Gawin ang sariling kaligtasan ng may takot at panginginig



Filipos 2:12 Kaya nga, mga minamahal, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako'y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig;13 Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.


Dumako tayo sa isa sa mga kontrobersiyal na pasahe ng Kasulatan na madalas gamitin ng mga naniniwala sa kaligtasan sa gawa bilang suporta sa kanilang posisyun. Ang isyu ay umiikot sa kung anong kaligtasan ang tinutukoy dito. Dapat nating tandaan na kapag nabasa natin ang salitang kaligtasan, kailangan nating alamin kung anong uri. Dahil sa ang sinulatan ay mga mananampalataya na, hindi ito tumutukoy sa kaligtasan mula sa impiyerno dahil ang lahat ng nanampalataya ay may pangako ng buhay na walang hanggan at hindi kailan man mapapahamak, Juan 3:16; 6:47; Gawa 16:31; Efeso 2:8-9. 

May ilang interpretasyong consistent sa Free Grace na maaaring ibigay dito. Una ay ito ay tumutukoy sa kaligtasan sa present tense. Ang kaligtasan ay may tatlong aspeto- ang una ay kaligtasan sa nagdaan na tinanggap ng mananampalataya sa sandali ng kaligtasan. Halimbawa ay Efeso 2:8-9. Ito ay pananampalataya lamang kay Cristo lamang at hiwalay sa anumang gawa. Hindi ito maiwawala. Ang ikalawang uri ng kaligtasan ay sa pangkasalukuyan, habang ang Cristiano ay naliligtas sa kapangyarihan ng kasalanan. Halimbawa ay 1 Tim 4:16 kung saan ang katapatan ni Timoteo sa pagtuturo ng doktrina ay magdadala ng kaligtasan mula sa maling aral at kasalanan, 1 Tim 4:1-4. Ang ikatlo ay kaligtasan sa hinaharap kapag tinanggap ng mananampalataya ang kaniyang resurrection body at gantimpala sa Bema, Roma 13:11. Sabi ng ilang interpreter, ito ay kaligtasan sa pang-araw-araw na problema ng Cristianong pamumuhay. 

Ang isa pang opsiyon at siya kung pinanghahawakan ay kaligtasan mula sa problemang hinaharap ng simbahan sa Filipos. Nahaharap ang Filipos sa pagkakahati (tingnan ang Fil 4) at nanawagan siya ng pagkakaisa (Fil 2:1-4). Nangangailangan ito ng kapakumbabaang nakita kay Cristo. Hindi ito magagawa sa kapangyarihan ng laman. Mangyayari lang ito kung ang Diyos ay naglagay ng kakayahang magnasa at gumawa sa kanila. 

"Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako'y wala." Matapos ibahagi ang aral ng kapakumbabaan ni Cristo, nagbigay siya ng aplikasyon. Tiwala si Pablo na kung masunurin sila sa kaniyang harapan, ganuon din sila habang siya ay wala (nakapiit siya sa Roma). 


"Ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig." Sa Fil 2:1-4, humiling siyang lubusin ng mga taga-Filipos ang kaniyang kasiyahan sa pagkakaisa ng isip, akala at pag-ibig. Dito lubusin nila ang sariling kaligtasan. Ito ay kaligtasan mula sa problema ng pagkakahati. Malinaw na kung hindi nila masolusyunan ang problemang ito (gawin ang kaligtasan), mawawasak ang simbahan. Dapat nilang hanapin ang pagkakaisang ito ng may takot at pakikinig, hindi pagmamataas. Ang takot at pakikinig ay larawan ng aliping handang maglingkod nang walang prokrastinasyon. 

"Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban." Mangyayari lamang ito kung ang Diyos (at totoong nasa proseso na Siya ng paggawa sa kanila) ang gumagawa sa kanila sa pagnanasa at sa paggawa. Hindi ito mangyayari kung kumikilos lang sila sa laman. Kailangang ang Diyos ang motibasyon nilang magkaisa. Ang Diyos ay kumikilos sa kanilang pagnanasa (intensyon, kalooban) at paggawa (sayang ang intensiyon kung walang aplikasyon). Ang lahat ng ito ay ayon sa mabuting kalooban ng Diyos. Ayaw ng Diyos na may paghahati sa mga Cristiano. Nangangailangan ng maturidad upang masolusyunan ang problemang ito. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama