Pagsunod sa Pamantayan ng Diyos sa Seksuwalidad



Genesis 2:24 Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.25 At sila'y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila'y hindi nagkakahiyaan.

Sa pagtatapos ng buwan, ipinakita natin ang maling pananaw ng sanlibutan sa seksuwalidad. Ipinakita natin kung bakit hindi natin dapat iselebra ang Pride Month. At ngayon babalikan natin kung ano ang pamantayan ng Diyos sa relasyong lalaki at babae. Hangga't nanghahawak tayo sa pamantayan ng Diyos, hindi tayo mamamali, at hindi tayo magiging batang tinatangay ng anumang alon ng kamalian at huwad na aral. 


1. Ang Diyos ang nagtatag ng institusyon ng pag-aasawa, ang pinakabasikong institusyong panlipunan. Dahil dito ang Diyos din ang magdidikta kung ano ang gagabay sa matagumpay na relasyon. Hindi tao, hindi ang lipunan at hindi ang teolohiya ng konsenso. 

2. Dinala ng Diyos ang babae sa lalaki. Ang Diyos din ang magbibigay ng babaeng nararapat para sa atin. Sa halip na magmadali at matarantang mapag-iwanan ng panahon, ang tungkulin natin ay manatili sa anumang misyong ibinigay ng Diyos (sa kaso ni Adan, pangalagaan ang Hardin ng Eden). 

3. Ang relasyon ay isang lalaki at isang babae. Hindi lalaki at lalaki o babae at babae. 

4. Ang babae ay ibinigay upang maging kakumpletuhan ng lalaki, dahil hindi magandang nag-iisa ang lalaki. Hindi siya ibinigay upang gawing apakan ng paa o panlinis ng kalat. Siya ay ibinigay upang maging katuwang, parehong salita na ginamit sa Diyos bilang katuwang ng Israel. 

5. Ang relasyon ay maintimasya na hindi dapat panghimasukan ng mga magulang. Kaya iiwan ng lalaki ang kaniyang magulang upang makiisa sa kaniyang asawa. Siya ang tatayong awtoridad sa buhay ng kaniyang asawa at mangyayari lang ito kung hindi siya pakikialaman ng mga magulang o hindi siya Mama's boy (malaki na umaasa pa rin sa magulang). 

6. Ang relasyon ay panghabambuhay. Walang probisyon sa diborsiyo. Kalaunan dahil sa katigasan ng puso, pahihintulutan ng Panginoon ang diborsiyo sa Kautusan ni Moises. Pero hindi ito ang orihinal na plano ng Diyos. 

7. Sa orihinal na plano, isang lalaki at isang babae o monogamy. Hindi bahagi ng plano ng Diyos ang polygamy o kahit serial monogamy. Pumasok ang serial monogamy dahil sa kasalanan. Ang asawa ay mamamatay ay maaaring palitan ng bagong asawa (isa lang). O maaaring magdiborsiyo sila at kung biblikal ang dahilan (makapag-aasawa ulit siya). Pero walang indikasyon sa Genesis 2 na bahagi ito ng plano ng Diyos. Ito ay mga pangyayaring lumitaw dahil sa pagkahulog ng tao sa Genesis 3. 

8. Walang pag-aasawa sa langit. Nilagay sila sa lupa dahil ang pag-aasawa ay sa lupa. Sa langit, magagaya sila sa mga anghel na hindi nag-aasawa. Si Jesus mismo ang nagsabi niyan. 

9. Ang relasyong ito ay lumalarawan sa relasyon ni Cristo at ng Iglesia, ayon mismo kay Pablo. Sa relasyong babae at lalaking tinali sa matrimonio, masasalamin ang pag-ibig at pagpapasakop sa pagitan ni Cristo at ng Iglesia. 

10. Kung tatandaan natin ang mga prinsipyong ito, maiiwasan natin ang mga distorsiyon sa relasyon ng lalaki at babae kagaya ng homoseksuwalidad, pagsasama nang hindi kasal, pagsasama nang higit sa isang asawa (poligamiya), panghihimasok ng mga kamag-anak sa relasyong mag-asawa, publikong relasyon (swinging, swapping, atbp), at kung anupamang inobasyon ng sanlibutan. Anumang relasyong ating nakikitang pinakikita ng sanlibutan, lagi natin itong ikumpara sa orihinal na pag-aasawahan ni Adan at Eva. 



(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama