Dalawa ay maigi kaysa isa
Ecclesiastes 4:9 Dalawa ay maigi kay sa isa; sapagka't sila'y may mabuting kagantihan sa kanilang gawa.10 Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama; nguni't sa aba niya, na nagiisa pagka siya'y nabuwal, at walang iba na magbangon sa kaniya.
Sa nakaraang sitas, binigay ni Solomon ang halimbawa ng isang lalaking nag-iisa sa buhay ngunit walang tigil sa paggawa. Sa mga sitas na ito, ipakikita ni Solomon kung bakit hindi maganda ang pag-iisa at mas maganda pa rin ang may kasama kahit medyo may kakulangan.
"Dalawa ay maigi kay sa isa; sapagka't sila'y may mabuting kagantihan sa kanilang gawa." Sa halip na nag-iisa (v8), ayon kay Solomon mas maigi ang dalawa. Ang unang dahilan ay may mabuting kagantihan o may bentahe sa kanilang gawa. Mas maraming nagagawa ang dalawa kaysa isa.
"Sapagka't kung sila'y mabuwal, ibabangon ng isa ang kaniyang kasama." Isang bentahe ay may makatutulong ka sa gawa. May aalalay sa iyo, may aagap sa iyo. Dito pumapasok ang konsepto ng teamwork. Kung ikaw ay mabuwal, at sino baga sa buhay ang hindi nabubuwal?, mayroong kasamang magbabangon sa iyo. Totoo ito sa literal na pagkadapa dahil sa kawalan ng pag-iingat at sa metaporikal na pagkadapa dahil sa bigat ng buhay. Isang pagpapala ang may karamay sa buhay. Ilang tao ang sumuko sa buhay dahil walang nagmamalasakit at umaagapay?
"Nguni't sa aba niya, na nagiisa pagka siya'y nabuwal, at walang iba na magbangon sa kaniya." Ngunit kung ikaw ay nag-iisa, literal man o piguratibo (pakiramdam mo lang walang dumaramay sa iyo kahit mayroon), ikaw ay kawawa. Walang tutulong, walang aalalay, walang aagapay. Isa sa pinakamasakit na pakiramdam ay ang pag-aakalang ikaw ay nag-iisa. Isa sa pinakamalaking pagpapala ay ang kaalamang anumang kabiguan mo, may taong laging nasa likod mo.
Kung ikaw ang tipo ng taong ang nasa isip lamang ay makaabante kahit makatapak sa iba, kung puro ka lang trabaho at walang panahon para bumuo ng makabuluhang relasyon, para sa iyo ang sitas na ito.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.
Comments
Post a Comment