Ipalagay ng bawat isa ang iba na lalong mabuti kaysa kaniyang sarili




Filipos 2:3 Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili;4 Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba.

Sa v3-4, magbibigay si Pablo ng karagdagang ekshortasyon base sa apat na realidad ng v1. Dito natin makikita ang problemang kinahaharap ng mga taga-Filipos. May mga Cristianong makasarili sa Filipos na nagiging dahilan ng pagkakahati. Ang solusyon niya ay ituring ang iba na mas maigi sa sarili. Hindi ikaw ang sentro ng simbahan, sa madaling salita. 

"Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo." Anumang gagawin ng mga Cristiano ay dapat dahil sa pag-ibig at hindi dahil sa pagkakampikampi o kapalaluan. Ang "pagkakampikampi" ay ginamit din sa 1:17 upang ilarawan ang saloobin ng mga kumakalaban kay Pablo. Ang kanilang pagkamakasarili ang naghahati sa kanila at nagreresulta sa kampihan. Ang "pagpapalalo" ay tumutukoy sa "kaluwalhatiang walang laman." Nagmamalaking wala namang ipagmamalaki. Marahil kaya sila nagkakampihan ay ang kanilang makasariling pagnanasang luwalhatiin ang sarili. 

"Kundi." Ito ay nagpapahayag ng solusyon. Sa halip na gawin nila ang dalawang negatibong bagay (pagkakampikampi at pagpapalalo) dalawang positibong bagay nag kailangan nilang gawin. 

"Sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili." Ang una nilang dapat gawin ay magkaroon ng kababaan ng pag-iisip. Ang kababaang ito ay makikita sa Panginoong Jesucristo na sa dakilang pag-ibig sa tao ay nagpakumbaba hanggang kamatayan sa krus. Ito ang uri ng kapakumbabaang sinasabi ni Pablo. Paano maipakikita ang kababaang ito? Sa pagpalagay sa ibang mas mabuti kaysa sa sarili. Kaya tayo nagkakagulo ay lagi nating iniisip na tayo ay mas mabuti sa iba. May sakit tayo ng "I". Lagi na lang ako- lahat ay umiikot sa akin at kayo ay ekstensiyon lamang ng aking sarili. Sa halip na ganitong kaisipan, dapat mong ituring ang iba na mas mabuti kaysa sa saiyo. Kung tinuturing mo siyang mas mabuti saiyo, hindi mo siya mamaliitin at siya ay iyong paglingkuran.

"Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba." Huwag lamang sarili mong interes ("tingnan ang kaniyang sarili") kundi pati ang interes ng iba. Ito ang tunay na panalong saloobin. Binabantayan mo ang iyong interes pero dahil tinuturing mo ang ibang mas mabuti sa iyo, binabantayan mo rin ang kaniyang interes, marahil mas inuuna mo pa siya kaysa saiyo. Ito ang panalong solusyon dahil kung lahat ay gagawin ito, walang puwang sa sarili kundi sa iyo. Ito ay magreresulta sa magandang saloobin sa bawat isa (goodwill) at bubuo ng pagkakaisang taimtim na kahilingan ni Pablo.

Kung lahat ng Cristiano ay isasapuso ito- ang iba ay mahalaga at bantayan ang kaniyang interes, hindi tayo magkakampihan laban sa isa't isa sa kapalaluan. Sa halip idedebelop natin ang isa't isa dahil tayo ay namumuhunan sa kaniyang kabutihan. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mangagtanggapan kayo

Huwag mangaghatulan sa isa't isa

Mangagibigan Kayo sa Isa't Isa, Part 2