Sino ang magpapatuloy ng gawain?


 

Ecclesiastes 2:18 At ipinagtanim ko ang lahat kong gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw: yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.

19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang mangmang? gayon ma'y magpupuno siya sa lahat ng aking gawa, na aking ginawa, at sa aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.


Isa sa nakalulungkot na bagay ay ang katotohanang anumang ating pagsikapan sa mundong ito ay ating iiwan pag dating ng panahon. Higit itong nakalulungkot, at nakamumuhi pa nga, sa mga taong walang konsepto ng eternidad o namumuhay lamang sa "ilalim ng araw." Para sa kanila, walang kabuluhan ang magpagal dahil ito ay iiwan mo rin sa susunod saiyo at sinong nakaaalam kung ang papalit ay pagyayamanin ito o kung itp ay wawaldasin. Sa termino ni Solomon, kung siya ba ay isang pantas o isang mangmang. 


Marahil iniisip ni Solomon ang anak na si Rehoboam nang sinusulat niya ang mga sitas na ito. Ang kasaysayan ay sumasaksi na si Rehoboam ay isang mangmang. Nang dahil sa kabiguang tugunan nang may karunungan ang dinudulog ng kaniyang nasasakupan, naiwala niya sa isang saglit ang pinagpagalan ng kaniyang ama, ng kaniyang Lolo David at maging nang unang haring si Saul. Dahil dito napaiisip ako. Bilang mga manggagawa ng Panginoon, naisipan ba nating sanayin ang mga susunod sa atin, inihahanda ba natin silang maging mga pantas at hindi mangmang upang masigurong ang ating pinagpagalan ay hindi matatapon sa wala?


Ang buhay ng tao ay napakaikli upang maubos gawin ang lahat ng kalooban ng Diyos. Dahil dito, bahagi ng karunungan ang paghahanda sa susunod na henerasyon upang ipagpatuloy ang gawain. Gaano man katagumpay ang ating personal na gawain, ito ay kapiranggot ng kabuuang kalooban ng Diyos. At gaano man ito katagumpay, ito ay iiwan natin sa iba upang sila ang magpatuloy. Kung ganuon, handa ba ang susunod na ipagpatuloy ito? 


Ang ministri ay tila isang takbuhang relay. Tinatakbo natin ang unang lap; di kalaunan ay ipapasa natin ang baton sa susunod na mananakbo? Paano kung walang susunod na mananakbo? O kung mayroon man ay hindi sapat ang kasanayan? Mapuputol ba sa atin ang relay ng ministri?


Ito ang dahilan kung bakit si Pablo ay nagbilin kay Timoteo sa 2 Tim 2:2 na humanap ng mga taong mapagkakatiwalaang maaaring magturo sa iba ng mga aral na natutunan ni Timoteo mula kay Pablo. Ang halimbawang iniwan ni Pablo ay ang aktibong pagpasa ng mga aral sa mga magpapasa naman nito sa iba. Hindi bahagi ng MO ni Pablo na solohin ang lahat ng ministri dahil ito ay magreresulta sa katenggahan ng gawain ng Diyos. Sa sandaling ang ministro ay mawala, putol ang gawain. Sa halip si Pablo, matapos magturo at makatatag ng isang katipunan ay inoorganisa ang mga ito sa kamay ng mga kapableng mga lalaki, Tito 1:5. Lalo at madalas na si Pablo ay inuusig at kailangang tumakas; walang kasiguruhan ang kaniyang pisikal na buhay, kaya sinisikap niyang may papalit sa sandaling may mangyari sa kaniya. 


Dahil dito, bahagi ng ministri ng simbahan na pag-alabin ang kaloob ng mga kapatid, 2 Tim 1:6; 1 Tim 4:14. Kailangan nating gumawa ng programa kung saan sinasanay natin ang mga kapatid sa gawain ng paglilingkod. Ef 4:11-13. Hindi sapat na ang mga kapatid ay pasibong nakaupo at nakikinig nang hindi gumagawa ng kanilang napakinggan. Iyan ay ikamamatay ng simbahan. 


Paano natin malalaman kung ang papalit sa atin ay pantas o mangmang? Ang kasagutan marahil ay nakasalalay sa kung ilang oras ang ating ginugugol upang ihanda sila. Kung hindi natin bibigyang oras ang susunod na henerasyon, mapuputol ang legasiya sa atin at matatanggal ang ating lampara sa kaniyang kinalalagyan.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay