Isang dakot na may katahimikan



Ecclesiastes 4:5 Inihahalukipkip ng mangmang ang kaniyang mga kamay, at kumakain ng kaniyang sariling laman.6 Maigi ang isang dakot na may katahimikan, kay sa dalawang dakot na may kahirapan at walang kabuluhan.7 Nang magkagayo'y bumalik ako at aking nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw.

Sa nakaraang sitas, sinabi ni Solomon na walang kabuluhan ang paggawa dahil ito ay nagreresulta sa pananaghili. Sa halip na katahimikan, ang pagkainggit ng kapwa ay nagdadala ng sakit ng ulo. Sa pasahe natin ngayon, makikita ang isang mangmang na nakahalukipkip. Iba-iba ang pananaw ng mga teologo sa kahulugan nito. May nagsasabing ang mangmang ay mas marunong pa kaysa sa masipag sa v4: ang nasa v4 ay nagkakandakuba sa paggawa sa walang kabuluhan, ang mangmang ay hindi. Tutal pareho rin namang walang kabuluhan ang kanilang paroroonan, v7. May iba namang nakikita ang salungatan sa v4 at v5. Bagama't hindi maganda ang maging workaholic gaya ng v4, hindi rin magandang maging mangmang at tamad, v5. May nagsasabi namang ang mangmang sa v5 ay gumagawa lamang ng sapat upang mabuhay, v6. Ang rason ng mangmang, "Okey na ang isang dakot na may katahimikan kaysa dalawa na may kahirapan." Kahit ang mangmang ay nakikilala ang kahangalan ng paggawa na nagdadala ng pananaghili, v7. Alin man sa mga ito ang iyong pananaw, malinaw na 1) Ang katamaran at kahangalan ay magdadala ng kahirapan, v5; 2) Ang kaunti na may kapayapaan ay mas maigi kaysa kasaganahang walang katahimikan, v6 at 3) Ayon kay Solomon wala pa ring kabuluhan ang mga ito dahil sa ang tao ay mamamatay. 

"Inihahalukipkip ng mangmang ang kaniyang mga kamay, at kumakain ng kaniyang sariling laman." Ang katamaran ay nagdadala ng kahirapan at kasalatan. Hindi kinondena ng Kasulatan ang paggawa; tanging ang paggawa na dinidiyos ang paggawa kaysa tunay na Diyos. Ang paghalukipkip ng kamay ay nagpapakita ng pagtangging gumawa. Ang resulta ay kakainin niya ang sariling laman (wala siyang makain). 

"Maigi ang isang dakot na may katahimikan, kay sa dalawang dakot na may kahirapan at walang kabuluhan." Mas mabuti ang kaunti na may katahimikan kaysa sagana ngunit magulo. Ang sinumang nakikipagkompetensiya sa mga Joneses ay madidiskubre sa huli na kung sa halip na sila ay nakipagsabayan sa iba, ginugol nila ang kanilang oras sa ibang mas mahalagang bagay- gaya ng paglilingkod sa Diyos o pagkakaroon ng quality time sa pamilya- sana hindi sila magsisisi sa kawalan ng kabuluhan ng kanilang buhay. 

"Nang magkagayo'y bumalik ako at aking nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw." Ang workaholic ay walang kabuluhan. Ang katamaran ay wala rin. Sa puntong ito ng buhay ni Solomon, lahat ay walang kabuluhan sa kaniya. 

Ang dibinong kaisipan ay gumawa bilang repleksiyon ng Diyos na unang pinakita sa Biblia bilang Mangaggawa (Genesis 1), magpahinga at sumamba. Huwag hayaang kainin ng trabaho ang oras para sa Diyos at pamilya. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama