Ang kapakumbabaan ay nagreresulta sa kaluwalhatian


Filipos 2:9 Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan;10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa,11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.

Bago tayo makalimot na ang ating blog series ay tungkol sa Philippians at hindi Christology, balikan natin ang teksto. Sa v1-4 hinayag ni Pablo ang pagnanais na magkaroon ng pagkakaisa ang mga taga-Filipos at ito ay mangyayari lamang kung sila ay may kapakumbabaan at iniisip na ang iba ay mas magaling kaysa kanilang sarili. Dito binigay niya ang Panginoong Jesucristo bilang halimbawa ng may kaisipan ng kapakumbabaan. Sa mga nakaraang blogs, tinalakay natin ang kapakumbabaang dinaanan ni Cristo. 

Sa v9-11 makikita natin ang kaluwalhatiang ibinigay ng Ama kay Cristo dahil sa Kaniyang kapakumbabaan. Ang leksiyon na matututunan natin ay ang kapakumbabaan ay nagreresulta sa kaluwalhatian.

"Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios." Dahil sa si Cristo ay may kaisipan ng kapakumbabaan at naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang kamatayan sa krus, ang Ama ay pinakadakila Siya. Sa ekonomiya ng Diyos, ang daan sa kadakilaan ay kapakumbabaan. Walang masama sa kadakilaan, ang masama ay hanapin ito sa paraan ng mga Gentil kung saan ang isa ay namamanginoon sa iba. Ang tunay na kadakilaan ay resulta ng kapakumbabaan. 


"At siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan." Ang pangalan ay hindi lamang sa kung ano ang itatawag sa isang tao. Ito ay tumutukoy sa reputasyon, sa Persona sa likod ng Pangalan. Sinasabi rito na Siya ay binigyan ng reputasyon, ng kadakilaan na higit kaninuman. Si Satanas ay nahulog sa kasalanan dahil hinangad niya ang kadakilaang para lamang sa Diyos. Si Cristo na nag-anyong tao at pansamantalang nakakababa sa mga anghel ay nagtamo ng kadakilaang higit sa lahat ng pangalan. Bilang Diyos, taglay na Niya ang reputasyon/kadakilaang ito. Bilang Diyos-Tao sa Hypostatic Union, nagtamo Siya para sa Sangkatauhan ng reputasyong mas higit kaysa mga anghel. 

"Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa." Ito ang Great Genuflection. Darating ang panahon kapag si Cristo ay uupo na sa trono, lahat ng nilalang, magpatao man magpa-anghel, ay luluhod sa harapan ni Cristo, mananampalataya man o hindi, hinirang man o hindi. Ang lahat ng mananampalataya at mga hinirang na anghel ay luluhod sa kasiyahan na ang ating Panginoon ay maghahari na sa wakas. Ang mga demonyo at hindi mananampalataya ay sapilitang luluhod sa ayaw man nila dahil sa pagkakataong iyan mababatid nila, sa kanilang pagsisisi at huli na sa lahat, ang kamalian ng kanilang pagtakwil kay Cristo. Lahat ay luluhod sa Kaniya at ang pagpipili ay nasa atin kung ngayon sa dispensasyon ng biyaya, tayo ay mananampalataya at luluhod sa Kaniya o kung mamamatay tayo bago nakarating sa pananampalataya, luluhod ang lahat ng nagtakwil sa Kaniya bago itapon sa lawa ng apoy. Kayo ang pumili ng uri ng pagluhod na inyong nanaisin.

"At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon." Bukod sa pagluhod lahat ay maghahayag na si Jesucristo ay Panginoon. Ito ay malaking araw para sa mga mananampalataya dahil ang Panginoon ay mahahayag sa kaluwalhatian at ang mga mananampalataya ay makikibahagi sa Kaniyang maluwalhating paghahari bilang mga pinuno o nasasakupan. Ito ang araw ng ating bindikasyon laban sa mga nanunuya sa ating pananampalataya. Sa mga hindi mananampalataya, ito ang araw na lulunukin nila ang kanilang mga laway at tatanggaping si Cristo ang tunay na Panginoon, hindi ang kanilang mga sarili, hindi relihiyon. Muli pumili kayong manampalataya ngayon at tawagin Siyang Panginoon o pag huli na ang lahat ang pahayag na si Cristo ang Panginoon ang huling sinambit ng bibig bago itapon sa impiyerno. 

 "Sa ikaluluwalhati ng Dios Ama." Ang paghayag na si Cristo ay Panginoon ay nagdadala ng kaluwalhatian sa Ama, ngayon at kailan man lalong lalo na sa panahong si Cristo ay maghahari na. Kung gusto nating luwalhatiin ang Ama, itaas natin si Cristo bilang Panginoon. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama