Mabuhay ang Bansang Pilipinas!
Ngayong araw ang ika-126 na taon ng kasarinlan ng Pilipinas. Iwan na natin sa mga iskolar ang debate kung talagang malaya nga ba ang Pilipinas sa panahong ito (sumunod na dumating ang mga Amerikano at Hapon, at ayon sa ilan, nananatiling alipin ang Pilipinas ng Kanluranin), walang dudang ito ang unang organisadong paghahayag ng determinasyong magsarili. At dahil dito patuloy ko itong kikilalaning araw ng kasarinlan.
Alam ng mga mag-aaral ang nangyari. Noong Hunyo 12, 1898, hinayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kasarinlan ng bansa, habang nilaladlad ang watawat na tinahi nila Marcela Agoncillo, ng kaniyang anak na si Lorenza at ng pamangkin ni Dr. Jose Rizal na si Delfina Herbosa de Natividad. Dito rin unang napakinggan ang Marcha Filipino Magdalo ni Julian Felipe, na naging Marcha Nacional Filipina. Noong 1899 ang tulang Patria Adorada ni Jose Palma ang naging liriko ng awit. Sumalin ito sa ilang pagbabago bago naging kasalukuyang Lupang Hinirang.
Hindi lahat ay nakakaalam at iilan din ang nakakaalala ng nakalipas. Nakalulungkot ito dahil higit kailan man, mas kailangan nating magkaroon ng isang pambansang diwa sa harap ng ating probemang domestiko at internasyonal. Ang sigalot laban sa Tsina ay maaaring maging hudyat na minsan pa, ang kasarinlan ay kailangang ipaglaban.
Ngunit ano ang obligasyon ng isang Cristianong Filipino sa kaniyang bansa at sa pamahalaang kumakatawan dito?
Ayon sa Biblia, ang mga Cristiano ay may obligasyon sa pamahalaan:
1. Magpasakop sa kinauukulan. Ang pamahalaan ay tinatag ng Diyos at dapat igalang ng mga Cristiano. Kabilang na dito ang pagsunod sa mga batas (na hindi direktang lumalabag sa Biblia) at pagsunod sa mga pinuno. Roma 13:1-2; 1 Ped 2:13-14.
2. Ipanalangin ang mga pinuno ng bayan. Kailangang ipanalangin ng mga Cristiano ang kanilang mga pinuno. Hindi ito pakiusap kundi isang utos mula mismo sa Biblia. 1 Tim 2:1-2. Ang dahilan ay upang makapamuhay tayo ng tahimik at payapang mga buhay sa kabanalan.
3. Paggawa ng mabuti. Sa Tito 3:1-2, ang mga Cristiano ay dapat maging modelong mamamayan, nagpapasakop sa kinauukulan, gumagawa nang mabuti at namumuhay nang payapa.
4. Magbayad nang buwis. Ang mga Cristiano ay dapat magbayad ng buwis at anupamang pinansiyal na obligasyon sa pamahalaan, Roma 13:6-7. Maging si Jesus ay nagbayad ng buwis, Mat 17:24-25.
5. Maging makatarungan lalo sa mga nangangailangan, Kaw 31:9; Is 1:17. Makikita sa Gawa 6 kung paano pinagsikapan ng unang simbahang gawin ito.
Bilang mamamayan ng langit, Fil 3:20, at ng bansang ating kinabibilangan, obligasyon nating mahalin pareho. Siyempre bilang Cristiano ang ating pangunahing katapatan ay sa Diyos. Kung saan walang salungatan sa pagitan ng Diyos at ng pamahalaan, obligasyon nating sundin ang pamahalaan bilang ekspresyon ng ating pagka-Cristiano. Pasalamat tayo na ang bansang Pilipinas ay malaya. Hindi tayo gaya ng ibang bansa kung saan krimen ang maging Cristiano o kaya naman kahit legal ay may mga pag-uusig. Alang alang na lang sa katotohanang ito, kailangan nating mahalin ang ating bayan at ipaglaban ang kalayaan nito.
Mabuhay ang bansang Pilipinas! Mabuhay ang malayang Cristianismo sa Pilipinas!
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
.jpeg)

Comments
Post a Comment