Sekular vs Espirituwal

 


Isa sa mahirap na aspeto ng buhay Cristiano ang pagbabalanse ng, sa kawalan ng mas maiging mga termino, "espirituwal" na buhay at "sekular" na buhay. Lahat tayo ay nakaranas na maipit sa onligasyon sa simbahan at obligasyon sa trabaho o sa ibang tao. Naipit tayo sa pagitan ng paniniwalang panrelihiyon at ng polisiyang sosyal. Ang paglakad sa pagitan ng dalawang "buhay" na ito ay nangangailangan ng karunungan. 


Mayroong sa kagustuhang masolusyunan ang tensiyon sa pagitan ng dalawang buhay na ito ay tinumbas ang espirituwal na buhay sa buhay simbahan. Sa madaling salita, anumang gawain na aagaw ng oras sa pagsisimba ay isang gawaing makasalanan at dapat itakwil. Ang sinumang hindi masumpungan sa simbahan pag Linggo (o anumang araw ng pagsamba) ay makalaman at makasanlibutan. Ang ganitong pananaw ay napakadaling mahulog sa legalismo ng pagganap ng katungkulan. Kapag hindi mo nasunod ang katungkulang panrelihiyon na ito, ikaw ay bigong isabuhay ang Cristianong pamumuhay. Bagama't sang-ayon akong ito ay may merito, na dapat masumpungan ang mga Cristiano sa bahay-sambahan hanggang maaari, sa tingin ko hindi nito nahuhuli ang solusyon sa pagbabalanse ng espirituwal at sekular na buhay. Hindi nito maipaliliwanag halimbawa kung paano si David nakalakad kasama ng Diyos sa mga panahong siya ay hindi nakapupunta sa templo dahil sa pagtatago kay Saul o ng mga Israelita nang panahon ng pagkatapon. 


Ang iba naman ay pumupunta sa kabilang dako- kapag nagkabanggan ang espirituwal at sekular na obligasyon, ang espirituwal ang bibigay. Napababayaan ang pagtitipon, ang pag-aaral ng Biblia, ang pagsisimba sa ngalan ng trabaho, pamilya o karera. Ang iba ay nagsasabing naisin man nilang magsimba ay hindi magawa dahil sa kaabalahan sa buhay. Sa tingin ko, sasang-ayon kayo na ito ay hindi larawan ng Cristianong pamumuhay. Nang maligtas ang isang Cristiano, siya ay inilagay sa isang katawan dahil dito siya lalago sa kabanalan. Ang paglimot na makipagtipon ay isang pagtakwil sa disenyong ito ng Diyos. 


Sa tingin ko ang kabiguan ng unang dalawang posisyun ay ang pagtutumbas ng espirituwal na buhay sa buhay-simbahan. Dahil sa mga pananaw na ito, naisabubuhay lamang ang Cristianong pamumuhay (espirituwal) kapag nasa simbahan, madali na akalaing Linggo (o anuman araw ng pagsamba) ang araw espirituwal at ang natitirang mga araw ay sekular. Magtrabaho pag Lunes hanggang Sabado ngunit ang Linggo ay para sa gawaing espirituwal. Kapag may trabaho sa Linggo, ang unang grupo ay uunahin ang pagsimba, ang ikalawang grupo ay uunahin ang trabaho. At base sa pagganap na ito, nahahatulang banal o hindi ang isang Cristiano.


Sa tingin ko, ang mas malusog na pananaw ay ituring ang lahat ng araw bilang araw ng pagsamba at ang pagbura sa sekular o espirituwal na buhay. Ang kompartamentalisasyon ng ating buhay sa sekular o espirituwal ay nagreresulta sa legalismo at lisensiya, sa kaisipang mas banal ka sa iba dahil sa kung paano mo ginagamit ang Linggo. Sa pananaw na ito, obligasyon ng isang Cristianong isabuhay ang espirituwal na buhay sa lahat ng araw. Minsan ang espirituwal na buhay ay dadalhin ka sa sekular na lugar- trabaho, pamilya, libangan atbp. At minsan dadalhin ka ng espirituwal na buhay sa mga espirituwal na gawain- magsimba, mag-aral ng Biblia, mamigay ng mga tracts, o magbahagi ng evangelio. Ngunit dahil sa lahat ng mga araw na ito ay bahagi ng iisang espirituwal na buhay, at hindi hiwalay na kompartamento, ikaw ang magiging pinakamahusay na manggawa, palabasa ng Biblia, ama, guro o anumang gawain ang nakatalaan sa araw na iyan. At kung nagkataong pumatak ang trabaho sa araw ng Linggo, ang konsensiya ang magdedetermina kung ang trabahong ito ay maaaring ipagpabukas o kung maaari ay gawin matapos ng oras ng pagsamba, o kung talagang dapat gawin kung wala nang ibang araw. Nakasalalay dito ang reputasyon ng Cristiano bilang kinatawan ni Cristo sa lugar ng trabaho. Halimbawa, sa tingin ko hindi mapangngatuwiranan ng isang Cristianong doktor na huwag gamutin ang pasyente kapag Linggo. Hindi makaluluwalhati sa Diyos na lumiban sa ospital kapag Linggo para sumamba kung buhay ng tao ang nakasalalay. Hindi rin tamang lumiban ang isang sundalo o pulis para sumamba kung siya ay naka-duty pag Linggo. O iwanan ng isang gurong naka on-time ang kaniyang estasyon para sumamba. 


Ito ay nangangailangan ng karunungan at maagang paghahanda. Kung ang isang Cristiano ay malikhain, maaari siyang makipagpalit ng oras, o maghanap ng ibang paraan upang makapag-aral ng Biblia sa mga panahong hindi siya pisikal na makapupunta sa simbahan. Ito ang kagandahan ng modernong panahon kung saan maraming ministri ang may online o mp3/mp4 lessons na pwedeng idownload. Mayroon din online streaming at mga Youtube channels. Kailangan lamang maging maingat na hindi ito maging dyastipikasyon para iwanan harapang pag-aaral para sa birtuwal na pag-aaral. Wala pa ring tatalo sa personal na pakikipagtipon.


Alam kong hindi masaya ang lahat sa aking solusyon. Ano ang inyong opinyon?

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay