Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa



Galatia 6:2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.


Ang pagdadala ng pasanin ng bawat isa (Gal 6:2) ay katuparan ng Kautusan ni Moises. Pansining ito ay kautusan o mga prinsipyo ni Cristo at hindi Kautusan o mga prinsipyo ni Moises. Ang Kautusan ni Cristo ay ang pananampalatayang nagtatrabaho sa pamamagitan ng pag-ibig. Bilang mga mananampalataya kay Cristo, tayo ay nasa ilalim ng mga prinsipyo ng Bagong Tipan upang paglingkuran ang bawat isa sa pamamagitan ng pag-ibig. Bahagi ng paglilingkod na ito ang pagdala ng pasanin ng bawat isa.

Sa v1, makikita natin ang isang kapatid na may pasanin. Siya ay nasumpungan sa isang pagsuway. Tungkulin natin bilang mga mananampalatayang maging tagapag-ingat ng ating mga kapatid, sa paraang tayo ay may espirituwal na proteksiyon. Ang masaklap ay nagnais kang tulungan ang isang may pasanin ngunit sa halip na makatulong, ikaw pa ang nadala sa pagsuway.

Ang pagdala na ito ng pasanin ay mag-iingat sa ating malinlang ng ating mga sarili. 

Sa v4, makikita natin ang isang uri ng pagmamapuri. Maaari tayong magmapuri sa ating sariling gawa at hindi sa kapuwa. Dahil sa ito ay rekomendasyon ng pagmamapuri, hindi ito katulad ng aroganteng pagmamapuri na madalas nating ikabit sa salitang pagmamapuri. Sa halip ito ay pagkakaroon ng umaapaw na kasiyahan sa sarili mong gawa na hindi mo maiwasang hindi ito ibahagi sa iba. Kung tayo ay magmamapuri, kailangang masuportahan natin ang pagmamapuring ito. Isa sa pinakamalungkot na bagay ay ang magmapuri ka sa isang bagay na hindi mo kayang suportahan. 

Sa v5, ang bawat isa ay kailangang magpasan ng sariling pasan. Habang dinadala natin ang pasanin ng iba, kailangan din nating pasanin ang sarili nating pasanin. Hindk ito kontradiksiyon sapagkat sa unang pasanin, ang kapatid ay nahulog sa pagsuway at kailangan niya ng alalay na bumangon at bumalik sa Panginoon. Sa ikalawang pasanin, sa v5, ito ay pagkakaroon ng responsabilidad sa sariling buhay. Hindi natin dapat iasa sa iba ang pagpapatakbo ng sarili nating buhay. Gamit ang doktrina ng Kasulatan at kapuspusan ng Espiritu, dapat tayong maging responsable at intensiyonal sa ating pamumuhay espirituwal, kabilang na ang pagdala ng pasanin ng kapatid na nasumpungan sa pagsuway. Ang pagdala ng pasanin ng bawat isa ay hindi dahilan upang ikaw ay maging parasito, na iasa sa iba ang iyong pamumuhay. Ang bawat isa ay dapat mag-ambag ng kaniyang bahagi sa pagawa ni Cristo sa kapakinabangan ng buong katawan. 

Ang v6 ay bahagi ng aplikasyon ng pagdala ng pasanin ng bawat isa. Karamihan sa mga guro ng Biblia ay puno ng kaabalahan kabilang na ang pinansiyal na pangangailangan. Bilang isang nakikinabang sa mga espirituwal na aral, bahagi ng obligasyon ng Cristiano ang tumulong sa materyal na pangangailangan ng kaniyang guro. Hindi lahat ay matatanggap ito pero ito ay bahahi ng pananampalatayang kumikilos sa pag-ibig. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama