Paano panatilihing malusog ang pananampalataya

 


Filipos 1:21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

Paano Natin Mapapanatiling Malusog ang Ating Pananampalataya?

Mahalaga ang magkaroon ng matibay na pundasyon ang ating mga paniniwala sa pamamagitan ng regular na pagbabasa at pag-aaral ng Biblia. 

1. Magtiwala sa Diyos at hindi sa sarili nating lakas, Kaw 3:5-6. Hindi natin laging nauunawaan ang nangyayari sa ating mga buhay, at kung tayo ay magtitiwala sa ating sariling lakas at pag-unawa, madali tayong manlulupaypay at panghihinaan ng loob na magpatuloy. Dapat nating ipagkatiwala sa Diyos ang ating buhay at maniwalang alam Niya ang Kaniyang ginagawa kahit hindi natin nauunawaan.

2. Ang pananampalataya ay hindi nakabase sa ating nauunawaan o nakikita kundi kumpiyansa at katiyakan sa pangako ng Diyos, Heb 11:1. Kahit ang mga sirkumstansiya ay nagsasabing lahat ay mahirap, kailangan nating panghawakan ang mga pangako ng Diyos na mas totoo kaysa ating sirkumstansiya. Ang sirkumstansiya ay nagbabago ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi. 

3. Ang pananampalataya ay dumarating sa pakikinig ng Salita ng Diyos, Roma 10:17. Hindi lumalaki ang pananampalataya sa pamamagitan ng sariling lakas. Dumarating ito sa pamamagitan ng pakikinig at paglalapat ng Salita sa ating pang-araw-araw na buhay. Kapag tayo ay nakinig sa Salita ng Diyos at ito ay tinanggap nating totoo, mas lumalakas ang ating pananampalataya. 

Mahalagang palibutan natin ang ating mga sarili ng mga taong aalalay at magpapalakas ng iyong loob sa iyong lakad-pananamplataya. Kailangan mo ng mga taong magtuturo sa iyo ng responsibilidad at akowntabilidad. Ganuon din naman, ikaw ay dapat maging positibong impluwensiya sa ibang mananampalataya. Sino ang nakakaalam na baka ikaw ang magpapatibay ng pananampalataya ng iba?

Ano ang ilang praktikal na hakbang upang ikaw ay maging positibong impluwensiya sa iba? Paano mo ibabahagi ang iyong pananampalataya?

1. Isapamuhay ang iyong pananampalataya, Mat 5:16. Ikaw ang ilawan na magtuturo sa Ama. Kung hindi makita ng mga tao ang Diyos sa iyong buhay, walang dahilan upang isiping hahanapin nila ang Diyos sa pamamagitan mo. 

2. Ibahagi ang iyong personal na testimonyo, 1 Ped 3:15. Ang pinakamainam na testimonyo ay ang testimonyong nakikita. Hayaan silang kusang magtanong ng pag-asang nasa iyo. 

3. Imbitahan ang iba sa pagtitipon, Heb 10:24-25. Ang pagtitipon bilang isang katawan ay isang malaking motibasyon upang lumago ang pananampalataya. May lakas sa bilang at ang pagiging bahagi ng isang komunidad na nagpapalakas ng loob ng bawat miyembro ay isang pagpapala. 

4. Ibahagi ang evangelio, Roma 10:14. Paank mauunawaan at sasampalatayahan si Cristo kung walang nagbabahagi sa Kaniya? Maaaring ikaw ang boses na magdadala sa tao sa kaligtasan. 

5. Suportahan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng panalangin at abuloy, Fil 1:5-6; 4:14-19. Sa ganitong paraan natutupad mo ang Mat 28:19-20. Sa panalangin at pag-aabuloy, nakikibahagi ka sa kanilang ministri. Ang kanilang ministri ay iyong ministri. 

Ang paglago ng pananampalataya ay hindi nangyayari sa isang gabi. Mahabang oras na ginugol sa pag-aaral at paglalapat ng Salita ng Diyos ang susi sa paglago hanggang dumating tayo sa puntong, "mabuhay, si Cristo; mamatay, kapakinabangan."


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama