Ang tao ay walang pinagkaiba sa hayop; pareho silang walang kabuluhan



Ecclesiastes 3:19 Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga; at ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan.20 Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli.

Patuloy si Solomon sa kaniyang pamimilosopiya. Kinikilala niyang hindi niya malalaman ang gawa ng Diyos dahil siya ay nakukulong sa panahon (hindi pumasok sa isip niyang maaaring malayang ibigay ng eternal ng Diyos ang mga bagay na hindi niya maisip). Kinikilala niya rin ang limitasyong dala ng kamatayan. Sa puntong ito, wala siyang makitang pagkakaiba sa mga tao at hayop- kapag sila ay parehing namatay, wala nang balikan. 

"Sapagka't ang nangyayari sa mga anak ng mga tao ay nangyayari sa mga hayop: sa makatuwid baga'y isang bagay ang nangyari sa kanila: kung paanong namamatay ang hayop, gayon namamatay ang tao; oo, silang lahat ay may isang hininga." Ayon kay Solomon, iisang bagay lang ang nangyayari sa tao at hayop dahil sila ay may iisang hininga. Ang pagkakapareho nila ay pareho silang mamamatay. Bagama't kinikilala ni Solomon ang Diyos at hindi siya ebolusyunista, ang kaniyang kaisipan sa ilalim ng langit ay walang pinagkaiba sa mga ito. Hindi niya makita ang karangalan ng tao laban sa hayop dahil sa kaniyang paningin, pareho rin naman silang mamamatay. 


"At ang tao ay wala ng karangalang higit sa hayop: sapagka't lahat ay walang kabuluhan." Bagama't ang tao ay gawa sa wangis at larawan ng Diyos, na siya niyang karangalan, hindi ito makita ni Solomon. Direktang sinabi niya na walang karangalan ang tao nang higit sa Diyos. Pareho silang walang kahuluhan dahil pareho silang mamamatay. Para kay Solomon, ang dahilan kung bakit hindi niya mahanap ang kabuluhan ng buhay, ay ang kamatayan. Marahil kung mas mahaba pa ang buhay ng tao, kung hindi siya mamamatay, baka matuklasan niya ang kabuluhan ng buhay. Sayang at siya ay nakukulong sa oras- may oras para ipanganak, ngunit may oras din ang kamatayan at gaya ng hayop, hindi niya ito matatakbuhan. 

"Lahat ay nagsisiyaon sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay nangauuwi sa alabok uli." Sa limitadong pagninilay ni Solomon, iisa lang ang dakong tutunguhan ng tao at hayop- pagkabulok hanggang alikabok. Wala siyang konsepto ng buhay pagkatapos ng buhay na ito; kung mayroon man, hindi nahayag sa librong ito. Ang kaniyang pokus ay mga bagay sa ilalim ng araw. Anuman ang abutin ng tao, lahat ay mauuwi sa wala kasi siya ay mamamatay. Ito ay nakakadepres na kaisipan. Ngunit sa mga Cristianong may dibinong kaisipan, ang kamatayn ay pintuang magbubukas ng tunay na buhay. Sa sandali ng kamatayan, kapag nakasama na natin si Cristo, mas higit pa tayong buhay kaysa pitumpo o walumpong taong lumakad tayo sa ilalim ng araw. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay