Ang Iglesia at ang Biyaya

 


Malaking tulong ang aklat ni Philip Yancey at pinagbubulay-bulayan ko ang iglesia bilang isang katawan ni Cristo, partikular ang ekspresyon nito sa isang lugar. Bilang isang guro, isang malaking kalungkutang makita na hindi natututunan ng aking mga estudyante ang aking leksiyon. Inubos mo ang oras sa pag-aaral ng iyong leksiyon, gumawa ka ng mga tulong pag-aaral at bumalangkas ka ng isang plano ng pagtuturo ngunit sa oras ng pagsusulit o ng gawaing pagganap, iilan lamang ang nagpakita ng pagkatuto at pagkaunawa. Ganuon din ang pakiramdam sa pamamahala at pagtuturo sa iglesia. Linggo-linggo ang Salita ng Diyos ay tinuturo at pinapaliwanag, kabanata sa kabanata at sitas sa sitas; linggo-linggo ang kapatiran ay iniimbitahan na makilahok at makibahagi sa ministeryo; at linggo-linggo nariyan ang paghimok na maging tapat at maglingkod. Ngunit gaya sa eskwelahan, kung minsan nakalulungkot at nakapanghihina ng loob kapag walang nakikitang pagbabago sa mga inaralan. Gaya ng mga bigong magbigay ng nakasisiyang gawaing pagganap, ang imbitasyon sa malaya at boluntaryong paglilingkod ay nahuhulog sa mga binging tainga. Hindi maiwasang mapatanong, saan ako nagkulang? Ano ang dapat kung ginawa upang matamo ang resultang hinahangad?


Sa puntong ito nakatulong ang pagbubulay sa kalikasan ng biyaya. Ano ba ang biyaya? Ang biyaya ay walang tampat na pag-ibig ng Diyos sa mga taong hindi karapat-dapat ng Kaniyang pag-ibig. Bilang mabiyayang Diyos, likas sa Kaniya ang magbigay ng paglingap at pag-ibig, maging at lalong lalo na sa hindi karapat-dapat nito. Higit pa diyan, iniimbitahan Niya ang mga Cristiano na makiisa sa mabiyayang kalikasang ito. Bilang bahagi ng Kaniyang plano ng biyaya, iniimbitahan Niya ang mga Cristiano na lumago sa biyaya at kaalaman sa Personang epitoma ng biyaya- si Cristo. Ang biyaya ay handang sumugal- nag-aalok ng kabutihan sa mga taong maaaring tumanggi at tumakwil nito. Dahil sa paglagong ito sa biyaya, ang Cristiano ay binigyang kakayahan na maglingkod sa iba sa biyaya- nang hindi tumitingin sa kaaangkupan o karapatan ng biyayang ito. Dahil sa paglago sa biyayang ito, makapaglilingkod ka nang walang hinihingi at tinitingnang kapalit, kahit na ang biyayang ito ay tinatanggihan o tinatakwil. Kahit tila walang resultang nakikita o walang balik o resiprokasyon. 


Sa pagbubulay-bulay sa iglesia, hindi maiwasang hindi mapagnilayan ang biyaya. Dahil ang iglesia ay binubuo ng mga taong masasama at walang kakayahang iligtas ang mga sarili, at ganuon ang bawat isa sa atin, ang anumang ugnayan sa loob ng iglesia ay mauuwi sa kabiguan malibang maalala ng bawat isa na hiwalay sa biyaya ng Diyos, tayo ay wala. Ang biyaya ang magpapatatag sa atin at mag-iingat sa ating mga puso na hindi mabalot ng kapaitan o ng paghahanap ng kapalit. Lumago nawa ang iglesia ng Diyos sa biyaya ng Diyos at bawat sangkap nito ay mga munting epitoma ng dakilang biyaya ng Diyos ng mga biyaya.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay