Memorizing Scriptures: Mateo 3:17
Mateo 3:17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.
Matthew 3:17 [17]and behold, a voice out of the heavens said, "This is My beloved Son, in whom I am well-pleased."
Ang ating sitas ay patotoo ng Diyos Ama sa Kaniyang Anak. Muling maririnig ang Kaniyang patotoo sa Transpigurasyon.
Bilang bahagi ng ministerio ni Juan Bautista na ipakilala ang Mesiyas sa Israel, nasa kaniya ang pribilehiyong bautismuhan si Jesus. Nang una ay tumanggi siya dahil ang kaniyang bautismo ay bautismo ng pagsisisi. Hinahanda niya ang bansa sa pagdating ng Mesiyas sa pamamagitan ng panawagang sila ay magsisi o magbago ng isipan. Sa 400 taon sa pagitan ng pagsasara ng Malakias at sa panimula ng Evangelio ni Mateo, ang tinig ni Juan Bautista ay pagpapatuloy sa ministeryo ng mga propeta. Bukod sa paghahayag ng mensahe ng Diyos at panghuhula sa mangyayari, sila rin ay mga prosecutor para sa Kautusan. Sa loob ng mahabang panahong ang Judea ay nasa ilalim ng impluwensiyang Helenista, maraming Judio ang tumalikod sa Kautusan. Sila ay tinatawag ni Juan Bautista na magbagong isip o magsisi at bumalik sa Kautusan. Kung hindi ang limang siklo ng disiplina sa Levitico at Deuteronomio ay babagsak sa kanila.
Bago pa ito, hinayag ng Espiritu na ang Mesiyas ay ipakikilala niya. Nang makita Niya si Jesus tumanggi siyang bautismuhan Siya dahil alam niyang walang kasalanan si Jesus. Alam niya ring hindi siya karapatdapat, kahit magkalag man lang ng tali ng sandalyas. Ngunit sinabi ni Jesus na kailangan itong gawin upang tuparin ang lahat ng katuwiran. Bilang kahalili ng bansang Israel, Siya ay nagsisisi para sa bansa at nangangailangan ng bautismo bilang identipikasyon sa Kaniyang gawain bilang Manunubos. Walang sinuman ang makasusunod sa yapak ng bautismo ni Jesus dahil Siya lamang ang walang kasalanan at Siya lamang ang Manunubos.
Bilang patunay na Siya ang Mesiyas, ang Ama, na hindi personal na narinig sa loob ng ilang siglo, ay nagsalita at nagpatotoo, "Ito ang Aking Anak, pakinggan ninyo Siya." Sa wakas dumating ang Propetang mas dakila kay Moises na kanilang pakikinggan. Nakalulungkot na hindi nakinig ang bansang Israel, tinakwil Siya at pinako sa krus. Sa karunungan ng Diyos, ang pagtakwil na ito ang naging paraan upang mabayaran ang kasalanan ng buong sanlibutan. Kung mananampalataya ka ngayon kay Jesus, ang Kaniyang pangako ay hindi ka mapapahamak kundi magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment