Mga ilaw sa sanlibutan
Filipos 2:14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulungbulong at pagtatalo:15 Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan,16 Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.
Nagpatuloy si Pablo sa pangangaral sa mga taga-Filipos.
"Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang mga bulungbulong at pagtatalo." Matapos niyang ituro ang kaligtasan mula sa problemang kanilang hinaharap sa pamamagitan ng Diyos na kumikilos sa kanilang kalooban at gawa, nilarawan ni Pablo kung ano ang praktikal nitong aplikasyon. Dapat nilang gawin ang lahat ng bulungbulong at pagtatalo. Marahil ito ang sanhi ng hidwaan sa Filipos (tingnan ang kapitulo 4 kung saan may hidwaan si Synteche at Eudioa.
"Upang kayo'y maging walang sala at walang malay." Hindi ito nagtuturo ng sinless perfection pero nagtuturo ito ng reputasyong hindi masisira ng hindi mananampalataya dahil wala silang maiturong sala.
"Mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama." Hindi ito nangangahulugang kapag hindi sila tumigil sa pagbubulongan at pagtatalo, hindi sila anak ng Diyos. Nililinaw lang dito kung paano maging anak ng Diyos na walang dungis. Malinaw na maaari kang maging anak ng Diyos na may dungis. Hindi sila magandang halimbawa sa mga hindi mananampalataya. Ilang wala sa pananampalataya ang tumangging manampalataya dahil sa masamang halimbawa ng mga mananampalataya? Wala silang reputasyon ("walang dungis") sa gitna ng liko at masamang henerasyon.
"Na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan." Gaya ng sinabi na ang isyu rito ay hindi kung paano maging anak ng Diyos kundi ang reputasyon sa gitna ng hindi mananampalataya. Ang mananampalatayang hindi sumasali sa bulungan at pagtatalo ay "mga ilaw sa sanlibutan." Sila ay may magandang testimonyong magbibigay ng kaliwanagan sa mga hindi mananampalataya. "Iyan ang tunay na mananampalataya," ang patotoo nila.
"Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan." Sa halip na bulungan at pagtatalo ay nagsasalita ng kabuhayan. Tandaan nating nasa dila ang kapangyarihan ng buhay at kamatayan. Piliin natin ang buhay.
"Upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo." Kung lalakad ang mga taga-Filipos nang ayon sa evangelio, si Pablo ay may ipagyayabang (ipagkapuri) sa kaarawan ni Cristo, sa Bema. Sa bawat taga-Filipos na tumanggap ng gantimpala, sasabihin ni Pablo, "May bahagi ako sa pananagumpay nila!"
"Na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan." Isang malaking balidasyon sa ministri ang makitang nasa maayos na pamumuhay espirituwal ang mga miyembro ng simbahan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment