Dapat bang i-celebrate ng nga Cristiano ang Pride Month?
Wala akong tutol sa pag-celebrate ng mga pagdiriwang na wala sa Biblia- Mother's Day, Father's Day, Family Day, atbp- basta ang sineselebra ay mga pagpapahalagang nasa Biblia. Ngunit ang Pride Month ay isang selebrasyong walang Cristianong may malinis na konsensiya ang maaaring magdiwang.
Sa loob ng isang buwan araw-araw nating pinag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa LGBTQIA. Marami pang isyung pwedeng pag-usapan ngunit inuna ko ang mga isyung mas malamang na mahaharap ng mga Cristiano. Sa pagtatapos, sa blog na ito hayagan kong sasabihing ang Pride Month ay hindi nakaluluwalhati sa Diyos at bukas, hulinh araw ng Hunyo, tatalakayin ko ang pattern ng Diyos sa seksuwalidad.
Gaya nang pinakita ko sa nakaraang isang buwan ang homoseksuwalidad ay labag sa pamantayan ng Diyos na binigay sa unang dalawang kabanata ng Genesis at sinusugan ni Cristo sa evangelio. Ayon sa Roma 1, ito ay labag sa katutubong gamit ng kasarian at resulta ng hindi pag-iingat sa Diyos sa kaisipan at pagyakap sa kasinungalingan. Sa puntong ito, hinayaan ng Diyos ang mga bakla sa masamang pita ng kanilang laman at ang poot ng Diyos ay nahahayag laban sa kanila (laban din sa mga heteroseksuwal na lumalabag sa anumang pamantayan ng Diyos).
Ayon sa 1 Corinto 6, hindi ito permanente kung nanaisin ng taong magbago. Marami sa Corinto ang mga dating bakla at effiminate, ngunit sila ay binanal, hinugasan at inaring matuwid kay Cristo Jesus. Kung ang isang tao ay manampalataya sa Panginoong Jesucristo, siya ay patatawarin ng lahat niyang kasalanan (kasama na ang kabaklaan) at aariing matuwid (kasing tuwid ni Jesucristo). Hindi totoo ang sinasabi ng ilan sa komunidad na sila ay pinanganak na bakla (katumbas iyan ng pagsasabing nagkamali ang Diyos sa pagbuo ng ating katawan- Awit 139) at hindi rin totoong hindi ito mababago, dahil gaano man kalayo ang tao sa Diyos, isang hakbang lang ang pagbalik- manampalataya kay Jesus. Ang sinumang manampalataya kay Cristo ay isang bagong nilalang.
Tinalakay ko rin ang ilang isyung kinahaharap ng mga Cristiano gaya ng attempt ng alphabet community na baguhin ang Kasulatan at ang mga isyung patungkol sa tolerance, acceptance at validation. Tinalakay ko rin ang mga isyu patungkol sa self-identification, SSA at SSB, at ang katotohanang tinatarget ng alphabet community ang inyong mga anak. Huwag ninyong hayaang ang media at social media ang magdikta kung ano ang dapat matutunan ng inyong mga anak.
Sa liwanag ng mga ito, malinaw na hindi dapat suportahan ng mga Cristiano ang Pride Month. Ang sinumang sumusuporta rito ay nagbibigay ng aprubal at balidasyon sa maling mga paniniwala at pamumuhay. Sinabi ng Biblia na huwag ninyong hayaang ang inyong kabutihan ay masabihang masama. Iwasan natin ang anumang anyo ng kasamaan.
Ano ang mga praktikal na dapat gawin pag Pride Month? Maging magalang sa pakikitungo sa mga bakla. Hindi natin sila makukumbinse sa katamaan ng ating posisyun sa pagiging marahas sa kanila. Iwasang pumasok sa pakikidiskusyon sa kanila alang alang sa diskusyon. Kung may gustong makipagdiskusyon sa layong makipagpalit kuro o impormasyon, sige. Pampatalas iyan ng isipan at advertisement yan sa ating paniniwala. Pero ang diskusyong nauuwi sa name-calling o cancellation, tigilan ninyo na iyan. Wala iyang mapapala. Iwasang gumamit ng 🌈 sa mga social media dahil iyan ay in-appropriate na ng rainbow community maliban kung gusto ninyo itong tubusin sa pamamagitan ng pagbibigay ng tunay nitong kahulugan, ito ay tanda ng kahabaang pasensiya ng Diyos, na hindi na niya kailan man gugunawin ang mundo. Ibahagi ang evangelio dahil ito ang kapangyarihan upang ang tao ay maligtas at magkaroon ng malalim (hindi lang panlabas) na transpormasyon.
Hindi natin dapat kamuhian ang LGBTQIA. Biktima lang sila ni Satanas, ng sanlibutan at ng kanilang sariling laman. Ibahagi natin ang pag-ibig ng Diyos at tratuhin natin silang gaya ng wangis ng Diyos. Tandaan natin, namatay si Cristo nang tayo ay mga makasalanan pa.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment