Ang mabuhay, Cristo; ang mamatay, kapakinabangan



Filipos 1:21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.22 Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito'y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin.23 Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti:24 Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo.

Matapos ihayag ni Pablo ang kaniyang kahandaang paglingkuran si Cristo sa kaniyang katawan, sinabi ni Pablo ang marahil ay pinakasikat na sitas sa Filipos: "ang mabuhay, Cristo; ang mamatay, kapakinabangan." Para kay Pablo ang kaniyang buhay ("mabuhay" at "mamatay") ay masusumaryo kay Cristo. Kung siya ay makalaya at buhay na makalabas gaya ng kaniyang inaasahan, gagamitin niya ang kaniyang katawan at buhay sa paglilingkod kay Cristo. "Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito'y magiging mabungang pagpapagal." 

Kung siya naman ay mamatay, ito ay dakilang kapakinabangan dahil sa wakas makikita niya na ang Personang pinag-alayan niya ng buhay. Gaya ng mangingibig na nabubuhay lamang sa iniibig, masaya siya kung makita sa wakas si Cristo, kahit nangangahulugan ito ng kaniyang pisikal na kamatayan. 

"Na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin. Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila..." Naiipit si Pablo sa proberbiyal na bato at matigas na lugar. Hindi niya alam kung ano ang pipiliin sapagkat malakas ang hatak ng "magkabila." 

"Akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti." Sa isang banda gusto niya ng mamatay at sumakay Cristo. Hindi ito iyak ng desperasyon gaya ng ibang Cristianong humihiling ng kamatayan sa tuwing nahaharap sa pagsubok. Ito ay maingat na pagkunsidera ng kapakinabangan ng mapakay Cristo. Ito ay "lalong mabuti." Makakasama niya si Cristo na Siyang sumaryo ng kaniyang buhay. 

"Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo." Sa kabila ng pagnanais niyang pumunta na kay Cristo dahil sa ito ay kapakinabangan at lalong mabuti, kinikilala niyang ang "manatili sa laman," samakatuwid ay mabuhay, ay "siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo." Narito ang pag-ibig ni Pablo. Naiipit siya sa isang kabutihang siya lamang ang makikinabang ("lalong mabuti") at sa pangangailangang ang buong iglesia sa Filipos ang makikinabang ("lalong kinakailangan"). Ang isyu ay "lalong mabuti" o "lalong kinakailangan." Ngunit dahil sa iniibig niya ang mga taga-Filipos, kung siya ay mabuhay, gagamitin niya ito sa paglilingkod dahil kailangan siya ng mga taga-Filipos. Ang iba sa atin, sa harap ng posibilidad ng kamatayan, ay mapapaisip: "Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang paglilingkod kay Cristo? Ilang dekada na ang ginugol ko sa Kaniya, siguro panahon naman na sarili ko ang aking isipin?" Hindi si Pablo, paglaya niya, ang una niyang gustong gawin ay paglingkuran ang kapatiran dahil alam niyang ito ay "lalong kinakailangan."

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Ang Diyos ang Nagtatag ng Pamilya

Hindi kami maaaring mag-Bible study dahil nakapambahay?

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama