Congregational Singing
Anong nangyari sa congregational singing? Marahil dala na rin ng kasikatan ng mga awit na nakapokus sa kakayahan ng isang indibidwal na abutin ang mataas na notang hindi maabot ng iba, at dala ng kasikatan ng mga awiting mas bagay sa konsiyerto kaysa sa simbahan, maraming "ordinaryong" miyembro ang napipilang umawit. Kuntento nang makinig at pumalakpak sa iilang umaawit. Ito ay nakalulungkot na bagay dahil ang pag-awit ay pag-aari ng lahat ng Cristiano.
Sa lahat ng grupo ng tao sa mundong ito, tayong mga Cristiano ang dapat pinakamasaya dahil nababatid nating tayo ay may buhay na walang hanggan dahil sa pananampalataya kay Cristo, Juan 3:16. Ang katotohanang tayo ay hindi tutungo sa impiyerno dahil sa ginawa ni Cristo sa krus ay dapat magpuno sa ating mga puso ng pasasalamat na ihahayag ng ating mga labi.
Ang congregational singing ay may basehan sa Biblia. Ito ay makikita pareho da tuntunin at halimbawa ng Kasulatan.
Halimbawa sa Isaias 12:1-6, makikita nating sa Milenyo ang mga tao ay aawit ng pasasalamat at papuri sa Panginoon dahil sa kaligtasang Kaniyang ginawa. Ang kaligtasang ito ay parehong espirituwal (walang hindi mananampalatayang papasok sa Kaharian) at pisikal (mula sa kamay ng Antikristo). Bilang mga hari at reyna sa hinaharap, tayo ang mamumuno sa pagpuri sa Panginoon sa kaligtasang Kaniyang ginawa. Dahil isa ito sa mga trabaho natin sa Milenyo, bakit hindi na tayo magsanay ngayon sa ating mga simbahan?
Sa Efeso 5:18-19, ang pag-awit ay resulta ng kapuspusan ng Espiritu. Kung paanong ang lango sa alak ay madalas kumanta (gaano man kasintunado), ganuon din naman ang puspos sa Espiritu Santo ay marapat na umawit sa Panginoon.
Efeso 5:19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon.
Sa Colosas 3:16, ito ay may kinalaman sa pananahan ng Salita ni Cristo sa ating mga puso:
Colosas 3:16 Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.
Dahil sa ang awit ay maaaring gamitin sa patuturo at pagpapaalala, nangangahulugan itong ang ating mga awit ay dapat na may laman o doktrinang taglay at hindi paulit-ulit lamang na pananalita. Sa parehong sitas, ang awit ay mula sa puso, hindi lamang sa bibig. Ang puso ang pinakasentro ng isang tao, ang totoong ikaw kapag walang nakatingin. Samakatuwid ang awit ng papuri ay mula sa kaibuturan ng isang tao.
Maging ang Panginoong Jesucristo ay unawit (Mat 26:30, at isipin ninyong ito ay ang gabi na Siya ay ipagkakanulo) at ang dalawampu't apat na matanda (sa paniniwala ko ito ay ang Simbahang na-Rapture bago ang Tribulasyon) ay umaawit din (Pah 5:9-14; 7:9-12). Nakisali sa koro ang apat na buhay na nilalang (mga kerubim) at lahat ng sansinukob sa pagpuri sa Panginoon. Bakit hindi natin simulan sa ating mga simbahan.
Bakit kailangan nating umawit? Ito ay pagpuri sa Panginoon. Ang Diyos ang una at tanging Tagapakinig na may halaga. Maaaring sintunado tayo sa pandinig ng iba ngunit ang opinyon ng Panginoon ang mahalaga. Ito ay makapagtuturo at makapagpapatibay sa iba. Ilang tao ang natutulog ilang minuto matapos akong magsimulang magturo ngunit ang handang makinig (at may naaalala) sa isang magandang kantang nangungusap sa puso. Ito rin ay tanda ng kapuspusan ng Espiritu at pananahan ng Salita ni Cristo sa ating mga buhay, (Col 3:16; Ef 5:18-19).
Nangangahulugan ito nang masining na pamumuno ng song o worship leader dahil sila ang magdadala sa kongregasyon. Sila ang magdadala mg tono ng grupo. Ang pagiging song leader ay higit pa sa pagbibigay ng pahina o ng titulo ng kanta. Ito ay pagkakataon ng song leader na magbahagi ng impormasyong nailapat sa musika. Sa mga tamang panahon at punto, marapat lamang na magbigay ng prompts o adlibs ang leader upang mapagyaman at higit na maunawaan ng kongregasyon ang inaawit.
Kailangan niya ring ituro sa mga tao ang kanta dahil hindi makakakanta ang kongregasyon kung hindi nila alam ang awit. Nang nakaraang Hapunan ng Panginoong aking pinamahalaan, ilang Linggo bago ang aktuwal na Hapunan, ibinigay ko sa simbahan ang liriko ng Nothing But the Blood of Jesus upang maging pamilyar sila sa awit at makaawit nang galing sa puso sa mismong Hapunan. Alangan namang Hapunan (na umaalala sa Dugo ni Cristong nabubo sa Krus tapos ang awit mo ay Bringing in the Sheaves.
Sa bahagi ng kongregasyon kailangan nilang umawit nang may pag-unawa (1 Cor 14:15). Huwag nating gayahin ang ilang umaawit ayon sa pakinig kaya ang liriko ay mali-mali. Magsikap tayong alamin ang tamang liriko upang ang ating awit ay nasa ayos. Ito ay dapat galing sa puso gaya nang nasabi na at ito ay galing sa labing nagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos, Awit 51:14-15.
Awit 51:14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi; at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.
Panghuli umawit tayo kasama ng ibang ang puso ay umaawit din sa Panginoon:
Awit 122:1 Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin, tayo'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon.
Hindi ba't mas masaya kapag "ako" at "kanila" ay magkasamang sasamba at aawit sa Panginoon? Ang mga Bible churches ay kilala sa pagiging snob at malungkutin ngunit sa liwanag ng eternal na pagpuri at pagsamba sa Panginoon na gagawin natin sa hinaharap ang mga Bible churches ay dapat makilala bilang mga singing churches. Tayo ay dapat maging sentro ng pagpupuri sa ating Diyos at Tagapagligtas. Mas mahihikayat natin ang mga hindi mananampalataya kung tayo ay umaawit ng papuri ng Diyos kaysa mukhang may namatayan sa sementeryo o inutangan nang hindi binabayaran.
Ang pag-awit sa Panginoon ay bahagi ng ating handog sa Diyos.
Hebreo 13:15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.
Wala tayong pisikal na altar na pagsusunugan ng mga hayop na handog sa Diyos dahil si Cristo ang Tupang Handog na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Ngunit mayroon tayong mga altar sa ating puso kung saan tayo ay makapaghahandog ng ating mga tinig bilang handog sa Diyos. Oo lahat, pati mga sintunado, ay kailangang umawit sa Diyos. Biro ko nga sa Dahat, ang ayaw umawit bilang handog sa Diyos ay dapat magdagdag ng abuloy na handog sa Diyos. Ang ating mga boses ay handog na nakalulugod sa Diyos at magbibigay ng kapurihan at testimonyo sa mga hindi mananampalataya, 1 Ped 2:9. Isa itong paraan upang matupad ang layon ng pagtitipon (Heb 10:24-15 cf Col 3:16).
Nawa bilang isang kongregasyon, makilala ang Simbahan ng Dahat bilang isang sentro ng pagpupuri sa Panginoon! Awit 146:1-2.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment