Balanse sa Buhay

 


Bawat isa sa atin ay nahaharap sa maraming obligasyon. Mahalaga ang balanse upang matugunan ang lahat ng kailangan at walang makaligtaang mahalagang obligasyon. 

Ecclesiastes 3:1 Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit.

Kailangan nating lagyan ng panahon ang lahat ng bagay. Kailangan natin ng prioridad, ngunit dapat lahat ay mabigyang pansin. 

Mateo 6:33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

Mahalaga ang magtrabaho para sa pagkain at damit, mga basikong kailangan ng pamilya. Ngunit huwag kalimutang bigyan ng puwang, at ayon kay Mateo ay prioridad, ang mga bagay espirituwal. 

Unang dapat paglaanan ng oras ay ang ating obligasyon sa simbahan. Nilagay tayo ng Diyos sa simbahan upang lumago sa gitna ng komunidad ng pananampalataya. 

Hebreo 10:24 At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

Sa kaabalahan sa buhay, kung minsan ang simbahan ang unang binibitawan. Ito ay isang pagkakamali. Habang naaabala sa buhay, mas lalong kailangang maging bahagi ng simbahan dahil ang mga kapatid ang iyong magiging support group ba mag-uudyok sa pag-ibig at mabubuting gawa. 

Sa unang simbahan, alam nila ang kanilang prioridad,

Gawa 2:42 At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.

Hindi nila pinababayaan ang pagtitipon dahil kinikilala nilang sila ay bahagi ng bawat isa.

Roma 12:4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.

Ikalawang lugar na dapat nating bigyang pansin ay ang ating trabaho. Sabi ni Martin Luther na bawat Cristiano ay alipin, at nasasakop ng lahat ng tao. Ang ating trabaho ay repleksiyon ng ating panloob na pagkatao. Bilang mga binago ng biyaya ng Diyos, dapat makita iyan sa ating mga gawa. Dapat makilala tayo bilang pinakatapat at masikap na manggagawa. Hindi ba't ang unang larawan ng Diyos sa Biblia ay isang manggagawa sa Genesis 1? Ang ating pagagawa ay sumasalamin sa isang aspeto ng Diyos bilang Tagapaglalang. 

Colosas 3:23 Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;24 Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang ganting mana; sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo.

Dapat maging bahagi ang Panginoon ng ating work ethic.

Kawikaan 16:3 Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag.

Ito ay testimonyo sa mga tao sa ating paligid.

1 Tesalonica 4:11 At pagaralan ninyong maging matahimik, at gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y mangagpagal ng inyong sariling mga kamay, na gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa nangasa labas, at huwag kayong maging mapagkailangan.

Kailangan din nating bigyang oras ang pamilya. Nakalulungkot na maraming ministrong kilala sa kabanalan ang napababayaan ang pamilya. Marami ring workaholic na walang oras sa pamilya dahil ang isip ay puro pera. Kailangan natin ng balanse sa lugar na ito. 

Efeso 5:15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.

Ang kabiguang suportahan ang sariling pamilya ay nagdadala ng kapistaan sa pananampalataya at sa isang diwa ay pagtakwil dito. Kahit ang masasamang ama ay hindi magbibigay ng bato at ahas sa mga anak na humihingi ng tinapay at isda.

1 Timoteo 5:8 Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.

Kawikaan 31:27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.

Paano ba natin mababalanse ang tatlong ito? 

Una, ayusing ang tamang paggamit ng oras. Sabi ng isang kawikaan, kung may bagay kang ayaw gawin ngunit dapat magawa, unahin mo ito upang maalis agad sa isipin. Gumawa ka ng iskedyul na magbibigay ng karampatang oras sa simbahan, sa trabaho at sa pamilya. 

Efeso 5:15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.

Bahagi ng paglakad ng gaya ng marunong ang tamang pagtubos ng panahon mula sa kasamaan. Ideally, may natitira ka pang oras para sa personal na pangangalaga sa sarili, espirituwal at pisikal, gaya ng personal na debosyon o pagkakaroon ng hobby at pag-eehersisyo. 

Ikalawa, matutong tumanggi sa mga bagay na hindi makatutulong sa pag-abot ng mga prioridad na ito. 

Mateo 5:37 Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.

Ang ating salita ay dapat magkaroon ng hiwalay na eksistensiya sa atin matapos wikain. Samakatuwid, sa sandaling masabi na, dapat itong tuparin kahit ito ay inkombeniyente para sa atin. 

Ikatlo, kailangan natin ang gabay ng Panginoon. Bahagi ng karunungan ang pagkilalang dapat tayong magtiwala sa Diyos at hindi sa ating sariling kakayahan.

Kawikaan 3:5 Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:6 Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

Sana makatulong sa inyo ang mga aral na ito. Makilala nawa ang Dahat bilang simbahang kinikilala at tinutupad ang kaniyang pangako at obligasyon. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.


Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay