Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 3
1 Corinto 13:4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.8 Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.
Ipagpatuloy natin ang panghuling bahagi ng blog na ito.
Ano ba ang katangian ng pag-ibig?
1. Mapagpahinuhod,
2. Magandang-loob;
3. Ang pagibig ay hindi nananaghili;
4. Ang pagibig ay hindi nagmamapuri,
5. Hindi mapagpalalo.
6. Hindi naguugaling mahalay,
7. Hindi hinahanap ang kaniyang sarili,
8. Hindi nayayamot,
9. Hindi inaalumana ang masama;
10. Hindi nagagalak sa kalikuan
11. Nakikigalak sa katotohanan;
12. Lahat ay binabata,
13. Lahat ay pinaniniwalaan,
14. Lahat ay inaasahan,
15. Lahat ay tinitiis.
16. Hindi nagkukulang kailan man:
17. Nananatili magpakailan man (v13) "kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala."
18. Pinakadakila ikumpara sa pananampalataya at pag-asa (v13)
Ilan sa mga katangiang ito ang masusumpungan sa iyo? Napakadaling sabihing ikaw ay may pag-ibig ngunit kung ang mga ito ay wala sa iyo, masasabi nating ang iyong pag-ibig ay sa salita lamang o kaya naman ay hindi pa nasasakdal.
Ayon kay Pablo, maaari kang magkaroon ng maraming kaloob espirituwal (spiritual gifts) (tingnan ang v1-2) at gumawa ng maraming "mabubuting gawa" (tingnan ang v3), kung walang pag-ibig, wala ring kabuluhan. Ang mga kaloob at mabubuting gawa ay maaaring kopyahin, ngunit ang pag-ibig ang nagbibigay balidasyon sa mga ito. Ang pag-ibig ay kumikilos para sa ikabubuti ng iniibig, hindi sa ikapupuri ng tao. Karamihan sa mga kaloob at mabubuting gawa na ating ginagawa ay hindi dahil sa pag-ibig (naghahanap ng kabutihan ng iniibig) kundi para sa kapurihan ng tao (tingnan ninyo ang mga caridad na pakitang tao).
Pansining ang kapitulong ito ng pag-ibig ay nasa konteksto ng kaloob at paglilingkod. Madalas itong gamitin bilang depinisyon ng pag-ibig sa pagitan ng lalaki at babae, at bagama't ito ay may aplikasyon sa relasyong ito dahil ang umiibig ay kailangang isipin ang kabutihan ng karelasyon, ang pangunahing punto ng kabanatang ito ay ituro ang kahalagahan ng pag-ibig sa paglilingkod at paggamit ng kaloob. Maaaring ikaw ay "gifted" sa maraming bagay ngunit kung walang pag-ibig, gagamitin mo ang mga kaloob para sa iyong kapakinabangan sa halip na sa tapat na pagnanais na paglingkuran ang iba. Maaaring marami kang nakikitang mabuting gawa ngunit kung ito ay walang pag-ibig at pakitang tao lamang, wala kang gantimpala sa langit- ang aprubasyon ng tao ang iyong ganti.
Humahanga tayo sa mga taong malaki ang pananampalataya. Humaharap sila sa buhay, anuman ang ibato ng buhay. Humahanga tayo sa mga optimistikong tao, hindi sila nawawalan ng pag-asa. Ngunit ilan ang humahanga sa maibigin? Mga taong sinakripisyo ang kanilang pangarap at pag-asa para sa iba. Ayon na rin kay Pablo, ang pag-ibig ang pinakadakilang biyaya. Hindi nakapagtatakang ito ang nangunguna sa listahan ng mga bunga ng Espiritu.
Magsiibigan kayo sa isa't isa.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Comments
Post a Comment