Malasakit na totoo



Filipos 2:19 Datapuwa't inaasahan ko sa Panginoong Jesus na suguing madali sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag, pagkaalam ko ng inyong kalagayan.20 Sapagka't walang taong katulad ko ang pagiisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan.21 Sapagka't pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo.

Matapos niyang pagtibayin ang kaniyang kahandaang maglingkod sa mga taga-Filipos, binanggit ni Pablo ang posibilidad na suguin si Timoteo upang personal na alamin ang kalagayan ng mga taga-Filipos. Nagpapakita ito nang malalim na pagmamalasakit sa Filipos at malaking tiwala kay Timoteo. 

"Datapuwa't inaasahan ko sa Panginoong Jesus na suguing madali sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag, pagkaalam ko ng inyong kalagayan." Dahil nakakulong si Pablo, hindi siya personal na makatutungo sa Filipos upang alamin ang kalagayan ng kapatiran doon. Ngunit malaki ang pag-asa (kumpiyansang pagtitiwala) na nakakulong man siya, ang Panginoong Jesus ang magdadala kay Timoteo sa Filipos. Ang misyon ni Timoteo ay alamin ang kalagayan ng mga kapatid sa Filipos upang magkaroon si Pablo ng kapanatagan. Marahil nababahala si Pablo sa pagkakahating nagaganap sa Filipos, bukod sa nabalitaang pag-aalala nila sa pagkakasakit ni Epaproditus at sa kaniyang pagkabilanggo. Ang tunay na pagmamahal ay laging naghahanap ng kapanatagan ng minamahal. 

"Sapagka't walang taong katulad ko ang pagiisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan." Si Timoteo ang pinili niyang suguin dahil batid niyang tunay ang pagmamalasakit ni Timoteo sa kapatiran sa Filipos. Mula Gawa 16, nang isama ni Pablo si Timoteo sa ikalawang misyonaryong paglalakbay, makikita ang pagmamalasakit ni Timoteo na bahagi ng pagkatatag ng simbahan ng Filipos. 

"Sapagka't pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo." Maraming naghahanap ng sariling kapakinabangan at kaaliwan ngunit si Timoteo ay hinahanap ang mga bagay ni Cristo. Malaki ang tiwala niya sa kaniyang aprentis na ito ay hindi naghahanap ng sariling kapakinabangan kundi may tunay na pagmamalasakit sa Filipos, isang malinaw na tandang ang mga bagay ni Cristo ang kaniyang inuuna. Nawa lahat ng manggagawa ay kagaya ni Timoteo. Inuuna ang ministri bago ang sarili. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama