng mga mamimighati sa kanila ay may kapangyarihan, nguni't wala silang mangaaliw." Ang nakapagtataka ay nang tingnan ni Solomon ang mamimighati (oppressor) makikita niyang sila rin ay walang mang-aaliw. Oo may kapangyarihan sila ngunit sila man ay nangangailangan ng kaaliwan? Bakit? Dahil nakita ni Solomon na sila ay wala ring kabuluhan. Aapihin nila ang iba para sa mga bentahe ngunit sa bandang huli ang lahat ng pagpapagod na ito ay mawawalan ng kabuluhan. Maiwawala nila ito sa panahon, sa pagsira ng Diyos at sa pagkuha ng pamahalaan. Ngunit pinapangunahan ko na ang aking sarili. 

Ang gusto lang nating makita sa ngayon ay ang namimighati at ang napipighati ay parehong nangangailangan ng mang-aaliw. Ang isa ay may luha at ang isa ay may kapangyarihan ngunit pareho silang walang kaaliwan. Ayon kay Solomon ito ay walang kabuluhan. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama