Mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa
Juan 13:14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.
Sa ibang denominasyon, ang paghuhugas ng mga paa ay isang ordinansa. Sa tingin ko ito ay maling pagkaunawa ng Juan 13:12-14.
Sa Juan 13 makikita natin ang Panginoong Jesucristo na inibig ang Kaniyang mga alagad alagad hanggan sa katapusan. Alam Niyang dumating na ang Kaniyang takdang oras ng pag-alis at nais Niyang iwan ang Kaniyang mga alagad ng mga aral na kanilang mapagninilayan. Nais Niyang maipadama sa kanila ang Kaniyang pag-ibig at ang lenggwahe ng pag-ibig na Kaniyang ginamit ay paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang mga alagad bilang ekspresyon ng Kaniyang pag-ibig.
Ang paghuhugas din ng paa, sa halip na pagliligo ng buong katawan, ay larawan ng pangangailangan ng praktikal na paglilinis para sa paglilingkod bilang karagdagan sa posisyunal na paglilinis sa sandali ng kaligtasan. Sa Kautusan, ang mga anak ni Aaron ay pinaliliguan bilang bahagi ng seremonya sa pagtatalaga sa kaniya (Ex 29:4) at sa tuwing sila ay maglilingkod sa altar ay kailangang maghugas sa tansong hugasan (Ex 30:18-21). Ang una ay paliligo ng buong katawan at katumbas ng kapatawaran ng mga kasalanan sa sandaling manampalataya kay Cristo. Ito ang pagtatalaga natin bilang mga saserdote kay Cristo. Ang ikalawa ay paghuhugas ng paa at kamay at katumbas ng kapatawaran ng mga kasalanang kinumpisal. Ito ang paglilinis sa paglilingkod.
Ito rin ay larawan ng naglilingkod na pamumuno (servant leadership). Ito ay praktikal na larawan ng kapakumbabaan ng mga lingkod- ang Panginoon ay naglingkod sa Kaniyang mga alagad kung paanong tayo ay dapat maglingkod sa ating pinamumunuan. Nagpapakita ito na sa isang pinuno, kahit ang menyal na gawain ay gagawin, alang alang sa ikabubuti ng pinaglilingkuran. Nilalarawan Niya kung ano ang kahulugan ng pagiging dakila sa lahat (v16; cf Marcos 9:33-37).
Ang paghuhugas ng paa ay hindi isang ordinansang dapat gawin nang paulit-ulit kundi isang makapangharihang larawan ng pag-ibig, paglilinis at paglilingkod. Ito ay paglilingkod nang may pag-ibig at kapakumbabaan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)


Comments
Post a Comment