Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 1
Juan 13:34 Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.35 Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.
Ginamit ng Biblia ang mga salitang "mangagibigan kayo sa isa't isa" nang 15 beses sa 21 sitas (NASB ang ginamit ko sa pagbilang). Iisipin mong gusto ng Diyos na ibaon ang aral na ito sa ating mga ulo. Makagugugol ang isang tao ng ilang taon sa lahat ng gamit ng pag-ibig sa Biblia- pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa asawa, pag-ibig sa pamilya, pag-ibig sa kapwa mananampalataya, pag-ibig sa sanlibutan, atbp. Sa pag-aaral na ito lilimitahan lamang natin ang ating mga sarili sa mga sitas na gumamit ng salitang mangagibigan sa isa't isa at sa 1 Corinto 13 kung saan nilarawan kung ano ang pag-ibig.
Sa Juan 13:34-35, makikita natin ang isang bagong utos. Bago dahil sa bago sa kalidad na humihigit sa pag-ibig na hinihingi ng Lev 19:18.
Sa Juan 15:12-17 mayroon tayong inclusio kung paano ibigin ang isa't isa. Ang modelo sa pag-ibig ay ang sakripisyal na pag-ibig ni Cristo.
Ipinapakita ng Roma 13:8-10 na huwag tayong magkautang sa iba ng anupaman maliban sa pag-iibigan sa isa't isa. Ang may utang ay alipin ng inutangan kaya nilalayo tayo ni Pablo sa pagkaalipin. Sa halip dapat nating ibigin ang isa't isa. Ito ay paglilingkod sa halip na pamamanginoon. Ang pag-ibig ay katuparan ng Kautusan dahil walang umiibig ang naghahanap ng ikapapahamalk ng iniibig.
Sa 1 Tesalonica 4:9-12 makikita natin ang aral ni Pablo ang mga taga-Tesalonica na ibigin ang isa't isa lalo na ang mga taga-Macedonia. Interesante ang dinamiko ng pag-iibigan ng mga taga-Tesalonica at taga-Macedonia. Kapag kinumpara natin ang Fil 4:15-16 at 1 Tes 1:7-8, makikita nating ang mga taga-Macedonia ang nagpondo sa ministri ni Pablo sa Tesalonica; samantala ang mga taga-Tesalonica ang inspirasyon at halimbawa sa Macedonia at Achaia. Makikita natin dito ang halimbawa ng pag-ibig na nagtutulak sa magkakapatid na magbahagian at magpalitan ng mga espirituwal at pinansiyal na kaloob ng pag-ibig.
Ang mga epistula ni Juan ay masasabing mga epistula ng pag-ibig. Walang duda na si Juan ang apostol ng pag-ibig. Sa 1 Juan 3:10-12, pinakita ni Juan na pag-ibig ang dapat na pangunahan katangian ng mga mananampalataya. Nakalulungkot na mas kilala tayo sa pagtutol sa mga sekondaryong bagay kaysa pagpapamalas ng pag-ibig na siyang pangunahing bagay. Sa 1 Juan 3:23-24 makikita natin ang ugnayan sa pagitan ng pag-ibig at pagsunod sa mga utos ni Cristo, Juan 14:15, 21,23,24; 15:10. Pansining iba ang mga utos ni Cristo na ibinigay sa mga Cristiano at Kautusan ni Moises na ibinigay lamang sa mga Israelita. Sa 1 Juan 4:7-8, makikita natin ang intimasya sa pagitan ng Ama at ng mga mananampalataya. Sa 1 Juan 4:11-12, makikita natin na ang pag-ibig sa kapatiran ay nakabase sa pag-ibig sa Diyos. Sa termino ni Thieme, functional love towards brethren is based on motivational love towards God. Hindi naman natin maiibig ang Diyos na nakikita kung ang kapatid na nakikita (na kawangis ng Diyos) ay hindi natin maibig. Sa 2 Juan 4-5 makikita natin ang ugnayan sa pagitan ng katotohanan at pag-ibig (tingnan ang v3). Ang paglakad sa katotohanan ay paglakad sa pag-ibig at vice-versa.
Pagnilayan ninyo ang mga sitas na ito at ituloy natin sa susunod na blogs.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)


Comments
Post a Comment