Bentahe ng maliit na simbahan

 


Aaminin kong pangarap kong makapagturo sa isang malaking simbahan. Pero aaminin ko ring minsan ang pagiging malaki ay hindi nangangahulugang mas mabuti (tingnan ito:   https://faithalone.org/blog/did-you-know-that-big-churches-are-often-big-trouble/?fbclid=IwY2xjawExhTBleHRuA2FlbQIxMQABHehCqn2gF2xcwIoBUDgsF8ehR6eqjrYkosPpiqxZ-sYcEDem2iPcLDDVlg_aem_VYjpLdkanfbxlJXPdyuAUQ ). Ano ba ang bentahe ng mas maliit na simbahan. 

Hindi ko layong tuligsain ang malalaking simbahan. Hindi rin ito justification sa pagkakaroon ng maliit na simbahan. Maraming simbahan ang nagsimulang maliit ngunit dahil sa kasipagan ng mga manggagawa (at sa biyaya ng Diyos) ay lumaki. Ngunit narito ang ilan sa mga lehitimong bentahe ng maliit na simbahan. 

Una ay mas malapit sa bawat isa ang mga miyembro dahil magkakakilala. Sa isang simbahang hindi aabot sa isandaan (at may regular na dumadalong nasa dalawampu), mas malaki ang posibilidad na kilala mo ang lahat ng dumadalo. Dahil sa magkakakilala, mas dama ang pagiging bahagi ng isang pamilya, 1 Tim 5:1-2; Tito 2:1-7. Mas makakapagkwentuhan at makapagbabahagian ng mga kwento sa buhay. Sa isang napakalaking simbahan, posibleng kalahati sa mga miyembro ay hindi mo kilala. 

Sa isang maliit na simbahan, mas malaki rin ang potensiyal na maglingkod. Dahil sa iilan lang ang miyembro, mas madaling umikot ang obligasyon sa simbahan. Halimbawa, sa Dahat, hinihikayat ang mga matandang lalaking magturo. Kung iilan lang ang miyembro, mas madaling umikot ang oportunidad na magturo. Sa isang malaking simbahan, marahil aabutin ng buwan o baka taon bago mabigyan ng pagkakataong magturo. Ganuon din sa pag-awit. O sa iba pang uri ng paglilingkod. 

Mas nararamdaman din ang pagkawala ng isang miyembro. Kapag lumiban ang miyembro sa pagsimba, napapansin ang kaniyang pagkawala dahil bilang ang dumadalo. Sa isang malaking simbahan, maaaring lumiban ang miyembro nang matagal ngunit hindi mapansin dahil sa sobrang dami ng miyembro. Hindi napapansin ang pagliban sa karamihan ng tao. 

Isyu rin ang lohistika. Ang malaking simbahan ay nangangahulugan ng mas malaking buwanang gastos para mag-operate: kuryente, tubig, upuan at iba pang pasilidad. Mas madaling imentini ang kalinisan sa maliit na kongregasyon. Hindi rin isyu ang paradahan ng sasakyan at mas madaling imaneha ang kongregasyon kapag may mga aktibidad. 

Mas natututukan din ng ministro ang simbahan dahil iilan lang ang pinamumunuan. Makagagawa ng programang gagamit sa kaloob at talento ng miyembro. Dahil iilan lang ang miyembro, mas mapipilitan (sa positibong paraan) ang miyembro na maglingkod dahil kung hindi, walang gagawa ng paglilingkod. 

Ang mahalaga ay hindi mapabayaan ang misyon ng simbahan: ang ibahagi ang mabuting balita sa mga hindi mananampalataya at palaguin sa maturidad ng biyaya at pagkakilala kay Cristo ang mga mananampalataya. Hindi natin trabaho na ikumpara ang ating simbahan sa iba. Ang tapat sa maliit ay bibigyan ng oportunidad sa malaki. Huwag lamang nating gawing dahilan ang kaliitan upang maging tamad. Makontento tayo sa maliit ngunit pagsikapan nating palaguin ang ministri, bagama't hindi ito nangangahulugan ng karagdagang bilang kundi lalim ng espirituwal na buhay. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran