Matatag na Pamilya, Matatag na Simbahan
Awit 127:1 Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo...
Ang tatag ng isang iglesia ay nakasalalay sa tatag ng mga pamilya at indibidwal na bumubuo nito. Ito ay isang karaniwang kaalaman kaya nakalulungkot kung minsan kapag ang pamilya ay hindi nabibigyan ng halaga sa mga kongregasyong Cristiano.
Bilang isang institusyong ang Diyos mismo ang nagtatag, iisipin ng isa na dapat bigyang pagtuunan ang pagpapayaman ng pamilya. Iisipin mong bibigyang prayoridad ang malapit na pagtutulungan sa pagitan ng dibinong institusyon ng pamilya at ng isa pang dibinong institusyon- ang iglesia- sa paglago ng pamilya. Ngunit nakalulungkot ang tila pagwawalang bahala sa pamilya bilang katuwang ng iglesia sa pag-abot ng layon ng espirituwal na buhay: ang maabot ang maturidad at maging kalarawan ng Anak ng Diyos. Iisipin ng isa na yamang ang Diyos ay piniling ihayag ang Kaniyang sarili bilang pamilya (Ama at Anak), bibigyang pansin ang pamilya bilang isang institusyong higit na makarerepresenta sa Diyos sa sanlibutang ito. Yamang pinili ng Diyos na ihayag ang relasyon ng iglesia at ni Cristo bilang pamilya (si Cristo ang asawang lalaki at ang iglesia ang asawang babae at ang mga indibidwal na Cristiano bilang Kaniyang mga kapatid na hindi Niya kinahihiya sa katipunan), iisipin ng isa na pagtutuunan ng iglesia ang pagpapatatag ng pamilya.
Ngunit ang nakalulungkot na realidad ay may diskonek sa pagitan ng dalawang institusyon. Minsan ang sobrang pagtuon sa indibidwal ay nagreresulta sa pagpapabaya sa pamilya. May mga programa tayo para sa mga indibidwal na Cristiano ngunit wala para sa pamilya. Kailan ang huling pagkakataong may binuong programa para palakasin ang pamilya? Linggo-linggo ang mga indibidwal na Cristiano ay natuturuan ngunit nawawala ang programang espisipikadong nakatuon para sa pamilya. Ang ating mga sermon ay nakatuon kung paano maaabot ng isang indibidwal na Cristiano ang maturidad ng pananampalataya; nalilimot nating ituro ito sa konteksto ng pamilya. Paano matututo ang ating mga anak na isapamuhay ang aral ni Cristo kung hindi ito una maisasapamuhay sa pinakabasikong institusyong sosyal- ang pamilya.
Ang kasalanan ay hindi lamang dapat isisi sa pamunuan ng iglesia. Ito rin ay isang paalala sa mga punong pamilya. Bilang mga ama, tayo ang haligi at punong saserdote ng ating sambahayan. Oo naniniwala tayo sa unibersal na pagkasaserdote ng lahat ng mananampalataya at diretso silang makauugnay sa Diyos, ngunit bilang mga ama at sana ay pinakasakdal na miyembro ng pamilya, obligasyon natin na palakihin ang ating asawa at mga anak sa aral at pagsaway ng Panginoon. Tayo ang dapat na pumilit sa kanila naagsimba, mag-aral ng Biblia at lumahok, makibahagi at makiambag sa lahat ng pagtitipong Cristiano. Hindi natin ito dapat iasa sa mga klerigo dahil ang trabaho ng pagpapayaman at pagpapalago sa pamilya ay inatang ng Diyos sa mga magulang, lalong lao na sa mga ama. Hindi lamang tayo mga tagahanap ng salapi, tayo rin ang kanilang mentor sa pag-iinvest sa eternidad. Trabaho nating ibahagi ang mabuting balita ng buhay na walang hanggan sa lahat ng mananampalataya kay Cristo; nakalulungkot an ang mensahe na ito ay matutunan nila sa iba. Mas malaking kalungkutan kung sila ay lumaki at mamatay na hindi man lamang ito narinig.
Trabaho nating mga ama na turuan silang maging matapat at matiisin sa pagsamba at paglilkngkod sa Diyos. At ito ay higit na matututunan kung ito ay ating isapamumuhay at imomodelo sa kanilang harapan. Ang ating sambahayan ay laging nagmamasid sa ating mga gawa at ginagaya nila ang kanilang nakikita. Kung nakikita nilang hindi sa atin mahalaga ang iglesia, ito rin ang kanilang magiging saloobin, gaano man kalakas ang ating boses sa pagtuturo ng kahalagahan nito. Natututunan nila ang "hidden curriculum" o ang natatagong turo na hindi natin binabanggit ngunit sinasapamuhay. Nakikita nilang hiwalay ang ating salita sa ating gawa at iyan ang kanilang gagayahin. Nakikita nilang mas prayoridad natin ang sanlibutan kaysa sa iglesia at iyan ang kanilang gagayahin. Ilang magulang ang handang mangutang para lamang maigapang ang pag-aaral ng mga anak ngunit tikom ang nguso at kamay pagdating sa mga gawaing simbahan? Kahit Linggo ay nagtatrabaho tayo, nakikita nilang mas mahalaga ang trabaho kaysa pag-aaral ng Biblia pag Linggo. Nagpapraktis tayo sa eskwelahan at may baon pa, ngunit ni hindi natin sila maihatid sa praktis sa simbahan para sa choir o tracts distribution. Nakikita ninyo ba kung paano natin tinuturo sa mga bata na hindi mahalaga ang Diyos sa pamamagitan ng ating mga halimbawa?
Kung gusto nating palakasin ang ating mga iglesia, kailangan nating palakasin ang ating mga pamilya. Ito ay isang tambuli para sa mga ama ng pamilya at sa liderato ng iglesia. Huwag tayong magsisi sa huli. Ngayon palang ay kumilos na tayo dahil kapag ang ating mga anak ay napariwara sa sanlibutan, mahirap na silang hanapin.
#family @highlight @followers
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment