Pagsubok

 


Ang mga pagsubok ay bahagi ng buhay na nanagngailangan ng malikhaing pagharap. Para sa isang Cristiano ang Salita ng Diyos ang nagbibigay sa kaniya ng lakas at kasangkapan upang mapagtagumpayan ang anumang hamon ng buhay. Bilang mga mananampalataya, nasa atin ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ng Diyos, Efeso 1:19-20. Samakatuwid walang dahilan ang isang Cristiano na hindi mapagtagumpayan ang mga pagsubok na dumating sa kaniyang buhay.


Ngunit kung minsan tayo ay nalulula ng laki ng mga problema. Hindi natin lubos-maisip kung paano haharapin ang napakalaking problema. Inuubos nito ang ating lakas at nilalayo ang ating mata sa ating Panginoon. Ngunit sa katotohanan, ang mga pagsubok na ating hinaharap ang tamang pagkakataon upang subukan ang ating Diyos na nangakong hindi tayo iiwan o pababayaan. Ang katotohanang ito ang nagbibigay sa atin ng lakas, sapagkat gaano man kalaki ang ating problema, mas malaki at dakila ang ating Diyos. Ang pagsuko sa harap ng problema ay isang pagpapahayag na maliit ang ating Diyos dahil mas malaki ang ating problema. 


Nilagay ng Diyos ang Cristiano sa katawan ni Cristo sa layong ang bawat sangkap ay magpalakasan ng loob ng bawat isa. Kung ikaw na mambabasa ay humaharap sa isang malaking pagsubok, sana makatulong itong aking sanaysay upang mapalakas ang iyong loob. Nasa ating mga mananampalataya ang kapangyarihang ginamit ng Diyos upang ibangon si Cristo sa mga patay, nangako Siyang hindi tayo iiwan o pababayaan at Siya ay higit na dakila sa anumang darating sa ating buhay.


Kailangan nating harapin ang pagsubok nang may pagtitiis sapagkat ito ay magreresulta sa kaligtasan ng ating buhay, hindi ang pagtungo sa Langit na matatamo lamang at natamo na natin sa pananampalataya kay Cristo, kundi ng katubusan ng ating mga buhay mula sa depresyon at pighati na dala ng buhay. Ito ay magpapalakas ng ating pananampalataya, (Roma 5; San 1) at isang pagkakataon upang gamitin ang mga Salita ng Diyos na ating pinag-aaralan. Sa eskwelahan ng buhay, ang mga pagsubok ay ang mga pagsusulit na magbibigay-tibay, bigay-diin at magpapalalim sa mga doktrinang ating natutunan. 


Ngunit paano kung napakalaki ng problema? Naalala ko ang turo ng aming guro sa pisika kapag kami ay nahaharap sa isang mahirap at masalimuot na tanong. Ang sabi ng aming guro, "Paano kainin ang isang elepante? Pira-pirasuhin at unti-untiin." Higit na masalimuot at mahirap ang problema ng buhay kaysa sa mga tanong sa pisika, ngunit ang prinsipyo ay pareho: malulula tayo kapag hindi natin pinira-piraso at unti-untiin ang problema ng buhay. Ang mga maliliit na bagay na pwede nating gawin upang mabawasan ang laki ng problema ay malaking tulong sa ikareresolba ng mga problema. Lumapit sa maka-Diyos na malalapit na kaibigan, sumangguni sa mga lalaki ng Diyos at ilusonh ang sarili sa komunidad ng pananampalataya. Ang nag-iisang tupa ay madaling masila ng isang leon. 


Higit sa lahat manghawak sa Diyos. Ang Kaniyang awa at biyaya ay laging sariwa kapag umaga. Tanging Siya ang may kakayahang gawing awit ang mga abo ng ating buhay. Sa paghawak sa Kaniyang kamay ay ating tatandaan: ikaw at Siya ay mayoridad laban sa sanlibutang ito.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay