Matutong Mag-aral Para sa Iyong Sarili

 


Nang ako ay bata pa't nagsisimula bilang guro, binibigyan ko ng diin ang laman ng isang paksa. Kung minsan, sa kagustuhan ng aking mga estudyante na makakuha ng mataas na marka, nagreresulta ito sa pagsasaulo nang walang pag-unawa. Nahuhulog ito sa rote memorization. Maraming mga piraso ng kaalaman na nasasaulo ngunit walang pangkalahatang pagkaunawa ng mga ito. Nagreresulta ito sa hiwahiwalay na impormasyong hirap maproseso at magamit sa tunay na buhay. Gayon din, hinihikayat nito ang dependensiya sa guro bilang nag-iisang autoritatibong pinagkukunan ng kaalaman. Wala ang independyenteng pagsisikap na magsiyasat o gumawa ng orihinal na pagsisiyasat. Nauuwi ang lahat sa pag-ulit na tila loro ng mga narinig na impormasyong hindi alam kung saan at paano nakuha. 


Natanto ko na ganito rin ang nangyayari sa ating mga iglesia. Hindi sa pagwawalang-bahala ng laman ng isang paksa ngunit kung minsan ang ating metodo ng pag-aaral ay nagiging dahilan upang ang mga tagapakinig ay nagiging pasibong taguan ng mga impormasyon. Ang mga miyembro ng simbahan ay inaasahang makabisa ang mga tinuturo sa pulpito kahit hindi nila alam kung saan o paano nakuha ang aral. Nagreresulta ito aa rote memorization. Dahil sa ang mga impormasyon ay tinuturo bilang hiwahiwalay na piraso ng impormasyon, sa halip na ipresenta bilang bahagi ng isang mas malaking balangkas ng pagkaunawa, madalas hindi nagagamit ang impormasyon sa tunay na buhay. Dahil ang mga nasa upuan ay hindi tinuturuan kung paano magkaroon ng independyenteng pagsisiyasat, asa sila sa isang awtoritatibong guro. Sa sandaling wala o patay na ang guro, natitigil na ang pagkatuto, maliban sa paulit-ulit na pagmimina ng dati na niyang naituro. Wala ang orihinal na pag-aaral o ang pagnanais na ipagpatuloy at palaguin pa ang naituro ng guro. Nauuwi ito sa pag-uulit lamang ng mga impormasyong narinig nang hindi alam kung saan o paano nakuha ang impormasyong ito. 


Dapat nating baguhin at paangatin ang ating mga pulpito. Nang hindi nababawasan ang diin sa pagkaalam sa mga basiko at mahahalagang doktrina ng ating pananampalataya, kailangan ding turuan ang ating mga miyembro ng metodo ng pag-aaral para sa kaniyang sarili. Sa ganitong paraan, matsetsek nila para sa kanilang mga sarili kung tama o mali ang tinuturo sa pulpito, gaya ng mga maginoo ng Berea. Kailangan nilang matutong magtanong, mag-imbestiga ng mga palagay (assumptions) at ng mga implikasyon ng isang aral. Sa ganitong paraan makatatayo sila sa pundasyon ng tinuro ng guro. Ang sining ng malikhain at masusing pagtatanong ay dapat mabuo sa mga estudyante ng Kasulatan. Kung ito ay nabibigyang diin sa ating mga sekular na paaralan, dapat din itong mabigyang diin sa ating mga pag-aaral ng Biblia. Higit kailan pa man, dapat nating maitanim sa ating tagapakinig na ang mahalaga ay ang mensahe (at kung paano ito nakuha) at hindi ang mensahero. 


Bilang tagapagtaguyod ng literal, historikal at gramtikal na metodo ng hermeneutiko, dapat nating turuan ang ating mga estudyante na mag-obserba, magtanong at magsiyasat ng mga historikal, linggwistikal at gramatikal na konteksto bago mag-interpreta at higit sa lahat bago maglapat. Sa ganitong paraan maiiwasan natin ang prooftexting at eisegesis upang patindigan ang ating mga paboritong doktrina. Maaaring hindi tayo makararating sa parehong konklusyon, ngunit mas magiging matatag ang basehan ng ating mga aral. Mas may pundasyon ito kaysa umasa nang walang pagsusuri sa mga aral na ginawa ng iba. Sa kapakumbabaan, kailangan nating konsultahin, alamin at gamitin ang mga pag-aaral ng iba, ngunit hindi ito ang dapat magdikta sa ating personal na konklusyon. Okay lang ang humiwalay sa konklusyon ng ating mga paboritong guro. Hindi okay na magpaalipin tayo sa kanilang mga konklusyon. Kung maaari, kokonsultahin natin sila pag buo na ang ating leksiyon para makita kung saan tayo nagkapareho at nagkaiba at kung may paraan pa bang mas mapainam ang ating mga konklusyon.


Ngunit bakit hindi ito nabibigyang diin sa ating mga iglesia. Bahagi nito ay dahil sa tradisyon. Nasanay tayo sa pormat kung saan ang lahat ng doktrina ay nanggagaling sa isang propesyonal na klerigo. Ikalawa ay ang kawalan ng personal na kaalaman sa metodikal na pag-aaral. Hindi natin maituturo ang hindi natin nalalaman. Ikatlo ay ang katakutang kapag ang iba ay natuto, mababawasan ang ating personal na kapangyarihan o impluwensiya. Kaya ang tendensiya natin ay kontrolin ang pulpito at huwag ibahagi ang pribilehiyo ng pagtuturo sa ibang lalaki sa asembleya. Nakikita ko ang karunungan nito pagdating sa mga pundamental na doktrina (sapagkat sino ang nais na bigyan ng pulpito ang mga eresiya?) ngunit ang punto ng pagsasanay sa iba ay ang ipagkatiwala ito sa mga taong alam nating hindi nanghahawak sa mga maling aral. Ipagkakatiwala natin ang pulpito sa mga taong maaari nating mamentor at madebelop bilang epektibong guro ng Biblia, 2 Tim 2:2. Sa ganitong paraan, makakadebelop tayo ng mga guro para sa susunod na henerasyon. 


Ang susi sa epektibong gawain ay ang pagbabahagi ng gawain upang ang lahat ay makatulong. Ang pagsosolo ng lahat ng ministri ay resipe para sa burnout at depresyon. Ituro natin ang mga doktrina. Ngunit turuan din natin ang ating mga miyembro kung paano mag-aral, bumuo at magturo ng mga nasabing doktrina.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay