Magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa



Marcos 9:50 Mabuti ang asin: datapuwa't kung tumabang ang asin, ay ano ang inyong ipagpapaalat? Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.

Ang Marcos 9 ay bahagi ng mga instruksiyon ng Panginoon sa huling bahagi ng Kaniyang ministri. Sa v1-13 makikita natin ang Transpigurasyon na katuparan ng pangako ni Jesus sa v1. Ito ay nagresulta sa talakayan sa pagtakwil ng mga tao sa muling pagbabalik ni Elijah sa v9-13. Sa paanan ng bundok makikita natin ang siyam sa mga apostol na bigong palayasin ang demonyo sa isang lalaki, v14-29. Dahil sa malaking pagkakaiba ng karanasan ng tatlo sa mga apostol sa itaas ng bundok at ng siyam sa paanan nito, nagkaroon sila ng pagtatalo sa kung sino ang pinakadakila sa lahat. Dahil sa pagtatalong ito, hindi nila napakinggan o naunawaan ang mga aral ni Cristo sa Kaniyang pagkamatay, pagkalibing at muling pagkabuhay sa v31-32. Nagresulta ito sa leksiyon ni Cristo patungkol sa kapakumbabaan, v33-37 at sa leksiyon sa mga gantimpala at paglilingkod sa v38-49. Ito ang background ng ating teksto sa v50. Dahil ang bawat isa ay aasinan sa pamamagitan ng apoy, sinabi ni Jesus na sila ay kailangang magkaroon ng asin sa kanilang mga sarili, samakatuwid, kailangang sila ay maging produktibo. Nang unang panahon, ang asin ay mahalagang bahagi ng pataba ng lupa. Kung wala ang alat nito, hindi na ito magagamit na pataba at yuyurakan na lamang sa kalsada. Ang ideya ay produktibo, paglilingkod sa Diyos at preserbasyon ng kabanalan. 

"Magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa." Ito ay sampal sa mga alagad na nagtatalo kung sino ang pinakadakila. Wala silang kapayapaan sa bawat isa! Mas abala sila sa pakikipagtalo kaysa pagkakaroon at pagpapanatili ng kapayapaan. 

Ang Biblia ay nagbabanggit ng iba't ibang uri ng kapayapaan. Sa sandali ng kaligtasan tayo ay may kapayapaan sa Diyos, Roma 5:1. Hindi ito ang kapayapaang tinutukoy ni Jesus dahil ang mga alagad ay nanampalataya na sa Kaniya at taglay nila ang kapayapaang ito na hindi maiwawala. 

Ang kapayapaang tinutukoy ni Jesus ay ang kapayapaan sa pang-araw-araw na relasyon. Ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan (Roma 15:33; 1 Cor 14:33; 2 Cor 3:11; Fil 4:9; 1 Tes 5:23; Heb 13:20). Bilang mga anak ng Diyos (Juan 1:11; Gal 3:26), ang mga Cristiano ay inaasahang maging mapagpayapa ("peacemakers"), Mat 5:9; tayo ay dapat magkaroon ng kapayapaan sa ating mga relasyon (1 Cor 7:15; ang konteksto ay kapayapaan sa pag-aasawa); tayo ay dapat mabuhay sa kapayapaan, 2 Cor 13:11; Gal 6:16; Col 3:15; at ang kapayapaan ay resulta ng paglago sa kaalaman at biyaya ng Ama at ng Panginoong Jesucristo. 

Ang Biblia ay nagbabanggit ng kapayapaan mula sa Diyos (Roma 1:7; 1 Cor 1:3; 2 Cor 1:2; Gal 1:3; Ef 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 2 Tes 1:2; 1 Tim 1:2; 2 Tim 1:2; Tito 1:4; Filem 3). Ito ang istandard na pagbati ni Pablo sa kaniyang sinusulatan kung saan humihingi siya ng maging katangian ng mga mananampalataya ang kapayapaan ng Diyos. 

Ito ang kapayapaang nanggaling kay Cristo, Juan 14:27; 16:33 na dapat taglay ng mananampalataya kahit sa gitna ng kapighatian at kapahamakan. Makatlong ulit na sinabi ni Jesus, "Mapasainyo ang kapayapaan" (Juan 20:19, 21, 26). 

Ang kapayapaan ng Diyos ang kasagutan sa pag-aalala, Fil 4:6-7. Wala namang makakadagdag sa kaniyang buhay o tangkad sa pag-aalala kaya ibigay mo na lang ito sa Diyos sa panalangin. Ito ay bunga ng Espiritu Santo (Gal 5:22-23). Ligtas sabihing kung wala kang kapayapaan sa iyong buhay, hindi ka lumalakad sa pamamagitan ng Espiritu Santo. 

Ang kapayapaan ay hindi kawalan ng gulo kundi positibong presensiya ng trankilidad at prosperidad na hindi nakabase sa sirkumstansiya. Tandaang ang kapayapaang inalok ni Jesus ay para sa mga alagad na haharap sa kapighatiang dulot ng Kaniyang pagbalik sa Ama. 

Kung taglay natin ang kapayapaan sa Diyos (mananampalataya ka at ligtas magpakailan man), kung taglay mo ang kapayapaang mula sa Diyos (namumuhay ka ayon sa Espiritu Santo), makapamumuhay ka ng may kapayapaan sa ibang mananampalataya gaya nang sinasabi ni Jesus sa ating teksto (Roma 12:18; 14:19; Tito 3:2; 1 Ped 3:11; Heb 12:14; 2 Tim 2:22; 1 Tes 5:13). 

Ang kapayapaang ito ay lalong lalo nang dapat taglayin ng matanda sa simbahan dahil siya ang modelo at halimbawa, 1 Tim 3:3; 1:2; 2 Tim 2:2. Ang disiplina ng Diyos ay magdadala rin ng kapayapaan, Heb 12:11. Pili ka kung gusto mo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Diyos o ng kapayapaang resulta ng disiplina ng Diyos. 

Sa panghuli tandaan nating ang ating horizontal na kapayapaan (sa tao) ay nakabase sa ating vertical na kapayapaan (sa Diyos). 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran