Pamumuhay na Karapatdapat sa Evangelio ni Cristo
Filipos 1:27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu, na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio;28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios;
Matapos niyang ihayag ang kaniyang personal na motto at pilosopiya ng ministri, nagpatuloy siya sa ekshortasyon sa mga taga-Filipos.
"Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo." Ang tao ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang, hiwalay sa mga gawa. Ang kaligtasang ito ay nagdadala ng pagbabago bilang "isang bagong nilalang" (2 Cor 5:17) sa kaniyang kalagayan sa harap ng Diyos. Dati, siya ay na kay Adan, makasalanan; sa sandali ng pananampalataya, siya ay na kay Cristo, banal at matuwid. Ang bagong posisyung ito ay may kaakibat na pamumuhay na "karapatdapat sa evangelio ni Cristo." Posible sa isang Cristianong mamuhay na gaya ng sanlibutan, walang pagkakaiba sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang karnal na mananampalataya ay hindi makapapamuhay ng buhay na nakaluluwalhati sa Diyos at hindi siya magiging ilawan sa harapan ng kaniyang kapwa. Walang hindi mananampalatayang maniniwalang siya ay Cristiano kung ang kaniyang pamumuhay ay taliwas sa evangelio ni Cristo.
"Upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo." Sa unahan, hinayag niya ang kumpiyansang siya ay maliligtas m, samakatuwid ay lalaya. Dito, sinasabi niya sa nga taga-Filipos na magkatotoo man ito ("maging ako ay dumating at kayo'y makita") o hindi ("wala man sa harap ninyo"- nakakulong o baka mabitay pa), nais niyang mabalitaang namumuhay ang mga taga-Filipos nang pamumuhay na karapatdapat sa evangelio ni Cristo.
"Ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu." Nais niyang marinig na ang mga taga-Filipos ay namumuhay nang ayon sa evangelio, na may dagdag diin sa pagiging matibay sa iisang espiritu. Kalaunan sa Filipos 2:1-4, uulitin niya ang panawagan sa pagkakaisa. Sa Filipos 4:2-3 makikita natin kung bakit.
"Na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio." Ang pagiging matibay sa isang espiritu ay ang pagkakaisa ng kaluluwa na masikap sa pananampalataya sa evangelio. Naligtas sila sa evangelio, mamuhay sila nang ayon sa evangelio. At gawin nila ito nang may pagsisikap, samakatuwid ay intensiyonal. Hindi basta-basta lamang.
"At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway." Dahil may mga kaaway ang evangelio sa loob at labas ng simbahan (mga kapatid na nangangaral upang pighatiin si Pablo sa kabanata isa at mga Judaiser sa kabanata tatlo), sinabihan ni Pablo ang mga taga-Filipos na huwag matakot sa mga kaaway. Gaya ni Moises at ng mga Israelita, dapat nilang ituring na "ang pakikipagbaka ay sa Panginoon." Ang tungkulin nila ay huwag matakot sa mga kaaway kundi pamumuhay na karapatdapat sa evangelio ni Cristo.
"Na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios." Ang paglaban ng mga taong ito sa mananampalataya ay malinaw na tanda ng kapahamakan: walang hanggang kapahamakan sa mga hindi mananampalatayang kaaway ng krus ni Cristo at temporal na kapahamakan sa mga karnal at rebersiyonistang Cristiano. Ito naman ay tanda ng "inyong pagkaligtas." Ang kaligtasang ito ay ang kaligtasan mula sa mga kaaway, hindi kaligtasan mula sa impiyerno. Ang paglaban ng mga kaaway ng evangelio sa atin ay tanda na ang Diyos ay kakampi sa atin laban sa mga kaaway. Ililigtas tayo ng Diyos mula sa kanilang masamang panukala. Ang kaligtasang ito ay "mula sa Diyos", hindi sa atin. Maaari tayong magrelaks at hayaan ang Diyos na makibaka para sa atin.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment