Panlulupaypay

 


Kawikaan 24:10 Kung ikaw ay manglupaypay sa kaarawan ng kasakunaan, ang iyong kalakasan ay munti.


Isaias 53:1 Sinong naniwala sa aming balita? at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?


Hindi maiwasan sa paglilingkod sa Panginoon ang makaranas ng panlulupaypay. Maging si Isaias ay napatanong (at tinanong din ito ni Pablo sa kaniyang sarili) kung sino ang naniwala sa kanilang balita. Hindi madali ang maging tapat sa isang gawaing walang nagpapahalaga, walang nagpapasalamat at walang nagbibigay ng lakas ng loob. Sabi nga nila ay, "a thankless job." Ginawa mo ang lahat, dahil ang pag-ibig ni Cristo ang pumipilit sa atin, ngunit nang matapos ang lahat ay wala kang natamong pasalamat o kahit ng magalang na pagkilala. Manghihina ang iyong loob at iisipin mo, dapat ba akong magpatuloy? Bakit ko ipipilit ang aking sarili sa mga taong hindi pinahahalagahan ang aking ambag? Ni wala man lang nakaalala, Ecc 9:15.


Ngunit ito ang daang lalakaran ng mga lingkod ni Cristo. Si Jesus mismo ang ating halimbawa. Sa libo-libong pinaglingkuran, pinakain, pinagaling ni Jesus, iilan lamang ang nasa paanan ng Kaniyang krus. Sa oras ng pangangailangan, kahit ang mga pinakamalapit Niyang alagad ay iniwan Siya. Siya ang ating halimbawa na dapat tularan, 1 Ped 2:21. Nagi Siyang masunurin, ayon sa Fil 2:8-11 sa kalooban ng Diyos at ang Kaniyang katapatan ay tinumbasan ng Diyos ng Pangalang higit sa lahat ng pangalan. Tayo man ay kailangang makuntento na malimutan, hindi maalala, hindi makilala, sapagkat ang Diyos ang nangako na wala tayong ginawa na hindi Niya nakikita at hindi gagantimpalaan sa tamang oras. Hindi man natin dama ang kapakinanangan ng ating pagpapagal sa ngayon, sa hinaharap ito ay gumagawa para sa atin ng mga gantimpalang ating matatamasa nang habang panahon. 


Ang ating trabaho sa ngayon ay ang huwag manangan sa ating munting kalakasan ngunit manangan aa Kaniyang kalakasan. Ang Kasulatan ay nangangako na ang kapangyarihan ng Diyos ay para sa lahat ng nagsisisampalataya, Ef 1:19-21. Ang kailangan lang natin ay angkinin ito sa pananampalataya at maging matiisin hanggang sa pagdating ng panahong ang mga hamak na lingkod ngayon ay mahahayag bilang mga anak na lalaki ng Diyos na magpapalaya sa buong kalalalangan mula sa sumpa, Roma 8.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay